Pag-asa para sa media

MAGANDA ang pagsasara ng 2021 at pagbubukas ng 2022 para sa mga katrabaho sa media na patuloy na sinasamantala at inaatake.

Nagbibigay pag-asa at inspirasyon sa laban para sa malayang pamamahayag at pagrespeto sa karapatan at kagalingqn sa paggawa.

Una ay noong December 27, 2021.

Inilabas ng mga mahistrado ng Supreme Court sa mga KaPubliko ang kanilang desisyon sa kaso ng apat na cameraman na sinibak ng ABS-CBN.

Ang kaso ay pinagpasyahan noon pang September 14, 2021.

Sa 22-page na decision, kinatigan ng SC ang desisyon ng Court of Appeals na illegal ang dismissal na ginawa ng ABS-CBN kina Kessler Tajanlangit, Vladimir Martin, Herbie Medina, and Juan Paulo.

Binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) na binalewala ang labor cases noong 2011 at pumabor sa Kapamilya network.

Grave abuse of authority ang NLRC lalo’t walang matibay na ebidensya ang kanilang pasya, ayon sa Korte Suprema.

Ayon kay Ricardo Joy Cajoles, isa sa 137 tinanggal at nagwelga noong 2010, isa lamang ang kaso ng apat na cameraman sa limang kaso na dinisisyunan ng SC na umaayon sa batas at nanalo ang mga manggagawa.

Ang apat na iba pang kaso ay yung kina: 1. Jerwil Gava, Michael Santos, Rommel Matalang at Nicomedes Canales Jr. vs ABS-CBN; 2. Cesar Zea vs ABS-CBN Broadcasting Network / Mr Eugenio Lopez III ; 3. ABS-CBN Corporation vs Jaime Concepcion at 4. Albert Del Rosario, et.al. vs ABS-CBN Broadcasting Corporation / ABS-CBN Broadcasting Corporation vs Journalie.

Ang mga kasong ito ay unfair labor practices, regularization at illegal dismissal.

Nanalo rin noong 2020 sa kaso ng regularization ang beteranang journalist na si Wheng Hidalgo, Jay Manahan at dalawa pa nilang kasamahan.

Dekada bago naging pinal ang karamihan ng desisyon, at paniwala ni Cajoles ito ay dahil sa sari-saring motion na ipina-file ng ABS-CBN.

In short, delaying tactics.

Pero para sa akin, may mas nakababahala at nakakabuset:

May mga final decision na ang SC sa mga kasong ito lalo na laban sa contractualization at pabor sa regularisasyon, tulad ng kaso ng Talents Association of GMA (TAG) na nanalo at idineklarang regular at hindi contractual.

Ang tanong: Bakit patuloy pa rin ang ABS-CBN at iba pang media outfits sa contractualization at paulit-ulit sa kanilang unfair labor practices at illegal dismissal sa media workers?

Bakit wala pang nakulong na media owner na guilty ng unfair labor practice, illegal dismissal at contractualization?

Dahil ba walang batas na nagki-criminalize sa mga reklamong ito?

O sadyang hindi criminal cases ang labor law violations na ito dahil mismong gobyerno ang biggest employer ng casuals, job orders at contractuals, ay guilty ng sandamakmak na mga pang-aabuso sa mga karapatang paggawa?

At dahil ba ang mga congressman at senador ay malalaking landlords at may-ari ng malalaki at maraming negosyo na milyon-milyon ang binubusabos na magsasaka, agricultural workers at manggagawa?

Pag gumawa nga naman sila ng batas na kriminal ang paglabag sa labor standards, parang kumuha sila ng batong ipinukpok nila sa kanilang mga ulo.

Kaya hindi nakapagtataka dahil ang campaign promise ni Duterte na end to endo, panghatak lang ng boto.

in short, panloloko tulad ng mga pagsasamantala at pagkampi sa mga kapitalista ng mga naunang presidente Noynoy Aquino, Gloria Arroyo, Estrada, Ramos, Cory Aquino, Diktador na si Marcos at iba pa.

Sa pagkakaalam ko, pwede lang makulong ang media owners kung sila ay ma-contempt of court dahil hindi nila ipinatupad ang desisyon ng korte sa kaso ng unfair labor practice.

Panahon na para lagyan ng ngipin ang mga batas sa paggawa.

Anyways, ang pangalawang positibong balita para sa media ay ang kaso ng verbal abuse ni Atty. Larry Gadon sa mamamahayag na si Raissa Robles.

Nag-viral sa social media noong December 15, ang video ni Gadon na bumubula ang bibig sa pambababoy kay Robles.

Sinampahan si Gadon ng disbarment case.

Sa desisyon ng SC na inilabas kahapon, January 4, 2021, sinuspindi si Gadon sa trabaho niya bilang abogado.

Sa loob ng 10 araw, pinagpapaliwanag ng SC si Gadon kung bakit hindi siya dapat tanggalan ng lisensya bilang abogado.

Dati nang kinastigo at sinuspindi ng tatlong buwan ng SC si Gadon noong 2019.

Tungkol yan sa sinabi ni Gadon na mabagal at magastos ang legal remedies at malisyoso at mayabang na pananalita sa kalaban sa kaso at lawyer.

Dahil sa 2019 complaint na yan, winarningan na si Gadon ng SC na pag naulit ang masamang asal ay papatawan siya ng mas mabigat na parusa pero yun nga, inulit na naman ang pagwawalanghiya sa isang tao, at sa pagkakataong ito, kay Robles naman.

Inutusan din ng SC ang Office of the Bar Confidant at Integrated Bar of the Philippines na mag-submit ng listahan at status ng pending administrative cases laban kay Gadon sa loob ng 10 araw.

Ibig sabihin, madi-disbar na talaga si asar-talo pwera na lang kung may bumulong at maglagay at magpabulong at magpa-areglo ang mga mahistrado para huwag i-disbar si Gadon.

Tactical win man ito ni Robles, marami pa ring demonyo ang naglipana at ginigipit, tinatakot at pinapatay ang media workers lalo na ang mga mamamahayag para tumahimik at tumigil sa pagbatikos.

Mga dyablo na mas naging karumal-dumal at kasumpa-sumpa ang galawan dahil nagagatungan sila ng mga salita at asal hayop ng kanilang hari na si Duterte.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]