Subaybayan naman natin ang online business.
Naloko ka na ba ng online sellers?
Tunay ngang nakagagalit dahil ang inaasam mong inorder ay taliwas sa inaasahan nang ideliver sa iyo. Feeling mo, naisahan ka, nabudol at di naman makaganti!
Sa panahong ito ng pandemya, malaking tulong ang online transactions sa pamimili ng pagkain, damit, sapatos, o anumang gamit sa bahay. Iwas Covid dahil idedeliver ang items sa bahay mo.
Ayos sana, kaya lang ay marami ang nabasa ko tungkol sa buyers na nagrereklamo dahil peke ang item, depektibo, o di ayon sa nakasaad sa advertisement. Kung may customer reviews naman, mukhang kasabwat din ng scammer.
Yung isang customer, galit na galit dahil puro plastic lang ang laman ng package. Wala yung inorder na t-shirt! Mabilis daw umalis ang delivery man matapos makuha ang bayad. COD ang usapan. Posibleng yung delivery man ang nagmaniobra; pinalitan ang laman ng package.
Isang buyer naman ang nakatanggap ng bato kahugis ng cellphone na inorder; naka-bubble wrap pa!
Nakakagigil kung ang perang pinaghirapan ay mawawala dahil sa bogus sellers!
Walang kalaban-laban o proteksyon ang buyer dahil madali magtago ang mga scammers.
Makakaasa kaya ng tulong ang mga consumers sa mga ahensyang dapat nangangalaga sa kanila tulad ng Department of Trade and Industry, o sa mga ahensyang may obligasyon sa e-commerce?
Dapat bawalan na rin ng Facebok at iba pang social media sites na mag advertise ang bogus sellers.
Masisira ang mga lehitimong online sellers sa modus ng mga scammers. Mawawala ang kumpyansa ng customers.
Pandemya na nga, naglipana pa rin ang mga manloloko sa kapwa.