IMPORTANTE ang pagbabasa.
Ito ang laging iginigiit sa aming mga mag-aaral ni Dean Leticia L. Lava, ang aming guro at dekana ng School of Arts and Sciences sa MLQU o Manuel L. Quezon University sa Quiapo, Manila.
Ugali ng mga pinuno, aniya, ang pagiging palabasa.
Panahon ng Batas Militar. Di pa nangyayari ang pagpaslang kay Ninoy.
May paninindigan.
Nang mahuli, aniya, sa isang rali na ginanap sa Claro M. Recto Avenue ang mga estudyante ng MLQU, nangalap siya ng pondo para piyansahan ang mga mag-aaral.
Masugid magbasa si Bonifacio Gillego, dating congressman ng Bicol. Siya ang nagbulgar na pawang peke ang mga medalyon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, bilang umano’y gerilya noong World War II.
Diksyonaryo
Kaibigan ng pagbabasa ang diksyonaryo.
Ugali ko noong basahin ang kahulugan ng mga salita sa isang lumang diksyonaryo.
Malaking isyu sa akin ang liwanag, dahil kadalasan, sa gabi ako nagbabasa. Kailangan kong palitan ang bombilya. Bumili ako ng ring light. Ako na mismo ang nagkabit. Para lang lumiwanag sa kuwarto at luminaw ang aking binabasa.
Wala nang pabalat ang naturang diksyonaryo. Punit pa ang unang pahina. Naninilaw at malutong-lutong na ang mga pahina. Subalit napakalaking tulong sa pag-unawa ng mga akdang binabasa ang pagpapalawak ng vocabulary o kaalaman hinggil sa kahulugan ng mga salita. May panahong paulit-ulit kong babalikan ang kahulugan ng isang salita. Kinalaunan, bumili ako ng Oxford English Dictionary.
Iba na ang panahon ngayon. Madali kang makakahalungkat ng diksyonaryo sa Internet.
Gayundin kadaling tumingin sa Thesaurus, para maghanap ng iba’t ibang salitang magkakasingkahulugan – synonym – o kaya’y magkakasalungat – antonym.
Importanteng gamit ng manunulat ang diksyonaryo at Thesaurus.
Panulat
Nakapagpapayaman ng isipan, puso, at damdamin ang pagbabasa.
Kaakibat ng pagbabasa ang paghasa ng kakayahang sumulat.
Naaalala ko nang magsalita ang mga batikang peryodista sa seminar-workshop ng The Quezonian, ang opisyal na pahayagan naming mga mag-aaral noon sa MLQU. Naroon kami sa lumang law school building, katabi ng estero, sa Quiapo.
Isa sa aming mga tagapagsalita si Al Mendoza.
Payo niya: “Read and read and read.”
“Write and write and write.”
“Write as you speak. Speak as you write.”
Inaalala ko ang kanyang winika habang nag-aapuhap ako ng mga kataga at ideya kaharap ang makinilya. Wala pang personal computer noon. Wala pa ring cellphone. Kaya’t kapag nagsusulat ako, lalo’t sa gabi, dinig hanggang kanto ang pagtipa ko sa makinilya.
Di birong magsulat. Sinusuong mo ang di nakikitang hilahil. Ginagalugad mo ang isang yungib na di mo nakikita. Subalit sa sandaling kumawala ka sa karimlan ng pagsisikhay, madarama mo ang ginhawa at luwalhati ng paglaya ng mga salitang pinadadaloy mo sa mga pangungusap.
Daloy ng wika
Hanapin mo ang natural na daloy ng mga salita, turo sa akin ni Rogelio Sicat. Ito ang lagi kong naaalala, at nagsisilbing gabay, magsulat man ako sa Ingles o Pilipino.
Kinakapa mo. Pinapakinggang mabuti na tila daloy ng ilog ang ritmo at agos ng mga salita.
Sa di iilang pagkakataon, bako-bako ang aking komposisyon sa loob ng isang pangungusap.
O kaya nama’y mabato ang pagdaloy ng isang pangungusap tungo sa kasunod na pangungusap.
Minsan nama’y baluktot sa pandama ang pagkakasunod-sunod ng mga talata.
Rerepasuhin at rerepasuhin mo ang iyong akda. Mas magaang sa pagbabasa, mas natural ang daloy, nakabubuti ng pakiramdam.
Pagpapasimple
Para sa aking dakilang spiritual guru, si Master Choa Kok Sui, walang saysay ang pagsusulat kung wala rin lang makakaintindi.
Superyor ang kakayahan ni Master Choa na magpaliwanag ng masalimuot na mga idea tungkol sa agham ng ispiritwalidad sa ubod nang simpleng paraan. Ang ginagawa niya, pinapabasa niya ang kanyang manuscript sa isang tao. Tatanungin niya kung madaling unawain. Kapag napansin niyang di pa rin ganoon kadaling unawain ang konsepto kahit simple na ang kanyang pagkakasulat, agad niyang babaguhin ang manuskrito. Pasisimplehin pa niyang lalo.
Super-genius si Master Choa.
Sa maikling-maikling pangungusap, tumbok na tumbok niya ang mabibigat na konsepto tungkol sa scientific spirituality, tulad ng batas ng karma.
Pag-verify
Sa larangan ng peryodismo, higit pa sa kakayang sumulat ang kinakailangan.
Kailangang maging palatanong at mapanuri ang isang journalist. Kinakailangan niyang beripikahin ang kanyang impormasyon, datos, sinabi o quotation mula sa isang indibidwal. Kaya maghahalughog, magsasaliksik siya.
Responsibidad ito.
Deadline
Sa Kalatas Paggawa, pahayagan ng mga manggagawa, binigyan kami ng seminar-workshop ni Victor “Bimboy” Peñaranda noon. Hinimok siya ni Mat Vicencio na bigyan kami ng pagsasanay.
Ang tumimo sa isip ko, tapusin mo ang sinusulat mo. Anumang oras ang siya mong ibig o siyang nababagay sa’yo – umaga, tanghali o gabi – nasa sa’yo. Maaaring magpuyat ka. Tapusin mo.
At ang paghahanda sa panayam. Ang pagsusulat ng mga itatanong. At ang pagwawakas ng interview. Kung sakaling may pahabol ka pang tanong.
Diskarte ng isang batikang peryodista.
Accuracy
Isang pinakatandaan kong payo sa akin ni Junex Quiñones Doronio noong nagsusulat ako sa The Quezonian, isang araw na magawi siya sa MLQU: Huwag na huwag kang magkakamali sa pagsusulat ng pangalan ng tao. Anang Junex – professional journalist na siya noon – importante para sa sinumang tao ang kanyang pangalan. Kaya, aniya, siguraduhin mong tama ang spelling. Pinakatandaan ko ito. Kaya sa pagsusulat, kung may eñe (ñ) ang pangalan ng isang tao, pinag-aralan ko rin kung paano ito maisusulat nang ginagamit ang computer. Muli’t muli kong babasahin ang pangalan ng isang indibidwal upang tiyaking tama ang pagkakasulat.
Asaran
Subalit sa totoong buhay, may mga kalokohan, paminsan-minsan, ang journalists. Bilang mga tao, minsan nagkakatuwaan o nagkakaasaran sa tila mapagbirong paraan ang mga reporter. Walang poli-political correctness.
“Biniro” minsan ng isang lalaking reporter ang kasamahan naming babaeng reporter. Mula sa iba’t ibang diyaryo, magkakasama kami sa police beat. Ginamit niya ang pangalan ng babaeng reporter bilang alyas ng isang rape survivor. Paglabas ng diyaryo kinabukasan, ipinakita niya, habang humahagalpak ng tawa, sa kasamahan naming babae ang istorya.
Walang imik, tila sport lang ang babae.
Nang sumunod na araw, nagkaroon naman ng robbery snatching. Di kilala, pero pinangalanan ng babaeng reporter ang suspect, gamit, bilang ganti, ang pangalan ng lalaking reporter.
Habang ipinapakita sa lalaking reporter ang artikulo kinabukasan, ang babaeng reporter naman ang tawa nang tawa.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]