NATAPOS na ang COP28 UAE pero parang dumaan na hangin lang at hindi napansin ng madlang world.
Kaka-sad. Para sa ordinaryong mamamayang tulad ko, ano ba yang COP28 para sa akin?
Salamat at nabasa ko ang maikli pero matalas na review, assessment at insights ng naging kasamahan ko noon sa community organizing at development work na si Dorothy Guerrero at nakatulong para mas luminaw sa akin ang ibig sabihin ng COP28 UAE para mapalawig ko at mabigyan ng koneksyon sa buhay ng madlang Pinoy.
Si Dottie ay kasalukuyang Head of Policy and Advocacy ng Global Justice Now.
Ang COP28 UAE o Conference of Parties ay pang-28 pandaigdigang pagpupulong ng 198 bansa at European Union sa Dubai, United Arab Emirates, para lutasin ang problema ng climate change.
Dalawa sa naging mahahalagang aksyon ay bawasan ang carbon emission ng top polluting countries at pagbayarin sila sa naging epekto nito sa vulnerable countries o mahihirap na bansa.
Ang carbon emissions na ito ay dulot ng mga usok ng sasakyan, pagawaan ng bakal at semento, pagpapaandar ng kuryente gamit ang coal at petrolyo, pagkakalbo ng kabundukan at iba pa.
Malaking bahagi nito ay nakukulong sa atmosphere at may greenhouse effect: umiikot-ikot sa mundo kaya lalong pinapainit ang panahon.
Ang epekto: supertyphoons, pagbaha, sobrang tag-init, tagtuyot, tumataas na sea level at nagkandamatay na mga hayop at kabukiran.
Pinakamatinding polluters ang China at United States.
Kalahati ng steel sa buong mundo ay ginagawa ng China na malakas kumonsumo ng krudo at coal, habang pollution mula sa transport sector ang number one dahilan ng malaking carbon emission ng United States.
Top emitters din ang India, Russia, Japan, South Korea at Germany, overwhelmingly, developed countries.
Mapapansin sa mapa na sila ay nasa northern part ng mundo, kaya tinawag silang Global North o mayayamang bansa.
Dahil sa dami ng contaminants na pinapakawalan nila sa atmosphere tulad ng kanilang heavy industries, power/energy at transportation sectors, ang maliliit at mahihirap na bansa ang sumasalo ng dumi at kalamidad na idinudulot nito.
Karamihan sa mga bansang tinatamaan ng tag-init at tagtuyot, mga bagyo at malawakang pagbaha ay Latin America, Asia, Africa at Oceania.
Mapapansin sa mapa na ang mga bansang yan ay matatagpuan sa bandang ibaba o southern part ng mundo at tinawag silang Global South.
Sabi nga ni Dottie, “The fundamental reality of climate injustice is that high-income and high-emitting countries, mostly in the global north, have been responsible for 40% of global emissions from consumption and economic activities that caused climate change, while low-income countries, mostly in the global south, have contributed a small 0.4% of emissions but have been the ones suffering the impacts for some decades now. The richest 1% of humanity is responsible for more carbon emissions than the poorest 66%.”
Kaya kung ilalarawan ang nangyayari – nagbubuga ng lason ang Global North na ikinamamatay ng kabuhayan at mamamayan ng Global South.
Kaya masasabing matapos ang may dalawang dekada ng climate negotiations, malaking hakbang na rin na nagkasundo ang 159 bansa na iwanan na ang paggamit ng fossil fuels o langis, para ilimita ang dagdag na init ng panahon sa 1.5 degrees Celsius.
Kung meron mang kasunduan na masasabing breakthrough dahil mas tatagos sa pangangailangan ng mga bansang nasalanta ng mga kalamidad dahil sa global warming, yan ang pagbuo ng Loss and Damage Fund.
Ang ideyang Loss and Damage Fund (LDF) ay unang pinush ng bansang Vanuatu, 1991.
Ito’y para kilalanin na ang mga bansang yumaman mula nung Industrial Revolution ang pangunahing maysala at dapat pagbayarin sa nararasang climate injustice ng mahihirap na bansa ngayon, kasama na ang Pilipinas.
Ang pondo ay bwena manong panalo ng Global South sa Day 1 ng COP28 negotiations.
Isa pang magandang balita, kasama ang Pilipinas sa mga bansang uupo bilang paunang Loss and Damage Fund Board (LDFB) sa 2024 at 2026 at alternate sa 2025.
Kasama rin sa LDFB ang UAE, Saudi Arabia at Pakistan sa term-sharing agreement.
Sa kasaysayan, Pilipinas ang isa sa pinaka-heavily devastated ng climate change nang bayuhin ng Supertyphoon Yolanda ang bansa, November 8, 2013.
Mahigit 8,000 ang namatay at higit 14 million ang nasalanta at nawalan ng tirahan.
Pero ang hindi magandang balita sa binuong LDF: World Bank ang host o mag-ooversea ng pondo na impluwensyado ng Amerika.
Inulan ng batikos ang hakbang lalo na’t bagsak ang reputasyon ng WB sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapaunlad sa mga bansang mahihirap na susi para matibay na tumindig sa gitna ng mga kalamidad.
Pangunahing makikinabang sa LDF ang lahat ng mga bansang pinadapa ng mga tagtuyot, bagyo at iba pang disasters.
Gagamitin ang pondo para tulungang makabangon ang mga biktima ng climate change, nawalan ng tirahan at kabuhayan o na-dislocate na indigenous people.
Popondohan din ang paghahanda ng mga mahihinang bansa laban sa mga hinaharap na dilubyo.
Umabot na sa mahigit $400 million ang initial pledges mula sa UAE at Germany (tig-$100M), UK ($50.5M), US ($17.5M), Japan ($10M) at European Union ($125M).
Mapapansing barya-barya lang ang kontribusyon ng mga imperialist US at UK na pangunahing nagtamasa ng limpak-limpak na kayamanan mula sa paninira ng kalikasan at kalamidad sa mahihirap na bansa.
Sa makabagong panahon, bilang number one carbon emitter, pini-pressure ng Global South countries ang China na magbayad din ng damages at at mag-donate sa fund.
Ang kasunduan sa pagbawas ng carbon emission at pagkakaroon ng Loss and Damage Fund ay maliliit na hakbang, ganansya at pag-asa, para makabangon at makabwelo ang mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas at iba pang vulnerable countries mula sa patuloy na devastations.
Gaya ng isinusulong nina Guererro ng Global Justice Now, kailangang makiisa itulak ang isa pang agenda: pagsasakatuparan ng
Fossil Fuel Non-Proliferation Treaty para tuldukan na ang ibayo pang expansion plans na gumamit ng fossil fuel at maprotektahan ang mamamayan sa panganib nito sa klima, kalusugan at kinabukasan Sa huli, susi pa rin ang pagpalakas ng kilusan ng mga mahihirap na bansa at mamamayan para makamit ang inaasam na climate justice.