Party-list perversion

MAY maliwanag na kamalian ang sistema ng party-list sa bansa. 

Tama ang intensyon ng batas, mali lang  ang implementasyon. O mali lang ang voter’s culture sa Pinas. 

Ang intensyon ng batas sa partylist ay upang kumatawan ito sa mga nasa laylayan ng lipunan. Sinu-sino   ang mga itinuturing na nasa laylayan ng lipunan?

Ito ang sektor ng magsasaka, mangingisda, disabled persons, women, single parents, youth, manggagawa, urban poor, artists (kabilang ang mga musIkero o seasonal entertainers) at marami pang iba.

Maaari rin sa kategoryang ito ang mga sektor batay sa  ideolohiya. Kaya mayroong Makabayan, Partido Federal, Christian-Muslim Democrats, Nacionalista, Liberal, Aksyon Demokratiko, Puwersa Ng Masa, Kapatiran, Bigkis, Malay Democrats at maging ang paniniwala ay di pangkaraniwan gaya ng Medical Cannabis Party. 

Ang magandang  intensyon ng batas, kinalaunan, ay naabuso. Ginawa na itong  kasangkapan ng mga oligarko, dinastiya at iba pang makapangyarihang grupo upang magpakasasa sa puwesto.  

Kaya hindi talaga natugunan ng partylist system ang problema sa tamang representasyon ng mga mahihirap at ang maling kultura sa pagboto na pumapabor sa mga popular, makapangyarihan at may salapi. 

Isinabatas ang  Republic Act No. 7941 (Party-list System Act)  upang bigyan ng boses ang mahihirap na sektor ng lipunan at maging bahagi ng paggawa ng mga batas na makakatulong sa kanila at sa  pangkalahatan, sa buong bansa. 

“The party-list system  was devised to combat  the undesirable  characteristic of the electorate,” saad ng intoduksyon ng thesis ni Laverne Jallorina ng DLSU. 

Sa sistemang ito, ayon kay Jallorina,  mas bibigyang- halaga ang merito kaysa  popularidad  dahil ang pipiliin ng botante ay isang grupo  na kakatawan sa mahirap na sektor imbes na tradisyunal na politiko. Imbes na trapos, mga nominee ang kakatawan sa party-list. Ang kapangyarihan ay hindi nakasentro sa isang indibidwal kundi sa representatante ng  mamamayan.  Parang kanta ni John Lennnon, “power to the people”. 

Kapangyarihan sa mamamayan. Iyan ang esensiya ng Republic Act No. 7941. 

Ang malinaw na rekisito ng batas ay nakalagay sa Section 8 kung saan tinukoy ang kuwalipikasyon ng party-list nominees. Bukod sa bbatayang mga kuwalipikasyon gaya ng edad at  naabot na grado, isinama ang karakter at track record: 

Section 9. Qualification of Party-list Nominees (paragraph 5): A majority  of the members of sectoral parties or organizations that represent the marginalized and underrepresented must belong to the marginalized and underrepesented sector they represent.

Similarly, a majority of the members of the sectoral parties or organizations that  lack “well-defined political constituencies” must belong to the sector  they represent. The nominees of sectoral parties or organizations  that represent the marginalized and underrepresented or that who represent those who lack “well-defined  political constituencies”  either must belong  to the respective sectors, or must have a TRACK RECORD OF ADVOCACY for their respective sectors. The nominees of national or regional parties or organizations must be bonafide members of such  parties or organizations. 

Ito naman ang aktuwal na nangyayari sa sinalaulang sistema ng party-list ngayon:

Sa ulat ni UP Prof Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya, may halos 86 rehistradong party-list ang konektado sa political dynasties na labag sa kautusan ng Konstitusyon; konektado sa malalaking negosyante na  nagtataguyod ng oligarkiya; konektado sa police/militar na kilala sa pagkitil ng malayang kaisipan at pamamahayag;  mga tradisyunal na politiko na may kaso ng plunder at graft and corruption; mga grupong kuwestiyonable ang adbokasiya at mga grupong halos walang track record sa paggo-gobyerno.

Halimbawa sa mga kuwestionableng party-list na tumatakbo ang Kaunlad Pinoy, kung saan diumano ang unang nominee ay isang James Christopher Napoles.

Kung pamilyar ang pangalan at apelyidong ito, ito ay dahil anak siya ni Janet Lim-Napoles na napatunayang nagkasala sa kasong plunder bilang fixer ng 20 senador at 100 kongresista noong 2014. 

Bukod kay Napoles, nagpapatuloy ang maraming kuwestionableng party-lists na ang mga nominee ay makapangyarihang mga tao din na sangkot sa illegal mining. Mayroon ding nominado na asawa ng mataas na opisyal ng gobyerno ngunit pinapalabas na siya ay bahagi ng “marginalized.” May pamilya ng mga broadkaster na hindi yata alam ang depinisyon ng dinastiya kung kaya halos nasa anim na silang personahe na tumatakbo sa iba’t ibang posisyon kabilang na sa party-list. 

May big time kontraktor, kabit, may-ari ng mga resort at super yayaman na mga kandidato. 

Walang malinaw na prohibisyon ang batas sa usapin ng estado sa buhay upang maging nominado ng party- list subalit mandato ng batas na may track record sa advocacy ang dapat kumatawan sa mahihirap na sektor. Anong advocacy kaya ang maaring ikawing sa nabanggit na klase ng mga nominado? 

Sa nalalapit na halalan, maging mabusisi sa ibobotong party-list.  Alamin ang background ng grupo at kilalanin ang mga nominado nito na magiging kinatawan sa Kongreso. Huwag magpadala sa ningning ng pangalan o angas ng dating ng naturang partido. 

Wala sa label ika nga, ang tunay na may dakilang intensyon at pagmamahal sa bayan.  Magbatay sa track record.