ALAM n’yo bang hindi lamang sa Metro Manila ipinatutupad ang kontrobersyal na no contact apprehension program o NCAP?
Ipinatutupad rin ito sa mga lungsod ng Balanga sa Bataan at Cauayan sa Isabela.
Sa mga unang buwan ng pagpapatupad ng NCAP, ayon sa mga datos, ay bumaba ang mga kaso ng pedestrian accidents at hit and run sa mga lugar kung saan ito ipinatutupad.
Sa Bataan ay 82-percent ang ibinaba ng aksidente sa mga major highways, isang patunay na epektibo ang nasabing mekanismo.
Sa Metro Manila ay 62-percent ang ibinaba ng mga traffic-related incidents kung saan 47-percent naman ang naibawas sa bilang ng mga namamatay at nasasaktan dulot ng mga aksidente sa lansangan.
Ano ang ibig sabihin ng mga numerong ito?
Patunay yan na mas conscious ngayon ang mga tsuper sa kanilang pagmamaneho.
Mas naging maingat sila dahil alam nilang may mga matang nakatingin sa kanila sa kabuuan ng kanilang paglalakbay.
Mas naging aware ang mga driver sa mga umiiral na batas-trapiko dahil hindi naman talaga biro ang multa sa mga ito.
Hindi biro ang pondong nakalaan sa nasabing programa na unang pinondohan ng pribadong sektor sa pakikipagtulungan ng ilang local government units.
Kumbaga ay kinakailangan pa ang malaking gastos para lamang madisiplina ang ilang mga pasaway na motorista.
Masakit sa bulsa pero kalakip nito ay katinuan sa mga lansangan.
Mas magandang subukan pa natin ang bisa nito sa mas mahabang panahon kesa husgahan dahil lamang pakikialam ng ilang sektor.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]