Mga dapat asahan sa pagpasok ng 2022 (Part 2)

MAGANDA na sana ang prospect ng Pilipinas ngayong taon lalung lalo na sa larangan ng ekonomiya, ngunit tila ba parang hinihila pa rin ang bansa pababa dala ng pagtaas muli ng mga kaso ng Covid-19, na kapag napabayaan ay maaaring magbunga muli ng panibagong lockdown.

Alam naman natin na kapag may lockdown ay sarado rin ang ating mga establisimyento at ang epekto nito ay tatamlay ang ating ekonomiya. Sa ngayon kasi ay biglang sumirit ang kaso ng Covid-19 na pinaniniwalaang galing na sa omicron variant.

Mabilis kumalat ang Omicron kaya’t ipinapayo ng mga eksperto na patatagin ang mga response ng mga local government units sa unang bugso pa lang ng kaso sa kanilang lugar at i implement kaagad ang granular lockdown upang maiwasan na kumalat pa ang virus at hindi na umabot pa sa mas malakihang lockdown at mapudpod ang ating healthcare system.

Alam naman nating lahat na ang matagal na lockdown ay magdudulot sa matamlay na kilos ng ating ekonomiya lalo na ngayong pang-11ang bansa natin sa lumalaking ekonomiya sa Asya at ikatlo sa Southeast Asia kung pagbabasehan ang taunang nominal gross domestic product (GDP) growth.

Ngunit katulad na tuluy- tuloy na pag-unlad ay may mga potensyal na sagka sa mga ito lalo na ngayong 2022 katulad ng mahabang lockdown, mas malalakas na bagyo dala ng climate change, mahinang performance ng agrikultura, unstable na sitwasyon sa pulitika at hindi sustainable na paglago ng industriya.

***

Malawakang epekto ng “Climate Crisis” sa bansa dapat paghandaan

Kung hindi pa sapat ang bagyong Yolanda para magising ang gobyerno at umaksyon sa mas malalakas at pabagu-bagong weather pattern, ipinangalandakan ni bagyong Odette na dapat na tayong magising sa katotohanan na totoo ang “climate crisis”.

Mismong ang United Nations Secretary-General na ang nagsabi na ang mundo ay dumaranas ngayon ng isang climate emergency at itinakda niya ang “code red for humanity” base na rin sa masinsinang pagsasaliksik ng libu-libong mga pantas at eksperto na bumubuo sa Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC).

Inaasahan natin na ngayong taon, ang Pilipinas ay makakatikim ng mas malakas na higit pa sa normal na bagyo ngayon taon na siyang makakaapekto sa ating GDP, tagtuyot sa ibang parte ng bansa, sea level rise, mga dagdag pasanin sa public health, at banta sa biodiversity at food security.

Bagamat hindi kalakihan ang kontribusyon ng bansa sa pagtaas ng carbon dioxide at iba pa ng greenhouse gases na siyang nagbubunsod para mapabilis ang climate change, malaking bagay dapat ang ituon ng pansin ng gobyerno at ng mamamayan kung paano natin babakahin ang mga epekto nito sa ating bansa.

Nito lang nagdaang 26th UN Climate Change Conference sa Glasgow, Scotland (COP26) may ilang makabuluhang climate action at mga plano ang naikasa tulad ng pag phase out sa coal bilang source ng enerhiya at suporta sa mga developing economies ngunit kulang pa ito para malampasan natin ang napipintong krisis sa klima.

Importante rin na ngayong eleksyon ay malaman natin sa mga kandidato ang kanilang commitment sa climate crisis at ang kanilang mga plataporma katulad halimbawa ng suporta sa pagtayo ng mga typhoon-resilient at earthquake-proof na mga kabahayan.

***

Eleksyon 2022 at ang bagong gobyerno

Speaking of 2022 elections, malaking katanungan pa rin ang bumabagabag sa ating lahat lalo na sa conduct ng eleksyon. Sa ngayon ay hindi pa natin nararamdaman masyado ang epekto ng darating na halalan ngunit habang papalapit na ito ay ine-expect na natin na mas agresibo na ang magiging galaw ng iilan lalo na pag malayo ang lamang ng nangungunang kandidato sa survey.

Paano nga ba magre-react ang mga liberal sa isang Marcos presidency (assuming na si Bongbong Marcos ang mananalo kung ang mga survey ang pagbabasehan)? Sa ngayon kasi wala pang mga hibla ng tunay na reaksyon sa ilang katunggali ni dating senador Marcos Jr. kundi ang mga laman ng saloobin nila sa social media at ang patung-patong disqualification case laban sa kanya sa Commission on Elections.

Ngunit sa kabila ng sandamakmak na banat kay Bongbong Marcos ay tila hindi naapektuhan ang kanyang standing bilang pangunahing presidential aspirant .

Kung si VP leni Robredo kasi ang lalabas na mananalo ay mukhang kakalma lang ang mga aktibo sa pulitika, ngunit kapag si Bongbong ang nanalo ay tila magiging “restive” ang ilang sektor lalo na yung mga lumaban sa administrasyon ng kanyang ama.

Ang senaryong ito ay ating mabusising mamatyagan at pag-aaralan sa mga susunod na araw.

***

Pagkontrol sa inflation at pagpapalawig sa industriya (manufacturing) at tulong sa agrikultura

Dahil patapos na ang administrasyon ni Pangulong Duterte na mayroon na lamang anim na buwan sa kanyang termino ay ibibigay na lang natin sa susunod na administrasyon ang baraha kung paano nito aayusin ang tumataas na inflation, ang suporta at plano sa pagpapalawig ng ating industriya (manufacturing) na tila nabansot gawa ng Covid-19, at ang plano paano palakasin pataasin ang agricultural production.

Sa kasalukuyan, bigo ang pamahalaan na kontrolin ang tumataas na inflation rate na siyang nagbubunsod ng matataas na halaga ng bilihin lalo na sa pagkain, gasoline, bayarin sa kuryente at iba pang pangunahing consumer products.

Mahalaga rin na maituloy ng susunod na administrasyon ang nasimulang nang Build, Build, Build dahil ang mga public infrastructure na natapos na at matatapos pa lamang ang siya namang magtutulak sa ilang lugar sa Pilipinas katulad ng mga nakapaligid sa Clark at Subic, Cebu at maging ang Southern Tagalog Region na magtayo ng mga industriya na kailangan sa paglago pa lalo ng ating GDP.

Ang mababang output ng ating agrikultura ang dapat ding tutukan at bigyan ng atensyon susunod na administrasyon lalo na sa tulong na kailangan ng maliliit na magsasaka na siyang bumubuo ng mahigit 70 porsiyento ng kabuuan ng sektor na ito.

Kailangan kasio maglaan ng pamahalaan ng sapat na pondo sa pagsasaka lalo na sa produksyon ng bigas na ang gobyerno din dapat ang bibili. Ayon kasi sa mga eksperto mas nalulugi ang maliliit na magsasaka na karamihan ay nasa sa subsitence farming dahil bukod sa kulang ang ayuda galing sa pamahalaan ay binabarat pa sila ng mga trader ng bigas.

Ang mga trader ng bigas, ayon sa mag nagsasaliksik ng data sa agrikultura, ang siyang pangunahing dahilan kung bakit mataas ang bentahan ng bigas sa merkado. Kapag na break ng gobyerno ang cycle na ito at muling paganahin ang mga ahensya na tutulong sa kanila ay tataas na muli ang produksyon ng palay at mako kontrol ang presyo ng bigas.

Ang mga prediskyon naman ngayon taon na naka base naman sa mga hula ay ipapaubaya ko na lang sa mga geomancer at nagbabasa ng mga baraha.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]