SA pamilya ng mga overseas Filipino workers, sana maging okay kayo.
Kasi, hinihimok ng isang grupo na huwag magpadala sa inyo ng isang linggo, mula March 28 hanggang April 4, 2025, para raw maramdaman ng gobyerno ng PIlipinas ang mawalan ng kita mula sa remittances.
Tila yata mas mahalaga ba ang isang tao kesa kayong kapamilya?
Kasi, titiisin kayo ng kapamilya ninyo na hindi padalhan dahil sa isang tao na ngayon ay nakakulong.
Hinuli at kinulong dahil sa salang crimes against humanity.
Mas mahal yata nila ang taong ito kesa sa inyo.
Hindi ba’t kayo ang tunay na dahilan bakit nakipagsapalaran ang inyong mahal sa buhay sa ibang bansa?
Bakit iba ang pinaglalaban nila?
Suportado niyo man ang taong may salang pagpatay, pero sapat ba itong dahilan para pabayaan kayo ng mahal ninyo sa buhay?
Isang linggo lang naman na hindi magpapadala. Pwede na yun. Okay lang yun.
Paano kung may emergency? Paano kung may project si ate o kuya o si bunso na kailangan ng agarang pambili ng gamit?
Sorry, pero hindi makakapagpadala si nanay o si tatay dahil pinaglalaban nila na pauwiin sa bansa ang dating pangulo na nakakulong sa isang pasilidad na kanyang inihambing sa hotel.
Tama. Parang hotel. Masarap ang pagkain na akma sa pangangailangan ng kanyang diet. May doctor pa na maaaring tawagin ano man oras na kailanganin.
Pero kayo na nandito sa Pilipinas, isang linggong titiisin ng inyong mahal sa buhay.
Dahil gusto nila mapauwi dito ang isang tao na naging daan para mapatay ang libu-libong tao, kabilang na ang mga bata at mga walang kinalaman sa pagbenta o paggamit in ilegal na droga.
Oo, may mga inosenteng nadamay.
At bago kayo kumuda na hindi totoo ang mga nangyaring patayan, balikan niyo na lang ang Senate at House of Representative hearings kung saan inamin niya ang pagutos na patayin ang mga drug lords. Kaso ni isang drug lord walang nahuli, walang namatay. Puro small time drug pushers at users.
Sigurado naman na hindi lahat ng OFW ay supporter ng dating pangulo. Sigurado rin ako na itong mga OFW na ito ay mas mahal ang kanilang naiwang pamilya kaya hindi sila sasali sa one-week non remittance call.
Matuloy man na hindi magpadala ang inyong mahal sa buhay sa March 28 hanggang April 4, sana dagdagan nila ang padala sa susunod na linggo.
Pambawi sa ginawang pagpapabaya, dahil lang sa isang taong iniidolo nila na malaki ang sala sa Diyos.