UWI ang tawag ko kapag gusto kong magpahinga.
Sa henerasyon ng Internet, hindi na laging pisikal na bahay ang pag-uwi. Puwedeng virtual para makita ang mga simbolo ng kapayapaan sa buhay — lugar, kaibigan, pamilya, institusyon, o mga bagay at aktibidad na paboritong gawin.
Para na rin akong nakauwi kapag hawak ko ang isang libro at mapalad na makapagbasa nang hindi nagmamadali, hindi kailangan tumigil, o itiklop ang pahina para harapin ang isang bagay na pagkukuhaan ng ‘panini.’
Minsan, kahit nasa madilim na sulok, hawak ang gadget, at pinanonood ang isang lumang pelikula gaya ng Casablanca, Papillon, Sakada, Sister Stella L., Dekada ’70, Bata, Bata, Paano ka Ginawa, at mga pelikulang pinagkuhaan ng inspirasyon sa maagang pakikibaka sa buhay, pakiramdam ko nakauwi na naman ako.
Sa panahon ng pandemya, ang pakikipaghuntahan sa mga kaibigan, kamag-anak, at pamilya ay sa chat room na ginagawa hindi sa isang restoran na lumamg tambayan. Naging literal ang kanya-kanyang bote at baso — serbesa, soju, red wine o gin bulag. O kaya’y paboritong kape, brewed man ‘yan, klasikong instant o uso ngayong 3-in-1. Puwede rin ipa-deliver sa paboritong coffee shop. Abutin man ng madaling araw, hindi na problema ang pag-uwi, kasi sa chat room pa lang, pakiramdam ko’y nakauwi na ako.
Ganoon kahalaga ang pag-uwi para sa akin. Masarap sa pakiramdam na pinahahalagahan ang pag-uwi — pisikal man o virtual — dahil dito tayo kumukuha ng lakas, motibasyon, at mga bagong inspirasyon sa buhay.
Gaya ng imbitasyon ng kaibigang Mat Vicencio — ‘artikulong kontrib’ sa news website na Pinoy Publiko — ito ay isang anyo ng pag-uwi dahil balita ko, narito rin ang mga kasama namin sa Kalatas Paggawa.
Mat, maraming salamat.
Tatlong sipi mula kina Kahlil Gibran, Grant Fairley, at Kevin Arnold ang laging batayan ng aking masayang pag-uwi:
- “The things which the child loves remain in the domain of the heart until old age. The most beautiful thing in life is that our souls remaining over the places where we once enjoyed ourselves.” – Kahlil Gibran
- “One of the greatest titles we can have is “old friend.” We never appreciate how important old friends are until we are older. The problem is we need to start our old friendships when we are young. We then have to nurture and grow those friendships over our middle age when a busy life and changing geographies can cause us to neglect those friends. Today is the day to invest in those people we hope will call us “old friend” in the years to come.” – Grant Fairley
*Memory is a way of holding on to the things you love, the things you are, the things you never want to lose. – Kevin Arnold.
Tara na, uwi na tayo.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]