Pamana ng Ama ng Karapatang Pantao

PINAUNLAD ni Senador Jose “Ka Pepe” Diokno – ang maituturing nating Ama ng Karapatang Pantao sa Pilipinas – ang konsepto ng free legal aid.

Di limos o charity ang uri ng kanyang legal aid. Bagkus, binibigyang-kapangyarihan niya ang bayan upang gamitin ang batas tungo sa pagkakamit ng pagbabago sa lipunan.

Matalas na sinusuri ni Ka Pepe di lamang ang batas, kundi maging ang mga kondisyon sa lipunan na nagluluwal ng mga isyung panlegal ng mga mamamayan, tulad, halimbawa, ng demolition ng komunidad ng mga maralita.

Kabalikat ang masang anakpawis, tinatanong ni Ka Pepe:

Bakit winawasak ang tahanan ng mga maralitang taga-lungsod? Ano ang solusyon sa kanilang problema?

Kinakailangan aniyang itaguyod ng tulad niyang abogado, kakapit-bisig ng organisadong sambayanan, ang tunay at makabuluhang pagbabago.

Developmental legal aid

Kaya pinalalakas at binibigyang-kapangyarihan niya ang kanyang mga kliyente at kanilang organisadong hanay.

Legal empowerment ng mga mamamayan ang nilalayon ng abogasya ni Ka Pepe.

Gamit niya ang progresibong lente ng pagtingin at paggamit sa batas sa konteksto ng ating kalagayang panlipunan,

Tinawag niya itong developmental legal aid.

Walang takot si Ka Pepe.

Sa pamamagitan ng mapayapa at legal na paraan – sa parliyamento man ng lansangan o sa korte – nilabanan niya nang buong giting ang kalupitan at terorismo ni Marcos.

Kahit markado bilang dating bilanggong pulitikal at sa kabila ng pagbabawal at panunupil ng martial law, walang mintis na nagtalumpati at nagsulat si Ka Pepe laban sa paglabag ng mga karapatang pantao ng rehimeng Marcos.

Lagi siyang inaanyayahang maging tagapagsalita sa mga komperensiya, rali, at demonstrasyon.

Inilantad at tinutulan niya ang arbitraryong pagdakip, pag-tortyur, incommunicado detention, salvaging, at enforced disappearance ng mga aktibista, rebolusyonaryo, at ordinaryong mamamayan.

Revolution through law

Binuhay ni Ka Pepe ang konsepto ng revolution through law.

Itinaguyod niya ang tunay at makabuluhang pagbabago gamit ang batas bilang instrumento.

Iwinasiwas niya bilang armas ang mga progresibo, makamasa, at demokratikong probisyon ng batas upang itaguyod ang karapatang tao ng bawat Pilipino.

Atomo ng kapangyarihan

Kinilala niya ang sambayanang Pilipino bilang siyang nagtataglay ng tunay na soberanya at kapangyarihan.

Isang atomo ng soberanya (“atom of sovereignty”), aniya, ang bawat Pilipino.

Sila ang bukal na pinagmumulan ng tunay na kapangyarihang bayan.

Instrumento o ahensiya lamang nila ang pamahalaan.

Gobyerno, aniya, ang siyang may tungkulin sa madlang maglingkod at magsulong ng kanilang mga karapatan, kapakanan, at kagalingang pambayan.

Pamana

Tulad ni Ka Pepe, bukal din ng kabutihang loob at tatag ng paninindigan para sa paglilingkod sa Inang-Bayan ang kanyang maybahay na si Ka Nena at 10 anak.

Sa larangan ng batas – simula sa kanyang kabataan hanggang sa kasalukuyan – buong tapang, walang pagsasaalang-alang sa sarili, at walang pag-iimbot na nagtataguyod at nakikipaglaban para sa karapatang pantao nating mga Pilipino ang kanyang mabunying anak – si Jose Manuel Diokno.

Isa siyang abogadong lisensyado sa Pilipinas at maging sa Illinois, USA.

Siya ang founding dean ng De La Salle College of Law.

Siya rin ang tumatayong chairman ng FLAG.

Kilala siya bilang si Chel.

“Chel Diokno po.”

Ang Ngipin ng Batas.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]