HINDI na dapat palagpasin ni Senador Grace Poe ang North Luzon Expressway (NLEx) at kailangang pagpaliwanagin sa Senado kung bakit hanggang ngayon ay patuloy ang ginagawa nitong palpak na serbisyo.
Kung matatandaan, ang pamununan ng NLEx ay nagtaas kamakailan ng singil sa toll sa kabila ng panawagan ng Senado na ipagpaliban ang dagdag-singil at ayusin muna ang malaking problema sa daloy ng trapiko.
Pero dedma lang ang mga opisyal ng NLEx at sa halip na magpaliwanag, itinuloy ang toll hike at hindi pinakinggan ang pakiusap ni Poe, ang chairperson ng Senate committee on public services, at maging ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.
Kung titingnan mabuti, hindi naman talaga makatuwiran sa mga motorista at biyahero ang toll hike na ginagawa ng NLEx dahil bukod sa malubhang trapiko ang nararanasan dito, maraming lugar sa kahabaan ng expressway ang hindi tama ang pagkakasemento o pagkakalagay ng aspalto. Maraming potholes na naglalagay sa mga motorista sa posibleng disgrasya!
Sa pagpasok pa lamang sa toll plaza ng Balintawak patungong Valenzuela City, Bulacan hanggang Pampanga, hindi na matino ang kalsada at makikita ang patse-patseng aspalto na hindi pantay ang pagkakalapat na nagdudulot ng hindi maayos na biyahe sa mga motorista.
Ang nililikha ring dambuhalang trapiko sa Meycauyan, Marilao at Bocaue exit ay nakakalula at masasabing inutil talaga ang pamunuan ng NLEx dahil sa walang solusyong ginagawa para malutas ang problemang ito.
Bukod pa ang usapin ng mga naghambalang na traffic cones sa kahabaan ng NLEx, marumi rin ang mga gilid ng expressway at bibihirang makita ang mga taong dapat ay naglilinis at nag-aayos ng mga nagkalat na basura.
Nakapagtataka rin kung bakit sa bawat toll plaza ng NLEx ay kakaunti lang ang cash lane dahilan kung bakit nagkakaroon ng mahabang trapiko rito. Taktika ba ito ng NLEx para mapilitang kumuha o bumili ng RFID ang bawat nagmamay-ari ng sasakyan?
Lagi ring may problema sa RFID na kadalasan ay sanhi ng traffic sa mga toll gate. Andyan na hindi ito mabasa at kailangan pang imano-mano para ma-update ang balance. E, ano pang silbi ng RFID?
At sino ba ang makakalimot nang tanggalan ni dating Mayor Rex Gatchalian ng business permit ang NLEx dahil sa sablay na RFID nito na nagdulot ng trapiko at malaking perwisyo sa lungsod ng Valenzuela. Atras ang pamuan ng NLEx!
Kaya nga, dapat talagang bigyan ng matinding leksyon ang NLEx at magkaisa ang Senado para papanagutin ito sa patuloy na walang kwentang serbisyo na kalimitan ang mga motorista at biyahero ang napeperwisyo.