Parusahan si Duterte

HINDI paliligtasin si Mayor President Rodrigo Duterte ng mga biktima at pamilya ng mga pinatay, minissing, tinorture, desaparecidos at ginahasa sa kanyang brutal na drugs war:
pinakamarahas, pinakamalaganap at pinakamarami sa isang administrasyon sa kasaysayan ng Pilipinas.

Nitong Agosto 27, 2021, isinubmit ng International Criminal Court registry sa Pre-Trial Chamber ang dokumentadong pusisyon ng 204 kinatawan ng 2,580 biktima ng War on Drugs (WoD): 1,530 ay indibidwal at 1,050 ay mga pamilya.


Sa legal assessment ng ICC, ipinu-push ng 192 o 94 porsyento ng 204 kinatawan ng mga biktima sa Office of the Prosecutor ang full investigation sa WoD.

Ibig sabihin, sa lengguwahe ng report conclusion, “overwhelming” o labis-labis ang suporta ng mga biktima sa hinihinging aksyon ng OTP na imbestigahan ang Philippine government na pinangungunahan ni Duterte, sa nangyaring patayan sa droga.


Nasa 102 o 50 porsyento rito ay maniningil kay Duterte sa kasong murder na may kasamang ibang krimen at 79 o 39 porsyento ang pupuro sa kasong murder.

Sasaklawin ng imbestigasyon ang paghahari-harian ni Duterte mula Nobyembre 1, 2011 noong Davao City Mayor pa siya hanggang Marso 17, 2019 na presidente na siya.

Sa datos ng PNP, higit 6,000 ang pinatay sa Tokhang operations pero pinangangambahan ng human rights groups sa Pilipinas na mahigit 30,000 victims ang vigilante killings na isinagawa ng Duterte Death Squad o DDS.

Sa 28-page redacted report, iginigiit ng mga biktima na parusahan ang mga maysala sa mga patayang inutos ni Duterte.

Kinukwestyon at pinangangambahan ng mga biktima ang sistema ng hustisya at kakayahan at pagiging bukas ng gobyerno na sumalang sa imbestigasyon ng ICC.

Ang data tungkol sa 204 representations ay base sa ikalimang victim consultation process na ginawa ng Victims Participation and Reparations Section (“VPRS”) ng Registry batay sa mandato ng article 15(3) of the Rome Statute (“Article 15 process”).

Nagsimula ang proseso nang abisuhan ng Prosecutor ang mga biktima at kaanak nitong Hunyo 15, 2021 at natapos ng Agosto 13, 2021.

Ikinuwento ng mga kinatawan o representation ang kanilang mga karanasan sa Tokhang ops, pananaw, saloobin, pangamba at mga gustong mangyari sa kanilang mga kaso.

Ibig sabihin, hindi man ito nangangahulugan na gagamitin ang representations bilang testimonya o ebidensya, pinalalakas nito ang tinig ng mga mahihirap at inosenteng biktima ng drugs war.

Ibig sabihin, maraming biktima ang tumitindig laban sa extrajudicial killings, torture, involuntary disappearances, rape at iba pang kaugnay na krimen.

Ibig sabihin, buhay ang pagsusulong ng maliliit at api para sa hustisya sa mga pang-aabuso nina Duterte, pulisya, militar at mga punong bayan ng kanilang kapangyarihan.

Ibig sabihin, unti-unti nang nauugat, nagkakalaman at nabibigyan ng mukha ang sistematiko, organisado, malaganap at mabangis na pananagasa sa pinakamahalagang karapatang pantao – ang karapatang mabuhay.

Ang susunod na hakbang ay susuriing mabuti ng ICC judges ang natanggap na report at anumang oras ay maglalabas ng desisyon sa request ng Office of the Prosecutor na ngayon ay pinamumunuan ni Karim A. A. Khan QC mula United Kingdom para imbestigahan ang Duterte administration.



Link sa ful report assessment ng representations ng mga biktima ng War on Drugs:


https://www.icc-cpi.int/RelatedRecords/CR2021_07669.PDF


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]