MARAMING ganap ngayon sa ating bansa.
Nito lamang nakaraang lingo, samu’t saring mga pangyayari ang naibalita, at hindi ito maliit na balita.
Nariyan ang muling pangbu-bully at pangha-harass ng China sa nagsagawa ng convoy na kinabibilangan ng mga mangingisda, pribadong indibiduwal, at escort na militar sa West Philippine Sea na maghahatid ng pamaskong handog.
Malinaw naman na sakop ng ating Exclusive Economic Zone ang binaybay ng convoy. Matigas talaga mukha ng China para sabihing tayo pa ang nananakop.
Wala man lang narinig na pagkondena mula kay Vice President Sara Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa ginawang pag water cannon at paggamit ng long-range acoustic devices sa ating mga tropa. Nakabibinging katahimikan. Asa pa ba tayo? Sa intelligence at confidential funds lang naman sila maingay.
Ang tanging nag-iingay na kaalyado ng mga Duterte ay si Senator Ronald “Bato” dela Rosa. Bakit kaya?
Nariyan din ang pagkakakulong at pagpapalaya sa dalawang anchor ng Sonshine Media Network Intenational na sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz na mga kilalang notorious red-taggers. May drama pa silang mag-hunger strike daw, pero intermittent fasting lang pala ang ginawa.
Nalabag daw ang kanilang “democratic right to free expression.” Free expression pa rin bang maituturing kung malalagay sa panganib ang buhay nung mga ni-red tag nila? Mga patawa.
Mainit din ang usaping suspindihin ang prangkisa ang SMNI dahil sa umano’y nagagamit ang network sa pagpapakalat ng false information. Kinumpirma rin ng pamunuan ng SMNI na magkakaroon ng partnership ang SMNI at China Global Television Network. Dapat nga i-revoke o tuluyan nang tanggalan ng prangkisa ang SMNI. Panahon na.
Pwede na rin bang ipa-extradite o hand-over na si Pastor Apollo Quiboloy sa Federal Bureau of Investigation dahil sa mga umano’y kaso nitong large scale human trafficking, rape, sexual abuse and violence, and child abuse? Si Quiboloy ay kasama sa most wanted ng FBI. Dapat lang.
Mariin ding ipinahiwatig ni Pangulong Ferdinand Marcos, Junior na atin ang West Philippine Sea at tayo ang may lehitimo at legal na karapatan na mangisda sa WPS. Ang illegal na presensiya ng Chinese militia “is an outright and blatant violation of international law and the rules-based international order.” Strong words mula sa sinasabing weak president daw.
Marami pang maaaring mangyari sa mga susunod na araw. Maaaring good news. Pwede ring bad news.
Ngunit, dahil sa nalalapit na Araw ng Pasko, sana ay pawang magagandang balita ang matunghayan natin.
Nakakapagod din ang puro negative vibes.