Pagpupugay (kina Congen Paul at Labatt Fely)

TINATAYANG aabot sa kalahating milyon (pre-COVID estimates) ang bilang ng mga Pilipino dito sa Dubai.

Sama sama na yan: mga documented overseas Filipino workers (OFWs), ang kani-kanilang kaanak (asawa at mga anak, lolo, lola at iba pa); mga negosyante; at mga tago nang tago na kadalasa’y nagpa-part time sa kung anu-anong odd jobs kumita lang ng perang maipapadala sa Pilipinas kaysa nga naman bumalik pa doon at mapasama sa bilang ng mga gutom.

Mantakin mo na lang ang bigat ng responsibilidad kung ikaw ang consul general ng konsulado natin dito. Ang sakit sa ulo, lalo na kung may mga pasaway na mga kababayang alam nang mali ay siya pa ring ginagawa (gaya ng paggamit at pagtutulak ng droga; pakikipagtalik sa nobyong kabayan o ibang lahi nang di naman kasal; lasheng na susuray- suray sa kalye, sasakay pa ng taksi para makauwi ngunit sa presinto nahatid, atbp).

Singbigat din ang responsibilidad kung ika’y labor attaché na syang tagapamuno ng Philippine Overseas Labor Office o POLO: Mula sa dokumentasyon ng mga OFWs, pag-aasikaso sa mga runaways na kasambahay na naging biktima ng human trafficking, mga kaso laban sa employer and vice-versa, atbp.

Yan ang trabaho rito ni Consul General Paul Raymund Cortes at Labor Attaché, Atty. Felicitas “Fely” Bay – tinuturing haligi ng Filipino community dito sa Dubai.

Ang nakakalungkot dyan ay tapos na ang tour of duty ni Labat Fely (na hindi nag-aatubiling sagutin ang mga whatsapp messages ko kahit 11pm na ng gabi basta gising pa sya o di abala sa paggawa ng report); at si Congen Paul (na laging sumasagot sa aking mga inquiries sa tulong ng kanyang mobile phone na may voice-to-text app) ay opisyal nang matatapos ang post sa darating na August 19.


Si Congen Paul ay promoted. In-appoint s’ya ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. sa posisyong Assistant Secretary for Migrant Workers Affairs. Si Labatt Fely naman ay nasa Canberra, capital city ng Australia ngayon para sa kanyang ika-aapat na tour of duty bilang labor attaché.


Ang istorya sa dalawang opisyal na ito ay pareho silang nanggaling sa loob mismo ng kani-kanilang departamento sa Pilipinas. Hindi political appointees, ika nga.

Si Congen Paul, isang Atenista, ay nagsimula bilang Foreign Service Officer 4 na ang trabaho, na ayon na rin sa kanya, ay maging utusan ng mga ambasador at konsul.

Sugo ng DFA, si Congen Paul ay unang na-assign na konsul sa embahada natin sa Budapest, Hungary mula 1997 hanggang 2004.

Mula 2006 hanggang 2013 ay sa Hawaii sya assigned, una bilang konsul pa rin at na-promote sa pagiging deputy consul general.

Dubai, ang ikatlong tour of duty ni Congen Paul; ito rin ang kanyang unang post bilang consul general.

Dumating sya rito noong 2015 at naka-anim na taon din sa panunungkulan.

Si Labatt Fely naman, na sugo ng Department of Labor and Employment (DOLE) at nagtapos ng kolehiyo sa Adamson Universtiy, ay bihasa sa bakbakan. Graduate ng San Beda Law, nagsimula siya bilang abogado sa Legal Assistance and Prosecuting Division ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) noong 1990. Pagkatapos ay pinamunuan niya ang Anti-illegal Recruitment Branch ng POEA noong 2001.


Para sa dalawang opisyal, Dubai, na tinaguriang “hardship post” sa sirkulo ng DFA at DOLE, ang sumubok sa kanilang tibay.

“Dubai is a different post for me because here, I am the head of post and the buck stops with me. My two previous postings, in Europe and in the US, where relatively lighter because the ultimate pressure of decision-making didn’t lie on me but to my ambassador or consul general,” sabi sa akin ni Congen Paul.

Dagdag pa nya: “In my Europe post, they were even less than 100 and while there were around 300,000 Filipinos and Filipino Americans in Hawaii, most of them held US passports already. So Dubai is heavy as far as consular and assistance to national services are concerned comparatively to my European and US posting.”

Sa kabila nito, umani ng mga parangal mula sa DFA home office ang konsulado dito sa Dubai (Best Organization noong 2017; Best ATN noong 2018 at Best Performing Foreign Post noong 2019. Si Congen Paul naman ay ginawaran ng Presidential Award noong 2017.)

Sabi naman ni Labatt Fely: “Dubai was a good assignment! A very active post. Challenging but fulfilling. Mas maraming OFWs kasi, eh mas maraming concerns na dapat tugunan.”

Feb. 28, 2017 dumating si Labatt Fely dito sa Dubai. Nagtapos ang kanyang tour of duty nitong July 10.

Bago maitalaga sa Dubai, naging labor attaché din si Labatt Fely sa Doha, Qatar noong 2005, ang kanyang unang overseas post. Noong 2010 ay na-assign naman siya sa Seoul, South Korea.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]