PAG-USAPAN natin ang itlog.
In na in ngayon ang itlog dahil sa Christmas season.
Marami ang nagluluto ng pambentang produkto na ginagamitan ng itlog gaya ng cakes, leche flan, cookies, at iba pang masasarap na pagkain.
Maliban na lang sa mga taong may egg allergy, ang itlog ay masasabi nating bahagi ng ating pang-araw-araw na pagkain.
Hindi kumpleto ang agahan kung walang itlog. Hindi rin kumpleto ang mga “silog” dishes kung walang itlog. At lalo namang malungkot ang buhay kung walang leche flan ang inorder mong halo-halo.
Bakit nga ba natin kailangang pag-usapan ang itlog?
Kasi nga may panukala ang isang kongresista na dapat daw ay gawin nang per kilo ang bentahan ng itlog.
Payag ba kayo mga ka-Publiko?
Ayon sa panukala ni AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones, na siya ring chairman ng Egg Council of the Philippines, ang itlog ay dapat nang ibenta ng per kilo at hindi na per piraso.
Sinabi ni Briones na pinapalitan ng mga retailer ang size ng mga itlog. Yung small ay ibinibenta bilang medium at ang medium naman ay large.
Ayon sa isang egg trader, normal na kalakaran ito sa egg business industry. Matagal na raw itong practice ng mga retailer. Sure ako na alam ito ni Briones.
Dito raw kasi nakakabawi ang mga retailer dahil hindi naman daw buong taon ay malakas ang bentahan ng itlog. Matumal ang bentahan lalo na kung nakabakasyon ang mga estudyante at malakas lamang ang bentahan ng itlog pag magpa-Pasko. Mahina rin ang egg production pag mainit ang panahon.
Marami ang dapat ikonsidera kung ibebenta per kilo o per piraso ang itlog.
Ayon sa kilala ko na egg trader, may mga size small na itlog na mabigat dahil sa kapal ng shell nito. Kapag bata pa ang inahing manok, makapal ang shell ng itlog.
Sa mga malakihang egg production, bago pa man lumabas ng planta ang mga itlog, nahiwalay na ang mga ito base sa kanilang bigat. Kumbaga, nasukat na ang bigat at laki ng itlog.
Para naman sa grupong Philippine Egg Board Association na pinamumunuan ni Frabcis Uyehara, hindi praktikal na ibenta per kilo ang itlog. Maraming challenges ang kahaharapin ng mga egg producers kung per kilo ito ibebenta sa retailers at consumers.
Sinabi ni Uyehara na dapat ikonsidera kung per kilo, isasama ba ang tray sa pagtimbang kung sa planta ito kukunin? Kug ililipat na sa retail buyer, muli itong titimbangin at pagdating sa palengke, titimbangin na naman ito ng mamimili.
Bago pa man makarating sa end users, marami nang spoilage o nabasag ang nangyari.
Kailangang timbangin ang buong egg production sa farm para malaman ang kabuuang kita.
Hindi praktikal dahil mas mahal ang magiging presyo ng kada kilo ng itlog.
Hindi ma-agap kung itutuloy ito ni Briones.
Kung ang dahilan ng panukalang ito ay ang dahil naloloko ang mga mamimili, mas iisipin ko na mapagsasamantalahan ng panukalang ito ang mga consumer.
Siya nga pala, may isang tip akong nalaman. Sinabi ng kaibigan ko na may egg business, na hindi porke brown ang kulay ng shell ay organic na ito. Tandaan daw natin na ang kulay ng shell ng itlog ay naka depende sa kulay ng inahing manok. Kaya pag sinabing organic ang itlog, alamin niyo muna kung tunay ngang namuhay ang inahing manok sa free-range environment.