Nasaan na ang larong piko, luksong-tinik na malaking tulong sa creative thinking?

NAALALA niyo ba yung mga laro noong bata pa tayo na wala pang computer at cellular phones?

Yung tumbang-preso, habulan, taguan, at luksong-tinik? 

May mga laro pa ba kayong naalala na kailangang gumalaw ang ating katawan?

Mahalaga pala ito sa pag-develop ng ating utak.

Nakatutulong ang physical games para maging aktibo ang ating utak.

Nagiging aktibo ang ating utak lalo na kung ang ating nilalaro ay kagaya ng tumbang-preso kung saan kailangan mong isipin paano asintahin ang lata. 

Kapag luksong-tinik naman, kailangang matantiya natin kung gaano kabilis ang pagtakbo para malundag ang ilang layer ng kamay.

Lingid sa ating kaalaman, natututo tayo sa mga larong ito.

Ito ang kulang sa mga bata na lumaking ang naging kasama ay ang computer at ang cellular phones.

Naging convenient para sa mga magulang na nakatutok na lang ang mga bata sa screen ng cellular phones, computer, o telebisyon. 

Mga digital yaya.

Ayaw na maglaro sa garahe o sa mga parke. Bagama’t limitado na ang bilang ng mga parke ngayon, mayroon pa namang ibang lugar na maaaring puntahan. 

Maglaro man ang magkakaibigan, digital games pa rin ang nilalaro.

Nakalulungkot nga tingnan na pati mga batang wala pang isang taong gulang ay nakatutok na rin sa screen. 

Nakababahala ito, lalo na sa mga bagong henerasyon. 

Ang kakulangan sa physical activity ng isang tao ay maaaring magdulot ng iba’t-ibang sakit.

At kung bata pa lang ay halos wala nang physical activity, maaaring maging sanhi ito ng maagang pagkakasakit.

Dapat siguro isama sa Matatag curriculum ang pagbabalik ng mga lumang laro, lalo na sa mga nasa elementarya. 

Nakababahala kasi ang balitang kulelat na naman tayo sa creative thinking. 

Paano ba nade-develop ang creative thinking? Ang physical activity ang isa sa paraan upang ma-develop ang creative thinking. Nade-develop din dito ang critical thinking.

Sabayan ito ng pagtuturo ng pagbabasa at pag-intindi sa binasa. Yung tinatawag na reading and comprehension. 

Kayang gawin ito ng ating mga pampublikong paaralan kung may magandang programa. 

Hindi naman kailangan ng agarang implementasyon. 

Pero sa aking palagay, kung gusto nating mag-improve ang kalidad ng edukasyon, kailangan natin ng isang Department of Education Secretary na may malasakit sa mga mag-aaral at sa mga guro at alam kung ano ang kanyang ginagawa.