HABANG papalapit nang papalapit ang campaign period, padami rin nang padami ang pagpapakalat ng kasinungalingan sa social media.
Sa lahat ng lungsod sa buong bansa, mapupunang sa Maynila pinaka-hitik sa lahat ng uri ng fake news.
Nariyan ang fake surveys, pati memo ng City Hall ay pinepeke na rin, gaya na lang nung inilabas ng city legal office, kung saan ipinaaalala sa lahat ang pagsunod sa pagkuha ng special permit kapag may gaganaping pagtitipon ng maraming tao.
Pinalabas ng mga kalaban sa politika ng nakaupong si Mayor Honey Lacuna na pati pagdaraos ng mga birthday at binyagan ay saklaw ng memo, para palabasin na tila may “martial law” sa Maynila.
May sideline pa ito na banat sa martial law na alam naman nating pinairal nung panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ang anak nitong si Bongbong Marcos, Jr. ang nanalo noong 2022 kung saan isa sa mga tinalo niya ay ang ex-mayor na si Isko Moreno.
Ang pinekeng laman ng tunay na memo, pinatulan naman ng kandidato sa pagka-bise alkalde. Ginamit din ang pekeng memo para tira-tirahin si Mayora. Ipinakita ng kandidatong ito na isa siyang uto-uto at patolero sa fake news.
Para sa kaalaman ng lahat, ang tunay na memo ay batay sa City Ordinance No. 8331 na ipinasa noon pang 2022 at tatlong-taong gulang na Executive Order No. 12, Series of 2022 na ipinasa at inilabas upang protektahan ang publiko sa mga nasabing uri ng pagtitipon.
Bakit kailangan ang paalala? Narito ang sagot ni Atty. Princess Abante, ang tagapagsalita ni Mayor Lacuna: “Ang di pagsunod sa simpleng regulasyon ay maaaring magdulot ng kapahamakan. Halimbawa, nito lamang ginamit ang Ninoy Aquino Stadium (isang sports venue) para sa “patawag” ni Mr. Francisco Domagoso kahit ang permit noon ay para lang sa sports events. Anong nangyari? Nagsiksikan, nagkagulo, may senior citizen na na-heat stroke, patay! Si Konsehal Apple Nieto, nagpa-bingo sa kalsada, may batang nasagasaan. Patay. Mananagot ang mga dapat managot.”
Ani Abante, mismong ang Commission on Elections ay sumunod sa regulasyon na ito nang gamitin nila ang SM Manila para sa registration ng mga kandidato.
Sa totoo lang, wala namang bago sa regulasyong pagkuha ng special permits. Ito ay ordinaryong proseso upang tiyakin ang maayos na koordinasyon at kaligtasan ng publiko, at pagsunod sa kaligtasan ng pasilidad na pagdarausan.
“Simple lang ang memorandum. Kung may-ari ka ng sinehan at ang business permit mo ay para sa public exhibition ng pelikula, pero gusto mong gamitin ito para sa ibang aktibidad, kailangan mong mag-apply ng special permit. Sa business permit, nakasaad ang specific purpose ng isang establisimiyento. Kaya kung ang venue mo ay sinehan, dapat pang-sinehan ang mga aktibidad doon. Kung gagamitin ito sa ibang bagay, kailangan ng special permit dahil lagpas na ito sa saklaw ng orihinal na regular permit,” paliwanag ni Abante.
Dagdag pa niya: “Ang permit ay instrumento ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang public safety at public convenience.Mismong COMELEC nga, noong ginamit nila ang sinehan ng SM Manila para sa COC filing nitong Oktubre, nag-apply ng special permit. Nabigyan sila agad—walang delay, walang red tape—dahil sumunod sila sa tamang proseso at iginalang ang mandato ng lokal na pamahalaan.”
Sinusugan naman ito ni City Administrator Bernie Ang. Ipinaliwanag niya na mahalaga ang pagkuha ng special permit dahil sakaling magkaroon ng kaguluhan o ‘stampede’ o kapag may nasugatan o nasawi, mayroong dapat na managot hindi ‘yung patay-malisya na lang ang nasa likod ng patawag o pagtitipon.
Kapag may koordinasyon sa lungsod, nagpapadala ito ng first aiders, ambulansiya na naka-standby at iniimpormahan ang MDRRMO, maging ang fire department dahil sila ang may alam kung ano ang gagawin sakaling magkaroon ng insidente.
Ibig sabihin, ang special permit ay may layuning protektahan ang mga dadalo sa isang pagtitipon. Ngayon, bakit mo naman aayawan na sumunod? Para ba ligtas-katawan ka sa anumang responsibilidad?
Isipin na lang na sa dami ng kandidato, kung lahat ng ‘yan ay hahayaan na basta-basta magpa-bingo sa kalsada kahit saan at kelan nila gusto, ano mangyayari sa Maynila? Paano kung nagkasabay-sabay dahil nga di naman nakuha ng permit? Di ba ito makakaistorbo sa mga motorista at maging sa mga residente mismo? Ano ba nangyari sa senior citizen na namatay at sa batang nasagasaan ng trak? Ganun na lang ba ‘yun?
Kailangan bang may sumunod pa sa kanila bago kumilos ang pamahalaang-lungsod?
Tama ang sinabi ni Atty. Princess. Kung ang Comelec marunong sumunod, bakit ayaw sumunod ng mga kandidato? Isaksak sana ng mga kandidatong ayaw sumond sa isip nila na mga kandidato pa lang sila.
Ni hindi pa nga sila nakakatiyak na makakaupo sa puwesto, abusado na? Ganern? Sila na agad ang batas sa Maynila? ‘Yung memo pilit hinahanapan ng diperensiya pero ‘yung mga patawag na may namatay dahil sa di pagsunod sa simpleng regulasyon patay-malisya sila?
Nakakatakot pagkatiwalaan ng boto at kapangyarihan ang mga kandidatong kagaya ng mga ito.
***
DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.