GRABE ang dilubyong humambalos sa Department of Agriculture (DTI) sa inilabas nilang Budget Noche Buena.
Kaya bago pa sumabog ang DTI website, dinelete na nila ang advisory kung paano maidaraos ang Pagdiriwang ng Pasko sa halagang P500 or less para sa apat hanggang limang myembro ng pamilyang Pilipino.
Balikan lang natin ang price guide:
American Ham 500 g P163
Pinoy Pandesal 250 g P23.50
Keso 200 g P41.75
Pasta 800 g and Spaghetti Sauce 1kg P112
Giniling pork 1/8
Halata ko rin, hindi realistic.
Walang mantika, sibuyas, bawang, mantika, paminta, asin, catsup, all-purpose cream, cheese, spaghetti meat sauce at higit sa lahat, Pinoy kids deserve hotdogs in their spaghetti, lol!
Nakakatawa kasi, sa giniling na 1/8, tatarayan at mumurahin ka pa ng tindera nyan, pinahihirapan timbangin, maduduling hahaha.
Pag naluto, ang magiging peg – giniling left the Earth!
Kasi nga naman pag puro taba pa yan, malulusaw, di na makikita at di na malalasahan.
Kaya yung natirang P12 sa P500, pwedeng pambili ng pork cubes baka maisalba pa.
Ang P23.50 budget na Pinoy pandesal, makabibili lang ng 10 pandesal para sa lima.
Bakit nga pala pandesal sa handaan? Pag dating ng gabi, matigas na yan e. Di ba pwedeng loaf.
Syempre di naman pwedeng lutuin sa hangin kasi walang pang gas.
Kaya bago raw mag-P500 noche buena, uminom muna ng maraming tubig, ganern.
Pag nagkataon magiging pambansang noche buena ito.
Walang magbibigayan ng handa dahil pare-pareho lang ng pagkain ang magkakapit-bahay.
Wala nga raw pansit, parang ayaw pahabain ang buhay ng Pinoy, lol!
Tuloy, iniisip ng mga tao, ayaw silang paghandain, ganyan kaliit ang tingin ng gobyerno sa kanila kaya bes, itulog na lang ang Noche Buena.
Tanong nga ng ilang netizens, yan ba yung Babangong Muli (BBM)?
Eto na nga ba ang Rebirth of the Golden Era ni Marcos Jr.?
Insulto nga naman sa pagkatao ng mga Pinoy ang Budget Noche Buena na yan.
Hindi naman kaartehan ang maghanda pag Pasko.
Puna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), mina-mindset ang mga tao na magkasya sa maliit na kinikita at maging praktikal.
Ilang daan taon nang pinagkakasya ng mga manggagawa at magbubukid ang kung ano ang meron sila.
At paano ang mga jobless? Nada, nganga sa Pasko.
May apela si DTI Undersecretary Ruth Castelo sa madlang pipol sa The Mangahas Interviews:
“Marami po talagang nagbatikos, na sana naiintindihan nila, sana hindi nila tinake as insulto or panloloko. Sana po hindi ganoon because it is a sincere effort on the part of DTI consumer protection na bigyan natin ng advice ang consumers, ang mga mamimili at kami rin po ang nakakakita sa ground dahil kami nga ang nagmo-monitor at nage-enforce. Alam namin ang nangyayari at alam natin kung gaano na hindi po lahat ng tao ay sagana.”
Paano naman hindi kukwestyunin ang sincerity ng DTI, imbes atupagin ang paghuli sa hoarders, overpricers, nandadaya ng mga sangkap sa paninda, e naglalabas ng budget meals na hindi accurate, hindi pinag-isipang mabuti.
Nagmumukha lang gaslighting ang DTI sa kanilang depensa.
Good luck sa Noche Buena nating mga timawa!
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]