No grading system sa Norway, Italy, Sweden at Finland

NAALALA ko nung elementary, tuwing kukuha kami ng report card ng nanay, hindi maiiwasang masita ng mga magulang ang mga anak pag may line of 7 sa grades tulad ng 79, 76,  tapos tatanungin ng nanay, “Ba’t may mga palakol ka naman dito ha?”.

Palakol kasi ang sinisymbolize ng number 7 noon, lol!

O kaya, uusisain ng nanay. “bakit namumula na naman ang card mo?” dahil pag line of 7 ang grades, nakasulat sa color red na ballpen.

Nakwento ko kasi ito dahil usap-usapan ang viral post ng isang Facebook user tungkol sa aplikante nila school sa kursong Bachelor of Science in Hospitality Management (BSHM):  

Marami siyang grades na 90 and over sa report card, pero nang sinagot ang kanilang essay question – English carabao ang pagkakasulat, as in hari ng sablay.

Kita na merong problema sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Malalim at masalimuot ang pinag-uugatan ng mga problemang kaugnay ng pag-aaral sa Pilipinas.

Pero sa pagkakataong ito, mag-focus tayo sa pagbibigay ng academic grades.

Sa Pilipinas kasi, basehan ang grado para makapasa sa isang subject, o makatuntong sa susunod na school level o, mahirang na valedictorian sa graduation.

Tanong:  Nakatutulong nga ba ang numerical grades para matuto ang mga bata lalo na sa formative years?
Alin ba ang mas importante para makatuntong sa susunod na grade school level – ang academic grades,  o pag-unawa sa mga pinag-aaralan?

Pasadahan natin ang aktwal na karanasan ng Norway, Italy, Sweden at Finland na hindi nagbibigay ng rating cards sa primary o elementary pupils nila. 

Norway

Mandatory at libre ang primary (barneskole) at lower secondary education (ungdomsskole) sa Norway.
Nagsisimula silang mag-aral sa primary school sa edad anim o pito hanggang 12,  mula Grade 1 to 7. 

Sa unang taon, naglalaro sila ng educational games at inaalam ang social structure, alphabet, basic addition at subtraction at English.

Sa mga sumusunod na taon, kinukumpleto na ang math, science, religion, asthetics, music, history, geography at social studies. 

Walang grading system sa primary level o hanggang Grade 7  at yan ay nakasaad sa kanilang batas – ang Education Act ng Norway.Sisimulan lang ang pagbibigay ng marka sa lower secondary level o  Grade 8.

Hanggang Grade 7, nagbibigay lang ng komento ang teacher na may kasamang assessment sa tinakbo ng pag-aaral ng bata.

Pero may mga pasaway na teacher na nagbigay ng numerical marks sa Grade 7 para maihanda raw ang mga bata sa graded system pagtuntong ng Grade 8.

Nadiskubre ito sa isang study sa Norway kung saan ininterview ang mga bata.

Base sa pag-aaral, nagkaron ng overall negative effect ang numerical grading sa Grade 7 lalo na sa transition experience ng mga bata partikular sa mga susunod na academic performance nila.

Anyways, kung ang rank ng public school sa Pilipinas sa 2022 Programme for International Assessment (PISA) ay ay nakasayad sa mababang 77,  ang Norway Top 33.

At kung ang average Intelligence Quotient ng Pilipinas ay 81.64 at rank 111,  base sa World Population Review 2023,  ang Norway ay Top 30 sa IQ na 97.1. Take note na ang average IQ  ay sa pagitan ng 85 at 115.

Italy

Wala rin ditong grading system.

Imbes numerical grades, inilalarawan ang evaluation sa primary pupils base sa levels na naabot nila sa  apat na kategorya, isang bagong konsepto na sinimulang ipatupad nung 2020. Kasama rito ang continuity, autonomy, resources at setting. 

Halimbawa para sa continuity, consistent bang nagagawa ng bata ang task na inassign sa kanya o paminsan-minsan lang? 

Sa pagiging autonomous, malaya ba niyang nagagawa ang tasks o kailangan ng tulong ng teacher? 

Pagdating sa resources, sa paggawa ng tungkulin, maparaan o madiskarte ba siya sa mga kailangang gamit o kung ano lang ibinigay ni teacher e, pwede na sa kanya? Ibig namang sabihin ng setting is, alam na ba ng estudyante ang gawaing itinakda o bagong task ito sa kanya?  

PISA 2022 Rank: Top 29  IQ: 94.2,  Top 42  

Sweden

Tulad sa Norway, mandatory o compulsory sa Sweden ang pagpasok mula naman Kindergarten hanggang Grade 9 (primary/ elementary/ secondary/high school)

Binibigyang halaga ng Sweden ang learning development ng mga estudyante na focused sa paglalaro community at maski  equality o pagkakapantay-pantay sa unang taon ng preschool.

Student-based ang sistema ng edukasyon sa Sweden. Halimbawa, pinapayagan ang mga bata na pumili kung saang school sila mag-aaral kahit saan pa sila nakatira.

Mula Autumn nung 2012, ang numerical grades ay ibinibigay lang sa mga estudyanteng Grade 6 pataas.

At imbes grades, ang mga estudyante below Grade 6 ay tumatanggap sa kanilang teacher ng assessment ng kanilang kaalaman sa bawat subject.

Sa maraming taong nagdaan, nagbibigay ng grades sa mga batang nasa Grade 8 pataas.
PISA 2022 Rank: Top 19 IQ: 97  Top 31  

Finland

Sinasabing the best theoretical model ng “whole child view’ is yung theory of Multiple Intelligences na binuo ni Howard Gardner,1980s.Naniniwala si Gardner na lahat ng tao ay maraming iba-ibang intelligences o katalinuhan – eto yung iba-ibang paraan para maging smart. How to be you po. 

Kaya dapat daw, kino-consider ng school education itong iba-ibang larangan ng talento o kakayahan sa paggawa ng curriculum.Base sa report, hanggang maaari, iniiwasan ng Finland na gumamit ng standardized tests sa academic subject. Instead, mas holistic ang paraan nila sa student assessment. 

Ayaw ng Finnish teachers at parents na pumasok sa eskwela ang mga bata para lang sa numerical grades o maglaban para sa pinakamataas na grades. 

Ayon pa sa report, naiintindihan ng mga taga-Finland na sa murang edad ng mga bata, ang pagkakatuto at personal na pag-unlad ay kailangang nakabase sa whole child development.

Dapat ang bawat isang bata ay natututo ayon sa bilis ng bawat edad nila

Kaya naman paniwala ng Finn teachers – dahil binibigyan ng grade, naka-focus ang mga bata sa sarili nilang pag-aaral, at ito raw ay susing abilidad na kung tawagin ay executive control, ang makina ng malalimang pagkakatuto.

Eventually however, ibinalik din ang grading system sa Norway pero malinaw ang stress ng edukasyon sa lower levels ay hindi sa grading system kundi sa kakayahang matuto.

Sa report ng Humanium.org  November 7, 2023,  target ng Finland na bumalik sa basics ng pag-aaral na hindi nakatutok sa pagkuha ng mataas na grades kundi magkaron ng anila’y fairer school environment.  

Priority nila ang learning over testing, kaya walang regular national exams at ina-assess ng mga teacher ang mga estudyante base sa curriculum objectives.

PISA 2022 Rank:  TOP 13  IQ: 101.2   TOP 8

Ang IQ averages sa bawat bansa ay nilagay ko lang bilang additional information.

Kahit naglagay ako ng IQ standards sa apat na bansa, hindi nangangahulugan na comprehensive at reliable ang IQ system sa pagsukat ng talino o abilidad ng isang tao – halimbawa, may aspetong emotional, spiritual, creative, praktikal na abilidad ang katalinuhan ng isang tao. Maski ang pag-hip thrust, body roll, tumbling-tumbling at beatbox  ay di kailangan ng mataas na IQ, charot.

Halimbawa, halos perfect magtanim ng palay ang magsasaka na lahat ng punla ay naka-slant sa iisang anggulo at nakalubog sa pare-parehong lalim sa lupa. 

May matataas ang IQ pero hindi maalam sa practical na buhay at poor performer, at merong average IQ na prolific, efficient at top performer. Merong tulad ko, may IQ din, pero shunga shunga pa minsan sa practical na buhay, lol!

Napag-usapan kasi ang IQ dahil parang grading system din ito na ginagawang isa sa sukatan para matanggap ka sa trabaho na para sa akin ay choosy, I mean, discriminatory pala:)

Ang numerical grades at IQ ay hindi naglalarawan sa isang tao,  o basehan para maging matagumpay sa buhay. 

Hindi rin ito timbangan ng tamang pag-iisip o pagiging paladesisyon sa araw-araw na laban ng buhay.

Sa huli tao pa rin ang magpapasya sa kanyang love life, err,  kinabukasan dahil alam nya ang kakayahang meron siya.