Pattern ng media attacks

NITONG Martes, April 26, anim na bayan sa Maguindanao at dalawa sa Lanao Del Sur ang isinailalim sa direktang kontrol ng Commission on Elections (COMELEC) ngayong botohan.

Ibig sabihin, may full control at command ang commission sa lahat ng national and local law enforcement agencies, military officers na nakadestino sa mga hotspot.

Kasama riyan ang Buluan, Datu Odin Sinsuat, Datu Piang, Mangudadatu, Pandag, Sultan Kudarat sa Maguindanao habang Marawi City at Maguing town naman sa Lanao del Sur.

Nauna riyan, 20 munisipalidad na ang nasa kontrol ng Comelec karamihan ay sa Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Base sa COMELEC Resolution 10757, ilalagay sa direct control ng commission ang isang lugar kung may kasaysayan ng matinding labanan ng mga kandidato, election-related violence, karahasan na dulot ng private armies at may banta ng terrorist at communist groups.

Minomonitor ng Philippine National Police (PNP at COMELEC ang 114 pang bayan at syudad na nasa ilalim ng red category dahil sa posibleng election-related violence.

Sa report ng Benar News kahapon, 20 private armed groups na hawak ng mga pulitiko na karamihan ay nasa BARMM ang binuwag ng PNP.

Sa bagay na yan, suportado natin ang mga ginawang aksyon ng COMELEC at PNP.

Wag nating kalimutan na ang Maguindanao Massacre ang pinakamadugong election-related violence sa recorded history sa buong mundo.

Thirteen years ago, o noong November 23, 2009, may 32 mamamahayag at media workers ang kasama sa 58 na minasaker sa Sitio Masalay, Barangay Salman, bayan ng Ampatuan.

Bagaman nagbaba na ng guilty verdict ang hukom sa ilang mastermind na pinangungunahan ng magkapatid na sina Andal “Datu Unsay” Uy Ampatuan Jr., at Zaldy Ampatuan Jr. hindi pa rin ganap ang hustisyang nakamit.

Dalawampu’t walo lang sa 107 na nilitis ang na-convict, may hinatulan ding 15 accessory sa pagpatay at 80 suspects pa ang nakawala at hindi pa naparurusahan.

Kahit nakaalerto at nagbubuwag na ng private armies ang PNP ar COMELEC, dapat lang maging mapagbantay at doble ingat ang mga journalist, tv crew, photojournalist at buong media sector sa pag-cover at pag-report ng eleksyon.

Sa 2021 Global Impunity Index na inilabas ng Committee to Protect Journalists, No. 7 ang Pilipinas sa pinakapamapanganib na bansa para sa mga reporter.

Number one ang Somalia na sinundan ng Syria, Iraq, and South Sudan.

Sa inilabas na report ng US Department of State’s 2021 Country Report on Human Rights Practices at base rin sa US NGO na Freedom House, patuloy pa rin ang karahasan at harassment laban sa national at provincial media sa Pilinas.

Sa monitoring ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) hanggang noong March 15, 2022, may dalawang mamamahayag ng Sultan Kudarat at Davao del Sur na ang pinatay nang nagsimula ang filing of candidacy nung October 2021.

Ito’y sina radio commentator and reporter Orlando Dinoy and radio commentator Jaynard Angeles.

Nang nagsimula naman ang campaign period February 8, 2022, tatlong reporter ang hinarang sa pag-cover ng political campaign kasama na si Sherwin De Vera ng Rappler at photojournalist Edwin Mangoba na naka-assign na magkober kay Marcos Jr.

Hinarang din ang ABS-CBN stringer Dynah Diestro sa pagbisita ng apat na senatorial candidates sa Zamboanga del Norte governor’s office.

Meron namang siyam news websites ang inatake ng distributed denial of service (DDoS) attacks dahilan para hindi ito mabuksan ng mga gustong magbasa ng balita.

Kasama rito ang websites ng GMA 7, CNN Philippines, ABS-CBN, AlterMidya at Rappler.

Sustained din ang red tagging tulad ng ginawa kay Lian Buan ng Rappler na nag-cover kay Marcos Jr duwag at sinungaling.

Nito lang April 13, pasado 7 pm, hinarang at pinalibutan ng Marcos Jr security personnel si Lian habang papalapit kay Marcos Jr para mag-ambush interview sa IBP Road, Kyusi.

Pasado 4 pm din ng araw na yan, ang Twitter user na si @shiningtwicexo ay ni-red tag si Lian na isa sa high-ranking officials ng CPP-NPA-NDF” dahil director siya ng NUJP. Kinondena ito ng Rappler at NUJP.

Sa tinatakbo ng mga klase ng media assaults ngayong eleksyon – pinakamatindi ang online attacks at red-tagging.

Puma-pattern din ang panggigipit at pag-ban ng campaigners ng Marcos Jr – Sara Duterte slate sa mga reporter na ayaw nilang mag-cover.

NUJP statement kaugnay sa media attacks sa panahon ng eleksyon.



Yan ang mga dapat nating bantayan, ireport at idemanda kung kinakailangan.

Makatutulong ang buddy system kung carry, magsanay ng self-defense at magbaon ng panlaban tulad ng tear gas.

Nagbibigay ng buong pagsasanay sa journalists’ safety at election coverage ang NUJP, ilang media outfits at NGOs.

Sa mamamayan na naniniwala sa malayang pamamahayag, pagbabalita ng katotohanan at serbisyo publiko ng media, malaki po ang inyong maitutulong kung ibibidyo, ipagtanggol at iligtas ninyo mga media sa panggigipit at pananakit ng mga security at supporter ng mga kandidatong mararahas, may itinatago, duwag, magnanakaw at sinungaling.

Dapat magtulungan ang media at mamamayan para siguruhing malinis, maayos, ligtas at peaceful ang eleksyon hanggang pagtapos ng botohan at makaupo sa pwesto ang mga legit na winner.

Eto po ang Hotlines ng NUJP:

0917.515.5991 at 0938.557.8313

Email: [email protected]


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]