NOONG nakaraang isyu ay naisulat natin ang tungkol sa e-wallet issues na muntik nang ipagkibit-balikat lamang kung hindi dahil sa pag-iingay ng isang kilalang tao, si Pokwang.
Matapos ang naturang unauthorized transactions, kinalma ang madla sa pamamagitan ng press release.
Kesyo ang insidente ay isolated lamang at nareconcile na umano ng sistema ng GCash. Hindi na dapat pag-usapan.
Back to business.
Pero hindi. Hindi dapat ganun.
May kulang sa ginawang resolusyon. Hindi maaring magpapaliwanag lang ang GCash at okay na.
Hard-earned money ng mahigit 80 milyong Pinoy ang nakataya. At hindi lamang GCash ang sangkot dito, kundi maging ang Maya, ganun din ang di pa gaanong sikat na mga e-wallets.
Sa katunayan, matapos ang “send to many” unauthorized transactions na bumiktima kay Pokwang, muling nagka-aberya kamakailan ang naturang app kung saan may nagtangka na namang mang-scam sa pamamagitan naman ng Ginsure, isang produkto ng GCash na nanghihikayat ng insurance.
May text blast uli tungkol sa renewal ng Ginsure at kung hindi ma-renew ay magkakaroon umano ng auto deduction na P2300. May nakalagay na link sa naturang text blast.
After a day, nag notice ang GCash na isa itong scam.
Bakit hindi ito napaghahandaan ng mga computer engineers ng GCash? O baka naman internal issue ito at kailangan ay busisiin ng management ng GCash ang klase ng mga empleyado nito?
E-wallet at virtual banking ang trajectory ng mundo. Darating ang panahon na mawawalan na ng saysay ang perang papel sa mga transaksiyon. Nakita na ito ng mga finance analysts: ang mahalagang papel na gagampanan ng e-wallet. Kaya hindi maaring ipagwalang-bahala ang anumang glitch nito, malaki man o maliit.
It pays to be vigilant dahil kasama tayo sa naunang pumuna sa isyung ito kung kaya may panukala ang isang mambabatas na gawan ng mas malalim na imbestigasyon ang isyu.
Nakakapagtaka lamang na sa dami ng ating mga mambabatas, walang nakakapansin sa mahalagang bagay na ito na dapat isalang sa masusing imbestigasyon. Mi iniilagan kayang vested interests? Dahil kilalang mga negosyante ang nasa likod ng GCash? Sana naman hindi.
Tanging si Senador Risa Hontiveros ang agarang nakakita na ang naturang isyu ay karapat-dapat imbestigahan. Teka, teka, huwag akong akusahan na namumulitika. Anumang partido ang isang senador, ang mahalaga ay hindi kung saan o kanino siya nakalinya, kung hindi kung paano niya isulong ang proteksyon para sa masa. Consumer issue ang bagay na ito. Malaking porsyento ng pambansang ekonomiya ay apektado sa mga daily financial transactions na ito.
Sa ilalim ng Senate Resolution 1234, sinabi ni Hontiveros na dapat rebyuhin ng Senado ang kasalukuyang mga batas patungkol sa financial technology o “fintech” sector dahil wala pa umanong “legislative framework yet in place para matiyak ang istabilidad , seguridad at transparency sa naturang sektor.
“Napakarami ang nakikinabang sa mobile fiancial services lalo na yung mga ‘unbanked” o walang kakayanan na magbukas ng account sa bangko. Kailangan natin ng batas na poprotekta sa kaopakanan ng bawat Pilipino na gumagamit ng digital wallets, lalo na kung may scam, hacking o ibang iregularidad,” pahayag ng senador.
Sinabi ni Hontiveros na mahalaga ang kagyat na pagtugon sa mga daing ng konsyumers na nabiktima ng scam o hacking sa mobile financial services, na tila napaka-helpless at walang masulingan sa pagbawi ng natangay na pera mula sa kanila.
Antabayanan natin ang ganitong Senate probe, at maging tayo ay handang magbigay ng saloobin sakaling mangyari ito. It’s about time.