‘Patayin ang 15 senador’ joke lang? Anong nakakatawa dun?

PATAYIN.

Salitang tila napakadaling sambitin ng dating pangulong Rodrigo Duterte. 

Isa itong salita na madalas nating marinig sa anim na taong termino ni Duterte.

Salitang naging katotohanan sa may humigit-kumulang na 30,000 umano’y mga sangkot sa ilegal na droga. 

Patayin. Pero sa pinakabagong isyu, 15 lang ang pinatutungkulan ni Duterte. At hindi mga ordinaryong tao kundi mga senador.

Dapat ba itong ipagkibit-balikat? Dapat itong seryosohin? 

Ayon sa mga sumusuporta kay Duterte, joke lang daw yun. 

Joke lang?

Sa inyo kaya sabihin yun? Baka wala pa isang oras, nagpa-blotter na kayo at sasabihin niyo may banta sa buhay niyo.

Sabi ng isang senador na loyal sa dating pangulo, dapat daw sanay na tayo sa ganyang mga statement ni Duterte. Klaro naman daw na biro yun. 

Yung isa ring senatoriable, sabi niya, hindi sa dinedepensahan ang sinuman, pero malinaw na malinaw na joke yung patayuin ang 15 senador.

Yung isa naman sabi niya ini-exercise lang ni Duterte ang kanyang freedom of speech. Pero ayaw niya makisawsaw sa away ng dalawang grupo. ‘Di nga?

Sabi nung isa na sumayaw lang, nanalo na, na mabulaklak lang ang bibig ng dating pangulo. 

At ang pinaka-classic na comment sa lahat, sabi nung isang senador na mabait naman daw at relihiyoso sa totoong buhay si Duterte. 

Tila na-normalize na ng mga ito ang salitang patayin. 

Hindi nga sila naringgan na kinundena nila ang pagpatay sa mga inosenteng biktima ng tokhang.

‘Di ko tuloy maiwasang tanungin sarili ko kung may moralidad pa ba ang mga taong ito?

Dahil imbes na kundinahin ang “pagbanta” sa buhay ng 15 senador, pinagtanggol pa nila si Duterte, kahit na alam nila na mali ito.

Baka yun ang dapat na tanong, kung alam pa ba nila kung ano ang mali sa tama?

Kunsabagay, yung isang senatoriable, nagsabi na mamatay na raw lahat ng bumabatikos sa kanya.

Hindi tayo dapat masanay na marinig ang saitang “patayin.” Hindi ito normal. Hindi ito biro. At higit sa lahat, maling-mali ito.