KAILANG lang, mga tatlong linggo ang nakararaan, walang ginawa ang mga mambabatas natin kundi batikusin at balahurain ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Mula sa bintang na red-tagging at invasion of privacy galing sa mga senador, hanggang sa pagpatay ng mga katutubo at pag-hamlet ng mga secluded barangays na claims ng Makabayan block sa Mababang Kapulungan, ang paninira sa imahe ng mga opisyal sa NTF-ELCAC ay para bang naging adbokasiya ng Ilang mga lawmakewrs natin.
Subalit nitong nakaraang linggo, para bagang, biglang nahimasmasan ang mga senador sa bicameral committee hearing ng national budget ng sabihin nila na maganda naman pala ang ginagawa ng NTF-ELCAC.
Bakit? Ano ba ang nangyari at bigla yatang bumaliktad ang mga maiinit na mambabatas sa isyu ng pagtapyas ng budget ng ahensiya at pagkondena sa mga opisyal into?
Sa totoo lang po, inaaway ng mga senador ang NTF-ELCAC dahil sa pambubuyo ng Makabayan Bloc sa Lower House. Sa press release ng mga “progressive” na mga mambabatas, malagim at pawang “deadly military operations” lang ang ginagawa ng NTF-ELCAC operatives.
Akala ng mga mambabatas na komportableng nakaupo sa malamıg na opisina nila, yung sinasabi ng progressive bloc sa Kongreso ay ang popular issue na maaaring magbigay sa kanilang ng boto o pampapogi nila.
Madami kasi sa mga bumabatikos sa NTF-ELCAC ay mga reelectionist sa 2022 Elections. At sa isip ng mga ito, magandang isyu pampapogi ang NTF-ELCAC tulad ng nakagawian nila.
Sumabog ang katotohanan sa mga mukha nila ng mismong mga mayor at governors ng mga apektadong lugar sa NTF-ELCAC ang umalma at nagbanta laban sa mga politikong nagnanais na alisan ng budget ang NTF-ELCAC.
Dahil ang totoong ginagawa ng task force ay nakapaloob sa Barangay Development Program nila, na noong una ay binabalewala ng mga mambabatas na propaganda lamang daw ng militar.
Subalit iniharap ng mga local government officials ang mga nagawa ng BDP sa kanilang mga lugar kung saan ang dating hindi maabot na mga barangays ay nagkaroon ng kalsada, palengke, paaralan, tubig at kuryente dahil sa BDP ng NTF-ELCAC.
Pero hindi naman talaga yun ang nagpabago sa isip ng mga reelectionist na mga mambabatas.
Ang banta ng mga mayor at governor na kakampanya sila sa mga constituents nila na huwag iboto ang mga politiko na mag-aalis ng budget ng NTF-ELCAC ang bumuhos ng malamig na tubig sa init ng mga ito.