NARANASAN mo na bang manalo sa lotto?
Ako, naranasan ko na manalo.
Kumubra na ako ng P600 nang tumama ang apat sa anim na numerong tinayaan ko.
Matagal na ito, siguro may 20 taon na ang nakalipas. Hindi na uli ako tumaya dahil kinakapos na sa budget. Sayang din yung P10 (dating presyo ng lotto ticket) na itinataya ko kada araw.
Ikaw, tuwing kailan ka tumataya sa lotto? Araw-araw ba?
Kasama rin ba sa dasal mo na sana lumabas ang mga inaalagaan mong numero upang maging daan mo sa pag ginhawa ng buhay?
Instant multi-milyonaryo ang peg.
Ganyan din dasal ko noon, na sana tumama ako sa jackpot para hindi na ako magtrabaho at gagamitin ko sa negosyo ang pera. Ang dami ko kayang gustong gawin sa perang mapapanalunan ko.
Taya kaya uli ako sa lotto? Aba, malay natin, makuha ko na ang inaasam kong panalong milyon-milyong piso.
Kaso, mukhang may anomalyang nangyayari sa loob mismo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na siyang nangangasiwa ng lotto draws.
Nito kasing mga nakaraang lotto draw, laging may nananalo sa jackpot prize, na kung iisipin ay parang imposibleng mangyari.
Sabi nga, mas may tsansa kang tamaan ng kidlat, kesa manalo sa lotto. Mukhang ngayon, mas may tsansang manalo sa lotto kesa tamaan ng kidlat.
May balita pa na, base sa imbestigasyong isinasagawa sa Senado sa pangunguna ni Sen. Raffy Tulfo, napag-alaman na may isang tao na nanalo ng 20 beses sa isang buwan.
Bagamat hindi ito yung jackpot prize, pero alam na nating may mali kung sa iisang tao lang napupunta ang panalo.
Maswerte nga lang ba ang taong ito o may milagrong nangyayari sa loob ng PCSO?
Ayon sa isang Mathematics professor sa University of the Philippines sa Diliman, isa sa kada tatlong milyong tao ang may tsansang manalo sa 6/42 jackpot draw.
Isa sa kada tatlong milyon.
Paano nangyaring kada lotto draw ay may nananalo ng jackpot prize?
Swerte pa rin ba o may sabwatan sa loob?
Itinatanggi naman ng PCSO na may anomalya sa kada lotto draw dahil real time ang ginagawang pagpili ng numero ng machine. Mahirap raw itong dayain. Mahirap manipulahin ang resulta ng draw.
Sana nga ay walang anomalyang nangyayari sa kada lotto draw.
Sana lumabas ang katotohanan sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado.
Sa hirap ng buhay ngayon, kapos man sa budget, hindi mapipigilang tumaya at mangarap ng ating mga kababayan na isang araw ay baka manalo rin ang inaalagaang numero.
Makataya nga uli. Baka sakaling maka-jackpot na!