DALAWANG beses nang tinangka ng mga miyembro ng minorya ng Manila City Council (MCC) na harangin ang pagkakaloob ng benepisyo para sa mga taga-Maynila na nangangailangan nito.
Una ay ang resolusyon na kinakailangan para maibigay ang pondong pantulong para sa may 2,000 pamilyang nasunugan sa Tondo nitong kelan lamang, kung saan naghintay tuloy nang matagal ang mga nawalan ng tahanan para lang matanggap ang tulong na iniabot nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo mula sa pamahalaang-lungsod.
Mabuti na lang at P10,000 ang ibinibigay kada pamilya at me mga kasama pang food boxes at iba pang relief items.
Ilang araw lang ang lumipas, ang pagpasa naman ng 2025 budget ng Maynila ang kanilang sinubukang harangin bagamat gaya ng una, hindi rin sila nagtagumpay.
Katwiran ng ilang taga-minorya na pupuwede ba daw ipasa ang budget sa loob ng isang araw? Aysus. sana lang inaalam nila kung ano ang mga puwede at hindi sa konseho, hindi ‘yung kuda lang nang kuda, na para bang paingayan ang laban o may ‘premyo’ para sa mga mag-iingay.
Kunsabagay, nang mag-reorganisa ang Konseho dahil sa pag-tumbling nila sa kabilang bakod at sila ay alisan ng mga komite, katawa-tawa na isa-isang nagpunta sa mikropono ang mga taga-minority para kuno mag-resign sa kanilang komite at sa partido.
Todo drama.
Eh inalis ka na nga tapos nagbibitiw ka? Di ba comedy?
Eto ngayon ang hamon ni City Administrator Bernardito Ang sa mga nasabing minority councilors :”feel free to question the budget anywhere you please.”
Ikinalungkot umano ni City Ad Bernie na sa ginagawang pagharang sa city budget ay lumalabas na hinaharang din ng minority councilors ang pagbibigay ng buwanang tulong-pinansiyal para sa senior citizens, solo parents, persons at minors with disability at university students, gayundin ng libreng serbisyong pangkalusugan sa lahat ng mga residente at maging ng benepisyo ng mga City Hall employees kawani ng pamahalaang-lungsod, na ilan lamang sa mga sakop ng 2025 budget.
Ipinaliwanag ni Ang na ang prosesong ginawa ng Manila City Council sa pagpasa ng nasabing budget ay “one hundred percent aboveboard” at alinsunod sa guidelines na ipinalabas ng Malacanang at maging ng Department of Budget and Managemen at sa katunaya ay ito rin aniya ang parehong proseso na ginamit ng Kongreso para maipasa ang 2025 Philippine budget sa House of Representatives, alinsunod sa atas ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. Naipasa din sa loob ng isang araw ang naturang budget.
Dahil nga ani city administrator Ang, ang pagpasa ng 2025 city budget ay “perfectly aboveboard,” siya ay lubhang duda sa motibo ng mga minority councilors sa pagkuwestiyon sa isang bagay na lehitimo at ligal naman.
Sa mga di nakakaalam, itong si City Ad Bernie Ang lang naman ang longest-serving City Councilor sa Maynila kaya naman ginawaran pa siya ng award ng Manila City Council.
Di lang siya nagsilbi bilang Konsehal sa ikatlong distrito ng Maynila sa loob ng ilang dekada kundi siya din ang may akda ng Tax Code ng Maynila.
Nag-ugat ang hamon ni City Ad Bernie matapos na ang Manila City Council, sa ilalim ng pamumuno ni Vice Mayor Yul Servo bilang concurrent Council Presiding Officer, ay nagsagawa ng session kung saan ang Committee on Appropriations sa pamumuno ni Councilor Numero ‘Uno’ Lim (2nd district) ay nag-move para sa pagpasa ng city budget na isinalang sa first, second at third reading nang araw na iyon.
Gaya ng inaasahan, hinarang ang nasabing budget at iginigiit ng mga minority councilors ang mas mahabang proseso, pero hindi sila nagwagi sa majority.
Habang naka-break ang sesyon, nagkaroon ng kaguluhan sa session hall at sa gitna ng pagpapalitan ng mga salita, itinulak ng isang taga-minorya ang isang taga-majority, sabay tago sa likod ng mga kakampi.
Paano na kung nasa majority ang mga ito? Kawawa ang Maynila.
Sa kanilang pamumulitika, ni hindi nila isinaalang-alang ang kapakanan ng mga nasunugan at mga sektor na mawawalan ng benepisyo, higit na ang mga senior citizens. In short, pansariling interes lang ang mahalaga sa kanila.
Ano ba talaga ang intensyon sa likod nito? Wag bigyan ng budget ang lungsod para walang magawang programa si Mayor Honey Lacuna?
Sa mga botante ng Maynila, alamin ninyo kung sino-sino ang mga konsehal na humaharang ng mga bepenisyong para sa inyo.
‘Wag nyo nang bigyan pa ng isang pagkakataon ang mga ito na gamitin ang konseho sa pamumulitika at pansariling interes lang.
***
DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.