DOBLE dagok ang sinapit ng isang sikat na pulitiko sa nagdaang mga buwan hindi lamang sa kanyang political career kundi higit sa kanyang pamilya.
Bago pa man mag-eleksyon, tinamaan ng matinding sakit ang misis ni Mr. Politician na ayon sa aking spotter ay nauwi sa stroke.
Iyun din malamang ang dahilan kung bakit naging maiinitin ang ulo ng ating bida na nauwi sa pagkadiskaril ng kanyang kampanya sa nakaraang halalan.
Kilalang mahusay na mambabatas ang pulitikong ito pero sa paglipas ng panahon ay tila kinain na rin ng kayabangan ang kanyang pag-iisip.
Mismong ang kanyang mga staff ang nakapansin na ang pagiging “zealous” na noon ay nakikita nilang magandang katangian ng ating bida ay nauwi na ngayon sa kahambugan.
Dumating sa puntong pakiwari ng politiko sa kanyang sarili ay siya na lamang ang laging tama kaya dapat siya lang ang laging nasusunod.
Sa kanyang mga huling buwan sa pwesto ay naging sunud-sunod ang pag-alis ng kanyang mga tauhan dahil sa masasakit na mga pananalita na binibitiwan ng ating bida sa kanyang staff.
May punto rin na ang simpleng paninita nito ay nauuwi na sa personal na panlalait sa kapasidad ng kanyang mga staff, ayon pa sa aking spotter.
Noong una ay kaya pa raw pagpasensyahan ng kanyang mga staff ang tantrums ni Sir dahil sa tingin nila ay stressed lamang ito sa sitwasyon ng kanyang may sakit na misis.
Pero hanggang sa nagtagal ay kanilang napansin na sobra na ang mga pananalitang pinapakawalan ni Mr. Politician.
Hanggang sa kampanya ay dala niya ang init ng ulo na naging problema maging ng mga nakasama niya sa entablado.
Dahil na rin siguro sa kanyang edad kaya tama lang na magretiro na sa pulitika ang ating bida na ilang beses ring naghangad na maging pangulo ng bansa.
No more clues dahil kilala na ninyo siya na isa sa may pinakamadaldal na bibig sa larangan ng pulitika sa bansa.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]