HINDI humihina ang bilyong- pisong industriya ng fastfood anuman ang kalagayan ng ekonomiya. Ito ang napag-alaman sa mga global at local studies.
“Lucrative” ang description ng mga analysts sa kalagayang pampinansiya ng mga establisimyento. Sa 200 bilyong revenue ng US fastfoods, halos 26 porsiyento o nasa anim na bilyon ang share sa revenue ng fastfoods sa Pilipinas kada taon.
Ang impluwensiya ng fastfood industry sa consuming public ay nagresulta hindi lamang sa radikal na pagbabago sa eating pattern o nakagawiang uri ng pagkain ng tao kundi binago rin nito kung paano iprodyus ang modernong pagkain.
Sa likod ng katakam-takam at nakakatulo ng laway na patalastas ng chicken joy, fries, frappe at burger ay ang hindi lantad na totoong halaga at epekto ng naturang mga produkto sa kalusugan, empleyo, animal welfare at kapaligiran.
Nitong weekend ay ginulat tayo ng kakila-kilabot na kuwento ni Jelyn Dablo, sikat na online seller na pumanaw sanhi ng stage 4 endometrial cancer. Makikita sa mga larawan niya ang transpormasyon niya mula sa pagiging maganda, masigla, mayaman at masayang nilalang hanggang siya ay nawalan ng sigla, maubos ang yaman at ganda at maging buto’t balat.
Bago siya binawian ng buhay ay nakapag blog siya at nakapagbigay babala sa publiko na alagaan ang mga sarili. Ibinunyag niya ang kanyang lifestyle noon: laging nagpupuyat (minsan ay dalawang araw na walang tulog) at ang pagiging dependent nito sa fastfood-sourced na mga pagkain. Tinukoy niya na mahilig siya sa mga instant food: softdrink, milktea, chicken, fries, burger, donut, praffe at hindi daw halos umiinom ng tubig kundi mga de-kolor na inumin. Aminado siyang ito ang pinaniniwalaang dahilan-ang unhealthy eating pattern niya- kaya siya nagkaroon ng fatal na sakit.
Hindi mahirap humanap ng mga siyentipikong pag-aaral na nagsasangkot sa mga pagkaing fastfood bilang salarin sa tumataas na bilang ng populasyong may sakit sa puso, cancer at diabetes. Naikokonekta din ang pagkaing fastfood sa pagbabago ng metabolism.
Kamakailan ay muli ring laman ng balita sa buong mundo ang British celebrity chef na si Jamie Oliver. Naungkat ang pagsasapubliko ni Oliver sa kanyang tv show noong 2011 na Jamie Oliver’s Food Revolution ang isyu ng ammonia-processed beef ng isang sikat na fastfood chain na diumano ay hindi ligtas para kainin ng tao.
Noong 2013, sa hindi malinaw na dahilan ay ipinatigil ng naturang fastfood ang paggamit ng beef trimmings na diumano ay tinurukan ng ammonia. Marami ang nagbigay ng konklusyon na ang naturang fastfood ay “guilty” at nakonsensiya kaya boluntaryong itinigil ang nakakalasong produkto.
May mga umikot na ‘tsismis” na karamihan sa mga ginagamit na burger ay mga hindi na makaing mga karne na prinoseso o kaya mga karton na giniling at pinino at siyang ginagawang burger.
Ang mga pagkain sa fastfood, ayon pa sa isang food activist, ay para sa mga hayop. Aniya, ang mga nuggets ay mga pinagtabasang taba, balat, buto, ulo, paa, kartilago na pinapabango ng kemikal, pinapaputi, kinukulayan, binubudburan ng harina, piniprito, at inilulubog sa mga hydrogenated oil, na mga lason sa katawan.
Lahat ng mga kumalat na alegasyong ito ay natural na ipinagkaila at dinipensahan ng naturang fastfood. Anila ay ligtas ang kanilang mga produkto at matagal na nilang ipinatigil ang paggamit ng ammonia sa kanilang mga produkto. Nagpalabas din ng umano ay scientific study ng isang siyentista na nagsabing produkto ng protein metabolism ang ammonia at nabubuo ito sa katawan at sa dulo ay nako-convert sa urea at nailalabas ng katawan sa pamamagitan ng pag-ihi.
Anumang pagtanggi, hindi maikakaila na ang sobrang pagkahumaling sa pagkaing fastfood ay hindi mainam. Mismong World Health Organization (WHO) ay nababahala. “Unhealthy food poses a unique risk…and takes advantage of children’s vulnerability.” Inamin ng ahensiya na “nutritionally poor” ang fastfood, sugary drinks at snacks.
Naalala ko ang huling pag-uusap namin ng lolo ko na namatay sa edad na 104. Tinanong ko siya kung ano ang sikreto niya sa mahabang buhay. “No fastfood!”, mabilis niyang sagot. Naalala ko rin ang pinsan ko na nagtrabaho sa isang canteen sa Baguio. Ibinida niya na sarap na sarap ang mga bata sa iskul na kanyang pinapasukan sa kanyang mga putahe. “Di nila alam na puro artipisyal napampasarap ang inihahalo ko!”
Nakatikim siya sa akin ng matalim na sulyap.
Food Choices Equals Food Empowerment
Aminado akong minsan ay nakakatamad magluto. Mas mabilis mag order online, tipid pa sa gas at oras. Mas mura pa nga minsan ang presyo.
Nakamura nga ba tayo o napamahal?
Minsan sa supermarket nalulula tayo sa presyo ng mga prutas at gulay. Kaya mas madalas ay tumatakbo tayo sa processed meat section. Pulot ng ham, sausage, hotdog, fries. Dagdagan pa ng meat loaf at mga canned goods.
Iyan ang mga karaniwang senaryo sa buhay ng mamimiling Pinoy. Mga food choices na misplaced at mapanganib sa kalusugan.
Panahon na upang mamulat tayo na hindi lahat ng madaling pagkain ay mas mainam sa bulsa, lalo na sa kalusugan. Nasa food choices natin ang sagot. Maging mapagbantay sa mga kinakain. Hindi nababahala ang mga fastfood company sa panganib ng mga sangkap sa kanilang inilalakon mga pagkain. Mas nababahala sila sa pagbaba ng kanilang kikitain.
Ang pagkakaisa ng mga konsyumer na kuwestiyunin ang mga polisiyang nakapaloob sa food safety at paglimita o pag-aalis sa mga panganib ng processed foods at mga pagkaing mabilisang inihahanda ay napapanahon. Kailangang bisitahin muli ang mga regulasyon sa tamang preparasyon ng pampublikong mga kainan.
Eye-opener dapat sa atin at sa pamahalaan ang nangyari kay Jelyn.