KAILANGAN nang ibalik ang bakasyon ng mga mag-aaral sa mga buwan ng Abril at Mayo.
Hindi na rin kasi biro ang nararanasan nating init ng panahon sanhi ng global warming, isama na natin ang El Nino phenomenon.
Kawawa ang mga batang mag-aaral kung patuloy silang papasok sa paaralan at ang mararanasang init factor ay nasa 40 degrees Celsius.
Naglabas na ang Department of Education o DepEd ng memorandum noong nakaraang taon pa na maaaring magsuspindi ng klase ang mga school heads kung labis ang mararanasang init.
Gagawing basehan ng mga school heads ang report galing sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA kung ano ang magiging temperatura.
Sa nangyayari ngayon, hindi na kailangan pang i-memorize yan dahil alam natin na ang buwan ng Abril at Mayo ay ang pinakamainit na panahon sa ating bansa.
Kaya nga ito ang tinatawag nating summer months at nagbabakasyon ang mga bata mula sa paaralan. Ito rin ang panahon kung saan nakakapamasyal ang buong pamilya at i-enjoy ang beach, swimming pool, o ilog man yan.
Hindi naman maaaring maligo sa beach, pool, at ilog kung malakas ang ulan at may kidlat pang kasama.
Hindi ako naging sang-ayon nung mag-desisyon ang DepEd na gawing August to May ang pasok sa mga paaralan.
Kalokohan kasi ang rason na madalas masuspindi ang pasok dahil sa lakas ng ulan, bagyo, at isama na natin ang baha kaya inilipat ang opening ng school year.
Mas lalo namang kalokohan ang dahilan na kailangan sasabay tayo sa school calendar ng mga katabi nating bansa sa Southeast Asia, gayong hindi pareho ang weather natin sa kanila. Kahit sila man ay walang pasok pag summer season nila.
Para tuloy isinakripisyo natin ang kalusugan ng mga mag-aaral, gayung alam nating lahat na ang mga silid-aralan sa pampublikong paaralan ay mga walang sapat na gamit upang maibsan ang init, gaya ng electric fan. Sa sobrang init ng panahon ngayon, dapat isaalang-alang ang kalusugan ng mga mag-aaral, pati na rin ng mga guro.
Good news naman na malaman na unti-unting ibabalik sa dating school calendar na June to April ang mga klase. Ito ang nararapat. Mangyayari ito sa taong 2026-2027.
Dapat kasi ay maranasan nitong mga nagdedesisyon kung ano ang eksena sa loob ng silid-aralan na walang aircon at siksikan ang mga mag-aaral, para alam nila ano ang tunay na sitwasyon.
Palibhasa kasi mga nasa airconditioned na mga opisina kaya di nila alintana ang nangyayari on the ground.
Ayon sa PAGASA, mararanasan natin ang mainit na panahon hanggang Mayo. Hindi pa tapos ang kalbaryo ng ating mga mag-aaral. Ibayong ingat ang kailangan.