Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating Chairman at ngayon ay kagawad Nelson Ty sa Binondo, kung saan makikita ang tinaguriang Chinatown ng Maynila.

Sa isang salo-salo breakfast na isinagawa sa Café Mezzanine/Eng Bee Tin kamakailan, isang masayang bonding ang naganap nang ipinatawag ni Yorme si Nelson at makaharap sina Chi Atienza, Jay dela Cruz, Tol Zarcal, Mocha Uson, Apple Nieto at Cris Tagle.

Sa nasabing masayang kuwentuhan, sinabi ni Nelson na ipinangako ni Yorme na higit nitong pauunlarin ang Binondo sa pamamagitan ng pagpapalakas ng negosyo kasabay ng pagsuporta ng turismo sa Chinatown.

Hindi rin nakalimutan ni Yorme ang usapin sa mahigpit na pagpapatupad ng peace and order na siyang kabalikat para sa pag-unlad ng mga negosyo sa Chinatown at sa kabuuang Binondo.

At walang alinlangan si Nelson sa naging pahayag ni Yorme. Bilang dating barangay chairman, naranasan ni Nelson kung papaano namuno nang maayos si Yorme sa Maynila. 

“May political will si Yorme at mabilis umaksyon lalo na kung kapakanan ng mga mahihirap at inaapi ang nakataya,” mariing pahayag ni Nelson.

Saksi rin si Nelson sa mahigpit na pagpapatupad ni Yorme ng disiplina sa Maynila. Hindi malilimutan ni Nelson nang “linisin” o “alisin” ni Yorme sa kanyang barangay na nasasakupan ang isang “maliit na puwesto” na lagayan ng mga gamit ng bombero na maituturing na nakaharang o obstruction sa kalye.

“Tama si Yorme at naniniwala naman ako sa ginawa niyang pagpapatupad ng batas,” giit ni Nelson.

Kaya nga, masasabing maganda ang naging bonding nina Yorme at Nelson, at maraming umaasa na sa kanilang pagtutulungan higit na maisusulong ang interes ng nakararaming kapos at higit na  nangangailangang mga Manileno lalo na sa ikatlong distrito ng Maynila.

Sabi nga ni Nelson, saludo ako sa grupo ni Yorme.  Salamat sa pa-almusal!