HINDI ko maitatanggi ang pagka-asar matapos dumaan sa aking Facebook feed ang video ng dalawang motorcycle cops na nag viral habang nagbibida ng kanilang mga stunts sa gitna mismo ng isang highway, habang ang isa ay sinadya pang lumabas sa kanyang linya at pilit na hinahawi ang mga motoristang tumabi habang tumutunog ang kanyang wang-wang.
Kaya ko nabanggit ang ganitong maling gawi ay bukod sa ipinagkatiwala natin sa kanila ang kapangyarihan na magpatupad ng batas, ay ginawa nila ang pang-aabuso sa kapangyarihan sa gitna ng pandemya.
Hindi sila kaiba sa mga dumaraming bilang ng mga law enforcers (although karamihan sa kanila ay matagal na itong gawi) na umaabuso sa kanilang kapangyarihan. Naririyan sa mga balita ang mga kotong traffic enforcers, mga mapang-abusong opisyal ng barangay at maging mga mayor.
Buti na nga lang at merong social media at nakikita natin ang ebidensya kung paano nila abusuhin ang kanilang kapangyarihan. Hindi na ako kailangang lumayo pa dahil dito lamang sa aming lugar sa Quezon City ay makikita mo ang “kamay na bakal” na pamamalakad ng Task Force Disiplina.
Tutol din ako sa pag-aresto sa mga lumalabag diumano sa lockdown dahil bukod sa labag ito sa ating karapatang pantao ipinamumukha nito ang kawalan ng respeto sa ating kapwa. Napababa ba ng pagkulong sa “violators” ang bilang ng mga naimpeksyon? Hindi.
Maraming kadahilanan kung bakit tumaas ang bilang ng kaso ng COVID-19 na dominado na ng Delta variant sa bansa, at ayon sa mga eksperto ay maaring umabot sa pinakamataas na bilang na mahigit sa 30,000 kada araw.
Sa aking pananaw, sa loob ng mahigit na isang taong page-eksperimento ng IATF sa mga posibleng solusyon ay hindi pa rin nila talaga magagapi, o mapaliit man lang ang bilang ng mga na impeksyon sa bansa na umabot na sa dalawang milyon at may mahigit na 33,000 bilang ng namatay.
Hindi pa kasama diyan ang ibang mga kapalpakan ng IATF at mga balitang kurapsyon sa pagbili ng mga gamit laban sa COVID-19 ng DoH at DBM na sa tingin ko, at kapag napatunayan ng mga senador, ay ang pinakamalaking kasalanan sa sangkatauhan.
Isipin mo na lamang na ang mga taong pinagkatiwalaan mo ng pamamahala ng bansa ay siya mismong mga taong lalabag dito at ang pinakamasakit sa lahat ay mababalitaan mong pinagkakitaan ito ng iilang taong nasa poder ng kapangyarihan. Ang aking tinutukoy ay ang pagbili ng ng face shield ng gobyerno sa isang malaking supplier na diumano ay dikit sa Palasyo.
At sabi nga ng isang telemarketer; “And there’s more!”… Opo, ang mas pinakamasakit na maririnig nating lahat ay may karugtong pa pala ang ating kalbaryo na na tila ba iniinsulto na ang ating kamalayan ay nang malaman natin gumawa pa ng batas ang IATF para gawing mandatory ang pagsusuot ng face shield na galing pala sa supplier nila gayong batid nating lahat na tayo lamang pala sa buong planeta ang pinagsusuot nito sa publiko.
May kasabihan nga na malaking kasalanan po ang pagwawaldas sa kaban ng yaman. Higit na mas malaking kasalanan ang nakawin mo ito. Ngunit mas higit na malaking kasalanan ang ninakaw mo ang kaban ng yaman na gagamitin sana sa pagtugon sa laban natin sa pandemya dahil bukod sa nawalan na tayo ng salapi, nawalan pa tayo ng mga mahal sa buhay.
Sa kaso ng diumano’y anomalya sa overpriced procurement ng multi-milyung pisong halaga ng PPE ng Department of Health (DoH) at Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS) na idinaan sa Philippine International Trading Corporation (PITC) ay ipaubaya muna natin sa Senado.
Kung paano lilitaw ang korapsyon sa pagitan ng mga key players na sina Senador Bong Go at resigned DBM undersecretary Lloyd Christopher Lao ay masusi nating aabangan.
Dahil sa kakulangan ng gobyerno na ayusin ang response sa COVID-19 ay may malungkot na babala ng United Nations Development Program Philippines (UNDP PH) hinggil sa lumalalang kaso ng kahirapan sa bansa gawa ng sunud-sunod at tila hindi pinag-aralang lockdown sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Ayon kasi sa pag-aaral ng kaibigan nating si Francis Capistrano, dating reporter ng Businessworld at ngayon ay pinuno ng experimentations ng UNDP Philippines, nararamdaman na ng tatlo sa limang Pilipino ngayon pagbaba ng kanilang income o kita ngayong taon habang dinaranas natin ang pandemya na siyang na mas lalong nakakaapekto sa mahihirap nating kababayan.
Ang kanilang pag-aaral bunsod ng ikatlong bahagi ng COVID-19 Pulse PH na isinagawa ng UNDP PH at Zero Extreme Poverty 2030 na nagsasaad pa na ng mahihirap ay hindi na halos makabangon sa loob ng mahigit isang taong pagkalugmok sa lockdown, sakit at kawalang trabaho.
“The poor suffered a significant decline in their income in 2020 and they have barely recovered in 2021. Impact is broad-based, but with variations across localities, which require targeted action,” ayon pa kay Capistrano.
Wala nang natutuwa sa mga nangyayari ngayon dahil bukod kasi sa kawalan ng trabaho at pagsasara ng mga negosyo ay patuloy pa ring tumataas ang mga pangunahing bilihin. Higit na mas masakit ang nararamdaman ng middle class na siyang nakikibahagi sa mahihirap ng bulto ng mga nakatira sa mga lungsod dahil malaking bahagi ng kanilang kinikita ay nawawala na dala ng mataas na inflation rate.
Kung paanong ang mga pinagsamang hinanakit na ito ay makakaapekto sa 2022 ay hindi pa natin masyadong batid ngunit ang malinaw sa ngayon ay tumataas ang bilang ng mga taong nawawalan na ng pag-asa sa buhay.
“The writings are already on the wall.”
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]