OPINYON: ANG WEST PHILIPPINE SEA

Tila hindi na nagiging maganda ang mga patutsadahan ng kampo ng administrasyon at ng oposisyon sa isyu ng West Philippine Sea/Kalayaan Island Group at Scarborough Shoal na sa tingin ko ay sa halip na makatulong sa pambansang diskurso ay mukhang lalo pang magpapalala ng sitwasyon lalo na at nagagamit na itong pambala sa pulitika.

Yaman di lamang na sa tungkol sa agawan sa teritoryo ng Spratlys ang ating pinag-uusapan, hayaan po ninyong makapag contribute ako sa natatanging pambansang usapan dahil medyo nalilihis tayo sa tunay na isyu.

Ano nga ba talaga ang tunay na isyu sa mga agawan ng isla at mga bahura sa kalayaan Island Group, at nitong huli, ang lumutang na pagbibigay diumano natin ng Scarborough Shoal sa Tsina noong 2012?

Ang isyu simula pa nang unang madiskubre ang plano ng Tsina sa Spratlys noong 1995 at hanggang sa ngayon ay naging mitsa ng mga di pagkakaunawaan sa pagitan ng Tsina at ilang mga bansa sa ASEAN na may claim din sa Spratlys, o tinatawag nating Kalayaan Island Group.
Nakadagdag pa sa tension ang napabalita na may mahigit na 200 fishing vessel na sinabi ng media na kabilang sa Chinese PLA militia ang namataan na naka angkorahe sa Julian Felipe Reef (Whitsun Reef) na parte ng kalakhang Union Bank and Reefs at ang paghabol ng isang PLA Navy missile boat sa bapor na kinalululanan ng isang TV reporter sa Mischief Reef. Ang mga insidenteng ito ay indikasyon na patuloy na pagbalewala ng Tsina sa nauna nang proposal para sa isang Code of Conduct sa South China Sea at ang sagot ng gobyerno ay maihahalintulad sa kibit-balikat lang.

Matatag ang ating claim sa mga isla sa Spratlys dahil malinaw na kasama ito sa ating 200-nautical-mile exclusive Economic Zone gayong ang Tsina ay libu-libong milya ang layo rito. At lalo itong pinatatag ng Permanent Court of Arbitration ng UNCLOS na nagbabalewala sa claim ng Tsina na tinatawag nitong Nine-Dash Line.

Sa atin din ba ang Scarborough Shoal na hinarangan na ng mga barkong pandigma ng Tsina? Ayon sa desisyon, malinaw na sa atin din ang Scarborough.
Kung atin ang Scarborough bakit patuloy pa rin itong inaangkin ng Tsina? Nagsimula ang konsepto ng Nine-Dash Line matapos makumpleto ni Deng Xiao Ping ang kontrol sa estado matapos ang pagkamatay ni Mao Ze Dong. Hindi intersado si Mao sa dagdag na expansion ng Tsina sa South China Sea dahil nasa epektibong kontrol pa ito ng US na pawang may mga base militar sa Pilipinas at South Vietnam noong araw.

At dahil kampante tayo sa proteksyon ng Kano, hindi na tayo nag attempt na mag develop ng isang credible defense posture.

At nangyari na nga ang hindi inaasahan; Lumakas ang Tsina sa larangan ng military at economy, umatras ang US military sa Vietnam, umalis ang base military ng kano sa atin…at dito na rin nagsimula ang kanilang “creeping invasion” sa mga atoll at reefs na malapit lang sa Palawan.

Kasabay din ng paglago ng Tsina ay ang paglaki ng demand ng populasyon ng mga source ng pagkain at paglakas din ng PLA lalo na ang hukbong dagat nito. Ito rin ang nagudyok sa liderato ng Tsina na mag expand sa South China Sea mula nang mawala ang presensya ng US at kasabay na rin ang pag diskubre ng langis at natural gas lalo na sa Recto Bank (Reed Bank).

Naalala ko pa ang insidenteng naganap sa Mischief Reef dahil isa ako sa mga unang sumulat ng report na ito para sa ilang wires at sa isang broadsheet noong Pebrero 1995 matapos madiskubre na nakapagtayo na sila ng apat na octagonal structures na may satellite dish sa isang platform na nakatungtong sa stilts.

Sumama rin ako sa patrulya malapit sa Mischief Reef subalit sa kasawiang palad hindi umabot ang aming barkong sinasakyan, gawa na rin marahil ng kalumaan ng barko na halatang sumasalamin sa estado ng ating AFP.
Para maramdaman ko ang din ako pa ako sa tatlong araw na naval exercise sa South China Sea malapit sa Scarborough Shoal na nagtapos sa isang amphibious landing sa Pangasinan. Sa panahon ding ito ang realization ng Ramos Administration na kailangan na ngang i modernize ang ating Armed Forces lalung lao na ang Navy at Air Force.Naging wake-up call din ito sa ating mga policy makers dahil sa kakulangan natin ng mga modernong kagamitang pandigma.

Fast forward: Sa ngayon ay mayroon na tayong dalawang bagong missile-capable frigate na gawa sa South Korea at isang squadron ng FA-50 multi-role combat jet fighter. Nakasalang na rin ang dalawang submarino, missile defense system, anim na offshore patrol vessel at dagdag pang mga barko galing sa US at South Korea.

Ang Mischief reef ay ganap nang isang malaking base militar na may air strip at malalaking inprastraktura matapos ang 26 taon mula nang pasukin ito ng Tsina, at hinihinalang may kakayahang nang magsagawa ng pag-atake sa Palawan at sa iba pang mga siyudad sa Western Visayas, at maging ang Metro Manila.

(Sa susunod: Post Digong South China Sea at ang yaman ng Reed Bank )

Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]