NANLILIMAHID sa maduming kalakaran at galawan ang Ninoy Aquino International Airport. Hindi lang basta mantsa sa imahe ng paliparan kundi isa na itong uri ng polusyon na kailangan ng rebolusyong moral.
Pilit man itong nililinis at pinapabango mula sa horror stories ng nakaraan, sumusulpot pa rin ang di mapuknat na pambabalahura sa gateway to the world ng Pipinas. At ang mismong mga salarin- mga kawani ng naturang ahensya.
Horror Stories
Sunod-sunod na aberya at mga kapalpakan ang naranasan ng mga pasahero sa NAIA.
Naging kontrobersyal ang Laglag-Bala o Tanim Bala scam noong 2015. Ang modus, kakapkapan ang isang pasahero at papatawan ng multa dahil may lilitaw na bala sa kanyang bagahe. Ang pobreng mananakay na ayaw mabimbin sa byahe at maabala, tatalima na lamamng sa multa na ipapataw sa kanya kahit ang bala ay itinanim lamang sa kanyang bagahe.Isa itong porma ng pangingikil o extortion ng mga security guard peronnel ng NAIA kasabwat ang ilang pang kawani.
Tatlumpung kaso ng pangingikil ang naiulat (na maaring higit pa dahil ang iba ay natakot magtiwala na magreport sa awtoridad) samantalang pinaghinalaan na may coverup sa insidente dahil limang kaso lamang ang naitala ng Manila International Airport Authority (MIAA), mismong tagapangasiwa ng paliparan.
Nagkaroon ng imbestigasyon at nakumpirma na isang scam ang kaganapan kung saan kabilang umano maging mga porters sa mga nasangkot. Karaniwang naging biktima ng naturang iskema ay mga OFWs at mga may edad na pasahero.
Pansamantalang nanahimik ang isyu hanggang muli itong mangyari noong 2018 sa kaso ng pasaherong si Kristine Bumanglag-Moran na nagreklamo tungkol sa modus. May 19 pang iba na naiulat kaugnay ng kaganapan, Todo tanggi man ang airport authority, mahirap silang pinaniwalaan ng publiko dahil sa dami ng katulad na reklamo.
Sino ang hindi makakaalala sa Pastillas Scam? Isa rin itong uri ng extortion na nauso sa NAIA bago ang pandemya. Umabot umano sa P40 bilyong kotong ang nalimas ng mga mastermind sa naturang scam. Aakalain ba natin na makakaisip ng ganitong galawan? Tinawag na pastillas scam dahil gaya ng tradisyunal na sweet rolled milk candy, ibinibilot ang pera at patagong inaabot sa mga bantay upang maluwag na maglabas-masok sa bansa ang foreign nationals na hinihinalang mga pugante sa kanilang sariling mga bansa. Kung sa kanilang mga bansa sila ay tinutugis at itinuturing na mga criminal, dito sa Pinas ay maluwag silang tinanggap at itinuring na mga turista at negosyante o investors. Bagong bihis na imahe para sa kanila all in the name of ”kotong.” Nakakagalit naman talaga!
Kahit na nakasuhan ang mga umano’y utak sa scam na mga 40 plus empleyado ng Bureau of Immigration (BID), ang iba ay nanatiling libre at tinatamasa ang katas ng salaping nakuha sa masamang paraan.
At ang latest na iskandalo, tungkol sa babaeng NAIA personnel na lumunok umano ng $300 na kanya umanong ninakaw sa isang dayuhang mananakay.
Ang nakakahiyang insidente na nakunan ng video, ay nakarating na sa buong mundo at iniulat din ng dayuhang media platforms at networks. Muling sumikat ang Pinas sa korapsyon kung saan nasa honor roll ito lagi.
Nagbabala ang pamunuan ng NAIA na magpapataw ng pinakamalupit na parusa sa mga salarin sa pangyayaring ito.
Palpak Kahit Kelan
Nanggagalaiti na ang mga mananakay sa mga scam sa NAIA, mas tumindi pa ito dahil sa sunod-sunod na kapalpakan.
Inulan ng reklamo ang NAIA unang araw pa lamang ng taong 2023 nang higit sa tatlong daang flights ang nagka-aberya na nagresulata sa delayed flights ng limmampu’t walong (58) libong pasaherong stranded ng ilang araw. Oo, araw ang dumaan at hindi lang oras. Imagine kung ikaw mismo ang nakaranas nito, ilang minutong delay lang ay tiyak na magwawala ka na sa inip at inis.
Ang dahilan ng aberya umano, lumang electrical system sa airport. Paulit-ulit pang pumalya ang kuryente pagkatapos ng insidenteng ito noong Bagong Taon. Dagdag na 40 flights ang nakansela at siyam (9) na libong pasahero ang na-stranded. Problema sa radar, configuration ng runways at navigation ang ilan pang inireklamo.
Ang brownout sa NAIA ay hindi simpleng pagkabimbin ng flights. Malaki ang tama nito sa OFWs, sa kanilang kontrata, sa empleyo at sa gobyerno dahil sa remittances na hindi maipadala.. Sa pangkalahatan, ang ripple effect nito sa pambansang ekonomiya. Ang halagang nawala sa rebenyu, ipinalagay sa kabuuang halagang 556 bilyong piso.
Sa mga nangyaring ito, may nagsabing sabotahe ang lahat upang lumikha ng senaryo na magbubunsod sa tuluyang pagsasapridado sa much-maligned na ahensya.
Hawak ng NAIA ang titulong isa sa worst na airports sa buong mundo. Korapsyon, scams, delayed flights, di makatuwirang transfer fees, wala sa lugar na security checks, offloads, brownouts.
Malaking hamon sa gobyernong kasalukuyan na gawing masinop ang NAIA. Masinop hindi lang sa pagpapatakbong pisikal ng ahensya kundi higit sa lahat, masinop sa values ng mga kawani nito. Habang tinutugunan ang kalidad at sistema ng paliparan upang maging komportable ang mga mananakay, ang ultimong misyon dapat ay linisin sa katiwalian ang ahensya. At hindi ito mangyayari sa simpleng pagtatanggal ng mga tiwaling empleyado. Kinakailangan ang tinatawag na moral revolution sa loob upang maging responsible at accountable ang bawat kawani mula sa mga pinuno hanggang mga pinakamababang posisyon.
Gateway o lagusan ang NAIA sa pagtahak ng ibat-’ibang lahing dumarating sa Pinas. Panatilihin ang malinis na imaheng ito sa pintuan pa lamang,. Hindi natin gugustuhing madismaya agad sila dahil sa polusyong moral sa ating paliparan.