Nanggigipit at nanloloko sa mga binagyo

HINDI maikakaila na may pagkabigla ang marami sa devastation ng Bagyong Odette (International name: Rai) sa maraming probinsya sa Visayas at ilan sa Mindanao.

Siyam na beses itong nag-landfall sa Siargao, Surigao Del Norte; Cagdianao, Dinagat Islands, Liloan, Southern Leyte; Padre Burgos, Southern Leyte; Pres. Carlos P. Garcia, Bohol, Bien Unido, Bohol at Carcar, Cebu nung Huwebes, December 16.

Kinabukasan December 17, nag-landfall ang bagyo sa La Libertad, Negros Oriental at Roxas, Palawan.

Hanggang nitong Martes, December 22, umakyat sa 375 ang bilang ng mga namatay, ayon sa datos ng Philippine National Police na dino-double check pa ng Office of Civil Defense na merong 156 sa kanilang official report.

Sinasabing pinakadapa ang Dinagat Island dahil wala halos naiwang bahay na nakatayo, as in wiped out.

Nang unti-unting naglabasan ang mga imahe ng pananalasa sa iba-ibang lugar, sinundan ito ng mga nakapanlulumong alaala ng Supertyphoon Yolanda.

Nang pumunta kami sa Tacloban ng ilang officer ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) para magbahagi ng tulong sa mga kasamahan sa media na nasalanta,
nasaksihan ko mismo ang naiwang bangungot ng pananalasa.

May mga sementeryong nagsulputan sa tabing daan at gitnang island ng kalsada; mga sasakyang pandagat na idinaong sa lupa; mga kotseng nilipad sa mga palayan.

Mental stress, physical at emotional trauma talaga.

Back to present.

Mistulang pinagbabayo ng Typhoon Odette ang bawat landfall area.

Mahirap isipin at masakit sa damdamin na lugmok sa misery ngayong Kapaskuhan ang mahigit 1.8 milyong kababayang nasagasaan sa paghambalos ng Bagyong Odette sa Pilipinas.

Tapos mababalitaan mo na sinabi ng magaling na pangulo na wala nang pondo para sa na-Odette, “depleted” na raw. Di nga.

Sus panulay.

Ayon sa Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa, kumita ang gobyerno nyo ng P2.5 trillion at nangutang ng P2.8 trillion.

Gumastos ito ng P4 trillion kasama na ang binayarang utang na P648.3 billion.

Nagwaldas din ng bilyon-bilyong piso para sa infra na puros pork barrel, ibig sabihin puro kurakot, NTF-ELCAC, confidential at intelligence funds.

Suma total: meron pang P1.3 trillion cash kaya wag duling-dulingan, PDuts.

May pera pa na pagkukunan ng tulong para sa mga nahagupit ng bagyo.

Wag abusuhin ang pagiging resilient ng mga tao kung ayaw ninyong maging resilient sa galit nila dahil hindi uubra yan.

Mag-eeleksyon ba kaya may natabi? Bekenemen..

At wag din sanang gamitin ang pagdurusa ng mga tao – at samantalahin para iboto ang kandidato sa 2022 polls.

Sa kwento na lang ng reporter na si Ferdinand Cabrera na nag-cover sa Siargao:

“Saklap ng kwento ni kuya from Siargao, nung humihingi ng rescue mama nya sa brgy captain, tinanong pa siya kung ilan ba ang botante nila sa bahay, nagmamakaawa na noon nanay nya. Walang help dumating. Now from Siargao need nya bumiyahe sa Butuan City para mag claim lang ng kakarampot na padala ng kamag anak. Tapos problem pa nagkaka ubusan ng available cash mga money transfer sa Butuan, ang info hanggang 5k lang ang pwede, kahirap naman. Bleeds my heart, grabeh”

Isa rin sa umepal syempre ang lolo nyo from Batac, Ilocos Norte.

Nagpampalubag loob ng barya-barya sa mga nabagyo sa Southern Leyte:

Nagdonasyon ang tamad na si dayunyor ng P2M cash at P2.5M halaga ng relief goods makasilip lang sa lente ng media.

Pag election season talaga, naglalabasan ang mga manloloko, nanggigipit at mapagsamantala.

Ang kakapal at maiitim ang mga budhi. Karumal-dumal kayo.

May gaba.

Nakikiisa ako sa panawagan na tulungang bumangon muli ang mga nasalanta para makalaban pa rin sa buhay, buuin muli ang mga pangarap at biguin ang magsasamantang user-friendly na mga pulitiko na kapit-tuko sa pwesto.

Anyways, Have a Healthy at Maligayang Christmas sa inyo mga Ka-Publiko!


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]