Nasaan ang mga Kadiwa stores?

IBINIDA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address ang patuloy na paghahanap ng kanyang administrasyon ng solusyon sa kahirapan at kagutuman  dulot ng implasyon at iba pang bagay.

Sa ikatlo at ika-limang paragraph ng kanyang talumpati, sinabi niya:

“We live in difficult times brought about by some forces of our own making , but certainly, also by forces that are beyond our control. .

But we have, and we will continue to find solutions.”

Isa sa mahigit sa 10 ipinangako niya ay ang seguridad sa pagkain kung saan inilatag niya ang kanyang mga gagawin.

Inamin niyang may kagyat na problemang nararamdaman ng mga Pinoy at ito ay ang implasyon o pagsipa ng presyo ng pagkain at kakulangan sa suplay ng batayang mga produkto. Sinabi niyang gagawin ng kanyang pamahalaan na palakasin ang purchasing power ng piso sa pamamagitan ng tulong pinansiyal at teknikal sa mga magsasaka upang maitaas ang lokal na produksyon.

Nangako ng murang pautang kabilang na ang abono, mga punla, pestisidyo, feeds, fuel subsidy at ayuda ang pamahalaan; pagtitibayin din ang value chain na nagsisimula sa magsasaka tungo sa hapag ng mga konsyumer. 

Ipinangako rin ang modernisasyon ng sakahan at pagsasaalang-alang sa hamon na dala ng pabago-bagong klima at global warming. Susuportahan din niya ang post-production upang mabili ang mga lokal na produkto. Siyempre, ang bawat administrasyong proyekto na farm-to-market roads ay tinukoy rin  upang mailakbay ng mabilis ang mga produkto tungo sa pamilihan.

Mahalaga ring binanggit niya ang repormang agraryo, na kung matatandaan ay sinasabing brainchild ng kanyang yumaong ama, dating pangulo Ferdinand Marcos Sr.

Kaugnay niyan, nagpalabas siya ng executive order na tinawag na New Emancipation Act para palayain ang mga benepisaryo ng agrarian reform o ARBs  mula sa mahabang amortisasyon ng lupa kabilang ang patong- patong na interes. Nasa 654,000 ARBs umano ang makikinabang sa naturang condonation act at aabot sa halagang 58,125 bilyon pesos ang gugugulin ng gobyerno para dito.

Tinukoy niya ang  halos 52,000 ektaryang nakatiwangwang na lupang agricultural na inumpisahan niyang ipag-utos ipamigay para sa mga walang lupang mga beterano sa giyera na mga sundalo; walang lupang maybahay at mga anak o naulilang anak ng sundalo; walang lupang retirees ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Isa  ang aking bayaw at ilan niyang kasamahan (mga nagretiro sa PNP)  ang nakapagsumite na ng kanilang application sa DAR region na kanilang nasasakupan para sa programang ito noon nakaraang tatlong buwan. Wala pa namang kategorikal na sagot sa aplikasyon na ito.

Ang isyu ng importasyon (na makailang beses ko nang naisulat dito) ay kataka-takang hindi nabanggit na isa sa matinding isyu sa agrikultura at food security. At nakakalungkot na tila mas namamayagpag pa rin ang  importasyon kaysa eksportasyon gayong kailangang- kailangan nating tipirin at ingatan  ang ating foreign dollar  reserves. May mga sarkastiko pa ngang patutsada ang ating mga kababayan: ang Department of Agriculture umano ay dapat nang tawaging Department of Importation.

Ang isyu ng murang bilihin ay matingkad sa ilang ipinangako ni PBBM. Sinabi niya, “At gagawa tayo ng mga paraan upang maramdaman ng mga mamimili ang pagluluwag ng presyo ng mga produktong pagkain sa kayang halaga, gaya ng pagbubuhay ng Kadiwa Centers. “

Na-excite ang buong sambayanan sa pangakong P20 pesos kada kilo ng bigas. Sa mga Kadiwa ba ito mabibili? E nasaan ang mga kadiwa na ‘yan? May nakita ka na ba sa inyong LGU? O baka naman online?  Ano yung tsismis na mga kawani lang ng gobyerno ang totoong nakikinabang sa mga kadiwa?

Sa datos ng Department of Agriculture, may 1.82 milyong kabahayan ang nakikinabang sa Kadiwa Centers. Naka-35,000 beses na umanong nakapagsagawa ng pagtitinda ang mga kadiwa at kumita na ng P21 milyon.

Taliwas naman sa datos ng DSWD na nagsabing kulang  pa sa 5.6 milyong mahihirap ang nakatikim ng murang produkto mula Kadiwa.

May kasabihang “ang ugat ng rebolusyon ay kagutuman.” Literal o figuratively,  maliwanag na nagiging agresibo ang tao kapag hindi napunuan ng sapat ang kanyang tiyan. Humihina rin ang kanyang rational thinking.

For sure, ang isyu ng food security will make or break his presidency. Huwag nating i-underestimate ang kakayanan ng sambayanan na mag-aklas kung labis-labis na ang kasalatan at inhustisya. Nangyari na yan sa Sri Lanka at sa iba pang bansa na may malawak ding nararanasang kagutuman. 

Sa mga natupad at patuloy na tinutupad pang pangako ni PBBM (may natitirang  apat na taon pa siya), unahin sana ang kagyat na problema sa seguridad sa pagkain. Alam nating hindi madali ang pagbalanse sa  interes ng sambayanan laban sa interes ng mga ganid na likas na nasa mga opisina ng pamahalaan, ngunit bilang Pangulo na siya ring Kalihim ng Agrikultura, nasa kanya pa rin ang huling direksyon na tatahakin ng bansa at ang laging mahalaga at una ay ang pagtataguyod sa public welfare o pambansang kagalingan.  

***
Follow us on Facebook @ https://www.facebook.com/PinoyPubliko