NAGPAPANIC na ang mga adik sa french fries.
Ito ay makaraang aminin ng ilang fast food chain companies na kapos ang Pilipinas ngayon sa supply ng french fries dahil sa pandemic.
Sa ulat ng Bloomberg, kanilang sinabi na kabilang sa mga direktang apektado ng “global supply disruption” ng french fries ang Southeast Asia kabilang ang ating bansa.
Malaking bahagi ng frozen french fries ay nagmumula sa US at Europe at dahil sa mataas na kaso ng Omicron sa nasabing mga lugar kaya naapektuhan ang world supply.
Nitong weekend ay kapansin pansin na marami sa mga fastfood chain sa bansa ay limitado lamang ang binebenta nilang french fries.
Medium ang pinakamalaking size na makukuha mo kahit na sa online orders dahil sa limitadong supply.
Maliit na isyu ito kung titingnan pero isipin natin kung tamaan rin ng global supply disruption ang iba pang mga produktong agrikultural.
Ang Pilipinas na naturingan pa naman bilang isang agricultural country pero marami sa mga agri products sa mga palengke ay galing sa ibang bansa o imported.
Magsilbi sana itong wake-up call hindi lamang sa pamahalaan kundi maging sa ating mga kababayan na dapat na nating pagtuunan ng pansin ang sektor ng agrikultura.
Sa makabagong panahon dapat ay umusad na rin ang laki ng ating mga ani at bilang ng mga agri produce.
Sa ganitong paraan ay mapapababa ang halaga ng mga ito at tiyak pa ang sapat na supply sa merkado.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]