SI Brian Poe Llamanzares ang tinaguriang ‘Apo ng Panday.’ Si Brian ay anak ni Senator Grace Poe at kasalukuyang namumuno ng FPJ Panday Bayanihan na patuloy na bumabalikat sa adhikain ni Fernando Poe Jr. na tulungan ang mga mahihirap at may pangangailang kababayang Pilipino.
Ang FPJ Panday Bayanihan ay nabuo bunga ng pelikula ni Da King na ‘Ang Panday’. Ang salitang Panday ay may kahulugang bumuo o lumikha, at ang Bayanihan naman ay tumutukoy sa community action na isa sa katangian ng mga Pilipino.
Ang hangarin ng organisasyon ay buhayin at palakasin ang diwa ng Bayanihang Pilipino para matulungan ang mga kapus-palad higit sa lahat ang mga biktima ng kalamidad sa Pilipinas.
At ngayong darating na Linggo, Agosto 20, sa ika-84 na anibersaryo ng kapanganakan ni Da King, muling sasariwain ng mga mahal sa buhay ang kanyang alaala sa pangunguna nina Grace at Brian.
Kung tutuusin, hindi nakalilimot si Brian sa pagbibigay-pugay kay Da King, at naipadarama niya ito sa kanyang walang pagod na pagsisilbi sa mga hikahos na kababayan sa pamamagitan ng FPJ Panday Bayanihan.
Kamakailan lamang, si Brian, katuwang ang kanyang inang si Grace, ay nagtungo sa Barangay Palimbang, Calumpit, Bulacan at namahagi ng bigas, instant noodles, canned goods at mga gamot sa mga sinalanta ng bagyong Egay at Falcon.
Ayon kay Brian…“Ilang ulit mang dumaan ang mga pagsubok tulad nito, asahan n’yo na lagi n’yong kaagapay ang aking inang si Grace Poe at ang FPJ Panday Bayanihan para kayo’y tulungan,”
Nagsimula ang FPJ Panday Bayanihan sa pagtulong noong 2013 nang bayuhin ng Bagyong Maring ang ilang lugar sa Pilipinas, at nasundan pa ito nang humagupit ang Bagyong Yolanda kabilang na ang Marawi Siege hanggang sa pagputok ng Taal Volcano.
Sa gitna rin ng Covid-19 pandemic, ang FPJ Panday Bayanihan sa pangunguna ni Brian, ay namahagi ng relief goods, vitamins at personal protective equipment sa mga nangangailangan kababayan.
Mahaba at hindi matatapos ang pagbibigay pugay at pagkilala kay FPJ sa ginagawang pagtulong at pagmamalasakit ng foundation na pinangungunahan ni Brian.
Dagdag ni Brian… “Ibinahagi at ibinigay lahat ni FPJ ang kanyang makakaya para sa pamilya, sa indurtriya at sa masang minahal niya at nagmahal sa kanya.”
“Wala ako rito sa aking kinatatayuan kung hindi sa aking lolo,” sabi pa ni Brian.
Sabi nga, hindi talaga mabibilang ang mga nagmamahal kay FPJ, at kaylan man hindi lilimutin ang kanyang alaala. Happy birthday, Da King!
***
Inaanyayahan ang lahat na panoorin ang aming bagong vlog kasama ang beteranong mamamahayag na si Jimmy Alcantara. Tatalakayin ng programang Ah, Basta! ang mga maiinit at napapanahong isyung pulitikal, showbiz at tsismis ng mga Marites sa bawat eskinita, looban, kanto at plaza. Abangan! Malapit na!