DAHIL na rin sa mga kapalpakang ginagawa ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. makakabubuting huwag na siyang umasa pang makapapasok sa ‘Magic 12’ ng senatorial race sa darating na 2025 midterm elections.
Epal na epal ang dating ni Bong, at maraming nagalit, nabwisit at napikon na netizens dahil na rin sa ginagawang pagpapakalat ng tarpaulin sa buong bansa na nakabalandra ang kanyang pagmumukha.
Sabi nga… “ang aga namang mangampanya ni Agimat!”
Sa kahabaan ng Mindanao Avenue, Quezon City, sa mismong island o gitna ng magkabilang kalsada, makikita ang magkakadikit at sunod-sunod ang tarpaulin ni Bong para sa kanyang Kapuso comedy show.
Pinagbibidahan ni Bong ang comedy show na “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” na dapat ay mas maganda at angkop kung ang gagamiting title ay “Walang Epal na Pulis kung dadagukan ni Misis!”
Pero mukhang tinablan ng hiya si Bong at kamakailan lamang ay binaklas na ang kanyang epal na mga tarpaulin na nagkalat sa QC. Atras si Bong dahil alam niyang galit ang taongbayan at baka balikan siya sa halalan.
Ang nakakatawa, bago pa man kumalat ang mga tarpaulin sa buong bansa, nauna nang nagpatawag ng imbestigasyon si Bong tungkol sa patuloy na paglaganap ng billboards sa mga major thoroughfares o pangunahing lansagan na maaaring magdulot umano ng aksidente o kapahamakan sa mga motorista.
Alam kaya ni Bong na delikado rin ang nagkalat niyang tarpaulin sa mga lansangan na naroroon ang kanyang litrato dahil sa maaari magdulot ito ng aksidente o kapahamakan?
Ano ba yan, mukhang hindi na nag-iisip si Bong, at parang naubusan na rin ng matitinong advisers para magabayan at mabigyan ng tamang payo, at hindi makanal sa bawat gagawin na desisyon.
At hindi dapat kalimutan ni Bong na nasa pang-11 puwesto lang siya noong 2019 elections at napakahirap na lumusot ngayong midterm polls dahil na rin sa ‘masikip’ ang darating na senatorial race.
Kaya ngayon pa lang, kailangang umpisahan na siguro ng senador ang pagsasayaw ng budots… “nandito na si Bong Revilla… toot, toot, toot, toot, toot… tweet, tweet, tweet… tweet, tweet, tweet…