UMIIKOT sa social media ang mensahe ng isang dating mataas na opisyal ng gobyerno.
Aniya, nakakaalarma ang pangagahasa sa kaban ng bayan (National Treasury).
“We are once again hurtling into the deep black hole we fell into before 1983, ang pambungad na sulat diumano ng isang dating Kalihim ng Pananalapi (Department of Finance) sa isang retiradong mahistrado ng Korte Suprema.
Dalawang dating Finance secretaries, isang retired SC justice: mga pinagpipitagang public luminaries na malawak ang karanasan sa pamahalaan ang hindi napapakali sa pamahalaang sa tingin nila ay tiwali.
Ito umano, ayon sa post, ang mga obserbasyon ng dating Finance Secretary Jess Estanislao:
“Some politicians are spending public money as if it grew on trees.
“The President has lost control over the budget process.
“The public deficit is rising at an alarming rate.
“Certain public officials are raiding GOCCs and GFIs, scooping up funds because Congress has diverted public money to fuel extravagant corruption. “I witnessed firsthand what happened to DBP before 1983- the immense effort and painful sacrifices it took to rehabilitate it, ” saad ni Estanislao.
Maraming kongresista ang hayok na nag-aagawan ng pondo na anila ay para sa high priority projects (flood control projects at infrastructure) habang naisantabi ang katulad na mahahalagang badyet para sa kalusugan, edukasayon, social service.
Flood control projects? Hindi natin kailangang maging rocket scentist, ika nga, para hindi malaman na ang malaking bahagi ng pondo dito ay napupunta lang sa bulsa ng mga mambabatas para ipambili ng boto sa darating na halalan.
Sinasalaula din umano sa ngayon ang Development Bank of the Philippines (DBP), ayon pa sa socmed post.
Undercapitalized o kulang na sa pondo at napilitan na umanong humingi ng saklolo ang DBP sa Bangko Sentral upang manatili itong mukhang maayos at gumagana.
Tinututulan din ng dating kalihim ang Maharlika Fund.
Isa umano itong estupidong ideya! (O di ba nga, ipupuhunan ang pera ng sambayanan para kumita pa at ano? Paano nga kung malugi ito? Kaninong accountability e risk nga?
Sa legal, kapag ang isang bagay ay tinatawag na “investment” it involves “risk”.
Isusugal ang multi-bilyong pisong halaga ng salapi ng bansa at taumbayan habang walang malinaw na guidelines tungkol sa accountability ng mga mangangasiwa ng naturang pondo sakaling maglaho ito na parang bula.
Sa karanasan, kahit nga may guidelines at parusa na nakasaad sa regulasyon ng pangangasiwa ng pondo, malalaking halaga mula sa kaban ng bansa ang hindi na nahabol pa! Hindi natin kalakasan ang magparusa ng tiwaling public official. Mas mapagpatawad tayo sa mga ito.
Sa pasalin-salin na administrasyon, nauubos lang lalo ang oras at public fund sa imbestigasyon lamang ng mga tiwali. Ilang senador ang inakusahan ng plunder at graft subalit ngayon ay nakaamba na namang tumakbo sa halalan. Na buong ka-istupiduhan na namang aayunan ng mga bobotante.
Maling pangangasiwa sa publikong pondo, mga di pinag-isipang national projects (flood control projects na ang iba ay nakasentro sa iilang lugar at hindi maayos na naipakalat sa totoong mga apektadong lugar, o pabor sa piling mga kaanib sa pulitika) at malawakang korupsyon.
Korupsyon, korupsyon. Nagnanaknak na korupsyon! Record holder sa buong mundo ang Pinas sa korupsyon. Subalit sa tuwing eleksyon, itong mga mangungulimbat na pulitiko pa rin ang ibinabalik natin sa poder.
Pinapaniwalaan natin paulit-ulit ang kanilang mga rehearsed speeches at pro-poor theatrical performances, mga lumang estilo na ni-repackaged upang magmukhang makamasa ang datingan. Hindi natin minamarkahan ang kanilang mga pagkakamali, ipinapalagay nating normal setup ang pagboto sa kanila dahil akala natin walang mababago, sinuman ang maupo.
Kaya nananatili ang pangit na political landscape ng bansa kasi may kontribusyon tayo sa panggagahasa ng kaban ng bayan. Conspirators tayo sa mahabang pananahimik sa harap ng di nauubos na katiwalian.
Panahon na para gumising! Bagamat paulit-ulit na lamang ang panawagang ganito, hindi uubrang sumuko at mapagod. Kolektibong palakasin ang mga boses laban sa iresponsableng mga mambabatas at public officials.
Anumang pagtindig laban sa mga kabuktutang ito ay dapat lahukan ng sinumang nagsasabing siya ay makabayang Pilipino!