Mga dapat asahan sa papasok na 2022 (Part 1)

UNA sa lahat ay binabati ko ang ating mga tagatangkilik ng isang Masaganang Bagong Taon dahil na rin sa positibong tala ng ating ekonomiya sa kabila ng matamlay na unang quarter ng 2021 dala pa rin ng lockdown bunga ng Covid-19.

Masagana dahil sa naging mataas ang tala ng ating gross domestic product (GDP) nitong huling tatlong kwarto (quarter) na may 12 percent (2nd quarter) at 7.1 percent (3rd quarter). Inaasahan na mataas din ang growth rate ngayong 4th quarter bunsod ng mataas na consumer at business confidence ngunit wala pang malinaw na data ang ating mga economic manager kung gaano ito kalaki.

Ayon sa Asian Development Bank at iba pang financial institutions ang ekonomiya ng Pilipinas ay nasa steady growth path mula 2021 hanggang 2022, na sinuportahan ng pagbilis ng pagsisikap ng gobyerno ng vaccination program at mabilis na pagbagsak ng kaso ng COVID-19.

Ayon sa ADB, ekonomiya ng Pilipinas ay lalago ng 5.1% ngayong taon at inaasahang tataas sa 6.0% sa 2022. Ang 6.0% na projection ng ADB para sa 2022 ay mas mababa sa 7.3% na growth rate na inaasahan ng National Economic Development Authority (NEDA).

“The Philippine economy has shown impressive resilience,” ayon pa kay ADB Philippines Country Director Kelly Bird. “Growth momentum has clearly picked up on the back of the government’s vigorous drive to vaccinate Filipinos against the COVID-19 virus. Public spending on infrastructure and continued vaccination of the population will help the country further accelerate its recovery in 2022.”

Ang malawakang bakunahan ang nagtulak sa ating ekonomiya na dahan-dahang magsimula muli na siya namang nagpalakas ng consumer at business confidence. Sa kasalukuyan mahigit 48 milyong Pilipino na ang fully vaccinated, katumbas ito ng 44.4 % ng ating populasyon habang ang vaccination naman sa kabataan na edad 12-18 ay kasalukuyang ipinagpapatuloy.

Ayon sa Food and Drug Authority (FDA) nakatakda na ring bakunahan ang mga bata edad 5-11 ng mas mababang dose ng Pfizer sa darating na taon.

Kapag natuloy ito, malamang ay makamit na natin ang herd immunity laban sa Covid-19.

Covid-19 pandemic: Malinaw ang banta ng Omicron

Habang sinusulat ko ang pitak na ito, umabot na sa 889 kaso ang naitala ng DoH nito lamang Miyerkules (December 29) at dumoble ito sa 1,623 ngayong December 30. Kung tataas pa ang kaso sa mga susunod na mga araw ay atin yang babantayan.

Nangyari ang pagtaas ng kaso ng Covid nang ibinaba ang status sa Alert level 2 at sa kabila ng napipintong pagkalat ng Omicron variant sa buong mundo. Sa US nga lang umabot na sa halos kalahating milyon ang kasong naitala sa isang araw lamang mula nang pumasok ang impeksyon dala ng Omicron variant.

Sa ating bansa, mula nang ibinaba ang alert level status, halos hindi na magkamayaw ang publiko sa paggala sa mga malls, mga pasyalan, palengke at iba pang matataong lugar kaya muli na namang tumaas ang kaso ng Covid sa bansa.

Kasabay ng pag-akyat ng kaso ng Covid nitong mga huling araw ng taon ay senyales na ba na nasa bansa na ang Omicron o bunga lang ito ng kapabayaan sa pagpapatupad ng mga umiiral na protocol na itinakda ng pamahalaan? Sa ngayon pa lang kasi ay nagbabala na ang mga eksperto na kapag nagpatuloy ang pagtaas ng kaso sa bansa sa pagpasok ng mga unang buwan ng taon ay malamang na nakapasok na ang Omicron variant.

Bakit ko nasabi ito? Sa kabila ng paghihigpit natin na makapasok ang mga manlalakbay sa mga “Red” list na bansa, hindi natin isinara ang ating pintuan sa US na may pinakamataas na daily case na mahigit 400,000 o may mahigit 300,000 na average daily case sa loob lamang nitong linggong ito, at umabot na sa 3.3 milyon ang active na kaso mula pa noong December 16. Ang masamang balita ay kumalat na ang Omicron sa bansang ito.

Nito lang nakaraang araw, isang pasahero galing US at naka 7-day quarantine sa isang hotel sa Makati ang nagpositibo sa Covid-19 pero pinayagang makalabas at maki-party sa isang club sa Bgy. Poblacion sa nasabi ring lungsod kahit hindi pa tapos ang itinakdang quarantine sa kanya. Ang resulta, nakahawa siya ng mahigit sa 10 tao na dumalo rin sa nasabing party.

Dahil hindi kasama ang US sa ating “Red” list maraming pasahero galing sa bansang ito ang nakapasok sa Pilipinas. At dahil maluwag tayo sa mga pasahero galing US hindi malayo na mas marami pang carrier ng Omicron variant ang makapasok…at hindi rin malayo na magkakaroon na naman ng outbreak.

2022 national elections

Kapag tumaas ang kaso ng Covid-19 hanggang sa darating na halalan, ano na ang gagawin ng Comelec? Iyan ang isang malaking katanungan na bumabagabag sa ating mga kababayan ngayon dahil malapit nang matapos ang taon ay wala pa tayong naririnig sa Comelec hinggil sa magiging galaw o kilos ng halalan?

Ipo-postpone ba muna o itutuloy ang halalan kapag nagkaroon ng lockdown? Kung itutuloy ang halalan, paano ito isasagawa?

Iisa lang ang malinaw kapag natuloy ang halalan sa kabila ng lockdown gawa ng maraming kaso ng covid-19, liliit ang bilang ng mga botante na pupunta sa mga presinto. Kapag lumiit kasi ang bilang ng botante mas malaki ang tsansa na magkaroon ng isyu sa mandate ng mananalong kandidato at iyan ang dapat na pag-aralan ng pamahalaan hindi lamang ng Comelec upang magkaraoon tayo ng isang credible na halalan.

Ang isang senaryo na itinutulak ng mga eksperto sa eleksyon ay gawing hybrid ang halalan at isagawa ito sa loob ng dalawang araw sa halip na isang araw lamang upang lalong mas ma accommodate ang mga botante at maiwasan ang mahabang pila sa lugar ng botohan o polling precincts. Kasabay nito ay isasagawa ng gobyerno ang mga health protocols habang may eleksyon.

Ang isa pang senaryo ay kapag napatunayan na mahina ang epekto ng Omicron kasabay ng pagkamit natin ng herd immunity gawa ng malawakang immunization drive ay pwedeng matuloy ang eleksyon ng walang anumang sagabal.

Sa susunod: (part2) Climate Change, bagong gobyerno, inflation, industriya at agrikultura


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]