LAHAT nang makikita natin sa balita ngayong inilagay ang National Capital Region sa Enhanced Community Quarantine o ECQ ay kung paano babagsak ang ekonomiya ng bansa at malulugi ang lahat ng negosyo.
Nagtataka ako rito dahil ang Metro Manila ay isa lamang sa 17 regions ng bansa at hindi pa ito ang pinakamalaki.
Sa totoo lang, ang ating bansa ay may 81-provinces, 146-cities at 1,488 municipalities.
So kung mag-ECQ man sa Metro Manila ay may natitira pang 16 regions, 130 cities, at 1,487 municipalities sa ibang bahagi ng bansa.
Sabihin natin na may pito pang probinsiya na inilagay sa ECQ, meron pa ring 74 provinces na bukas or at least semi-open ang economy.
Mayroon din 12 industry capacity airports ang Pilipinas at kung ECQ man sa NCR, 11 pa ang bukas. Kung seaports naman ay mayroon tayong 10, so siyam ang matitira pag sinara ang Port of Manila dahil sa ECQ.
Ang tinatanong natin, kung mag-ECQ ba sa NCR at ilang probinsiya sa paligid niya, hihinto na rin ba ang economic activity sa ibang rehiyon?
Hindi na ba gagana ang mga tindahan, palengke, grocery, airport, seaport, at iba pang commercial activity sa mga lugar na magaan o halos walang quarantine restrictions?
Or is it because ang halos lahat ng business and economic activity natin ay nasa Metro Manila lang?
Dahil ba sa nasa NCR ang government center, Senate, Congress, business conglomerate headquarters at mga controlling leaders ng negosyo sa bansa kaya pag dito nag-ECQ, e parang mamamatay na ang bansa kung makapagbalita ang mga news outfits?
Dahil ba nandito sa NCR ang mga ito, medyo self-centered na tayo at hindi na natin isinasama sa analysis ang economic and commercial activity sa ibang parte ng bansa?
Kasi kung ito ang totoo, lahat ng pabrika, government installation, business executive headquarters at major decision-making factors ay nasa Metro Manila, may problema tayo.
Sa tingin ko, pagdating sa negosyo at ekonomiya, dapat alisin na sa NCR ang mga ito at ikalat sa iba pang bahagi ng bansa.
Kasi, kung ganito tayo mag-isip, na kapag nagsara ang Kalakhang Maynila ay sarado na rin ang buong bansa, kahit na hindi ito totoo, napaka-vulnerable pala talaga ng sitwasyon ng bansa natin.
Dahil sa totoo lang, gumagalaw ang merkado sa labas ng NCR. Bukas ang mga tindahan at palengke sa mga probinsiya, medyo social distancing nga lang (pero madalas hindi rin) pero bukas sila.
Iba rin ang business and work models sa probinsiya, hindi ito pareho ng Metro Manila na pure and most times congested office environment.
Medyo simplistic ang take ko sa isyung ito, I agree, pero hindi ba natin ito pwede tingnan from this angle?
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]