NAMEMELIGRONG pasukin at angkinin na naman ng China ang kabilang parte ng Pilipinas – ang Philippines Rise na dating Benham Rise sa bandang Aurora Province.
Ito’y habang nagkikiskisan sa West Philippines Sea at nagbabangayan sa diplomacy at media ang dalawang bansa.
Nito lang March 1, naispatan ng American maritime expert na si Ray Powell ang dalawang China vessels na umaali-aligid sa Philippines Rise.
Si retired US Air Force Officer Powell ay project director ng Gordian Knot Center for National Security Innovation at namumuno rin ng Project Myoushu (South China Sea) sa Stanford University.
Sa kanyang X-Twitter account, pinost ni Powell ang satellite image ng Haiyang Dizhi Liuhao at Haiyang Dizhi Shihao na umalis ng pier sa Longxue Island sa Guangzhou nung February 26 at pumalaot patungong Luzon Strait.
Kinumpirma ni Lt Gen Fernyl Buca, chief of Northern Luzon (NolCom) sa Inquirer na na-monitor din nila ang dalawang China vessels, habang sinabi naman ni Philippine Coast Guard spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, na aalamin nila ang panghihimasok ng mga barko.
Kung na-monitor nga ng NolCom yan, ano ang ginawa nila? Pinabayaan lang?
Nalusutan tayo riyan.
Ang Philippines Rise ay extended continental shelf ng bansa.
Landmass sa ilalim ng karagatan na yayamanin sa marine biodiversity.
May lawak itong 13 million hectares ng seabed o 45 percent, halos kalahati ng kabuuang land area ng Pilipinas.
Ang kanya namang subsurface ay may lawak na 11 million hectares sa loob ng Philippines Exclusive Economic Zone.
Dati itong Benham Rise at sa bisa ng Executive Order 25 noong 2017 ay pinalitan at tinawag na Philippines Rise.
April 2012, inaprubahan ng United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf (NCLCS) ang kahilingan ng Pilipinas na ideklara itong parte ng extended continental shelf ng bansa.
Dahil dito, may sovereign rights o karapatan ang Pilipinas na saliksikin at paunlarin ang natural resouces sa Philippines Rise.
Pero alam nyo ba na noong 2014, nag-apply ang China sa Sub-committee on Undersea Feature Names (SCUFN) ng
International Hydrographic Association (IHO) na pangalanan ang limang features?
Noon daw 2004, nadiskubre nila ang tatlong features nung nag-survey sa area ang barkong Li Shiguang Hao ng China Navy Hydrographic Office.
Ang dalawa namang features ay nadiskubre raw nila noon ding 2004 at pinarehistro nung 2016 sa IHO
Sa kanyang Facebook post 2018, sinabi ni Philippines maritime expert at UP Professor Jay Batongbacal na inaprubahan ng IHO ang limang pangalan.
Ang mga ito ay Haidongqing Seamount, Jinghao Seamount, Tianbao Seamount, Jujiu Seamount at Cuiqiao Hill.
Prinotesta ito ng Pilipinas February 2018 pero huli na dahil 2015 pa nga nirehistro ng China ang limang pangalan.
Na-outsmart ulit tayo riyan ng China.
Pero ang argument dyan, bakit inaprubahan yan ng IHO kung 2012 pa naman ay adopted in full ng United Nations ang recommendation ng Pilipinas at dineklara ito bilang bahagi ng ating teritoryo.
Noon pa sinasabi na babantayan ng gobyerno ang Philippines Rise na pinagdidiskitahan ng China pero hanggang ngayon nganga pa rin.
Budgetan na yan at magtayo na ng naval base o command post saka magpalalim sa research sa ilalim ng dagat.
Yan kasing marine at mineral resources research ang magiging batayan para i-develop ang Philippines Rise.
Nauna nang sinabi ng Philippine National Oil Company 2017 na walang petroleum reserves na maasahan sa Philippines Rise.
Sabi pa ni Raymundo Savella, vice president for upstream operations ng PNOC-EC, na kulang ang Ph Rise ng active features para maging source ng langis.
Pero dagdag niya, potensyal ang area para sa gas hydrates o methane, na maaaring ma-explore sa pakikipag-partner sa ibang bansa.
Wag nang hintayin ang EDCA bases dalawa sa Cagayan at isa sa Isabela at wag umasa na tunay tayong madedepensahan sa parteng yan ng Pilipinas ng Amerika na wala silang mapapakinabanangan at hindi tayo maiipit sa bakbakan nila ng China.
Wag nang tutulog-tulog sa pansitan at magising na meron nang Chinese military installations sa Philippines Rise tulad ng nangyari sa West Philippines Sea.
Matuto na sana tayo sa karanasan.