NOON pang 1973 nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Presidential Decree 96.
Layunin ng kautusan ang pag-regulate sa paggamit ng wang-wang, blinkers at iba pang dagdag na mga accessories sa mga sasakyan.
Limitado lamang ito sa ilang pwesto sa gobyerno, regulating bodies at law enforcement agencies.
Mula noon hanggang ngayon ay hindi seryoso ang mga tagapagpatupad ng batas sa pagpapasunod sa nasabing decree.
Paano ko nasabi? Seasonal kasi ang ginagawa nilang panghuhuli sa mga lumalabag dito.
Kundi pa inihirit ni Sen. JV Ejercito sa mga tauhan ng Land Transportation Office at Highway Patrol Group na ipatupad ang nasabing presidential decree sa tingin ba ninyo ay aaksyon ulit ang mga otoridad?
Ang tagal nang naglipana ang mga hambog na gumagamit ng wang-wang at blinkers para makalamang sa kalsada ang mga nagmamay-ari nito pero di sila nahuhuli o sinisita man lang ng mga otoridad.
Bakit hanggang ngayon ay nagkalat pa rin ang mga auto supply na nagtitinda nito? Kasi nga ningas-cogon lamang ang pagtrato dito ng mga otoridad.
Mabuti na lamang rin at may social media nang sa ganun ay nahuhubaran ng maskara ang mga de-wang-wang na abusado sa kalsada tulad lamang ng isang mayor sa lalawigan ng Cavite na viral ngayon online.
Teka nga pala, hindi rin alam ng ilang tauhan ng LTO at HPG ang limitasyon ng kanilang ginagawang panghuhuli.
Well-specified kasi sa PD 96 na wang-wang at blinkers o flashing device lamang ang sakop ng regulasyon.
May mga uri kasi ng ilaw sa sasakyan ang pinapayagan rin ng mga umiiral na batas tulad ng ibang fog lamp lalo na sa mga mabundok na lugar dahil sa isyu ng road visibility.
Basahin po ninyo ang kabuuan ng DOTC-LTO-LTFRB Joint Administrative Order 2014-01 para sa isyung ito at kung maaari ay magtabi kayo ng kopya sa inyong sasakyan para maipakita sa mga otoridad sakaling masita kayo sa lansangan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]