Meralco: another 25 years of monopoly, magigisa na naman tayo sa sariling mantika

GOOD news daw ang pagbaba ng electricity rate ng halos P0.22 per kilowatt hour pagpasok ng 2025.  Natuwa ba kayo?

Sort of thanksgiving ba ito ng Meralco after ma-renew ng walang kahirap-hirap ang prangkisa ng naturang giant utility sa Kongreso noong Nobyembre 2024 for another 25 years habang nangangako ito sa Senado na aayusin ang serbisyo sa konsyumer gaya ng pagpapaba ng singil, lalo na sa mga konsyumer na nasa laylayan ng lipunan o tinatawag na lifeline consumers.

At first glance, good news nga ito.  

Yung makatipid ka ng halagang 0.22 sentimo kada kilowatt hour na konsumo ay aabot din sa mahigit P100. Malaking tulong sa lumalalang hirap ng buhay dahil pambili rin ito ng tatlong kilong bigas.

Suportado ng ilang business groups, at mga mambabatas ang franchise renewal.

As a consumer advocate, welcome news lagi ang mga balitang may kinalaman sa pagpapagaan ng pasanin ng konsyumers.

Subalit bago magbunyi, magsiyasat.

Sa matagal na panahon, monopolyado ang sektor ng kuryente.

Wala raw kasing kakayanan ang small players (small independent power producers o IPPs) na tugunan ang pangangailangan ng kuryente. Tanging higanteng kompanya ng Meralco ang may kapasidad sa suplay, given na malawak ang makinarya at karanasan nito as a generation  and distribution company.

Ang masama sa malawak na kakayanan na ito ay nagreresulta naman sa pang-aabuso sa kapasidad. Dahil kubkob nito ang industriya, sa mahabang panahon ay ito lamang ang nagdidikta sa presyo ng suplay. Never mind kung may regulatory agency tayo. For a long time, hindi natin naramdaman ang proteksyon ng naturag ahensya sa konsyumers.

Dahil maging maliliit na IPPs ay hindi binibigyan ng lugar para sa kompetisyon sa negosyo, ang singil sa kuryente ay naipako sa pangatlong pinakamataas sa buong Asya, at pang-lima naman sa buong mundo.

Ang pagkakaroon ng pribilihiyo sa prangkisa ay isang di pangkaraniwang  responsibilidad. Ibinabalik dapat sa taumbayan ang tiwala na pagkatiwalaan ng ganoong kalaking pribilihiyo.

For “public interest” ang dahilan kung bakit nakakakuha ng prangkisa. Therefore, hindi dapat taliwas sa “public interest” ang anumang serbisyo ng mapalad na nagkaka-prangkisa sa ganitong klase ng tubong-lugaw na negosyo.

At tila nga bilang pasasalamat, buong pagbubunyi ng public information ng Meralco ang pagtapyas ng 0.22 percent sa buwanang bill sa kuryente. For once, nagpapakabayani kuno si Meralco by giving back “crumbs” gayong milyon-milyong halaga ng overcharges ang hanggang ngayon ay hinahanap pa ng nagantsong electric  konsyumers.

While the decrease in bill charges is  good news, aware tayo sa taas-baba cycle ng electric bill sa nakaraang mga buwan, o taon.  Can we still believe Meralco’s change of heart daw for consumers? Prove me wrong in my cynicism dahil mas matutuwa marahil ang konsyumers kung:

1. Lahat ng refund sa nakaraang mga taon ay malinaw na maibalik maging pinakamaliit na sentimo.

2. Mapag-aralang masusi ng Energy Regulatory Commission ang mga overcharges sa lahat ng charges sa Meralco bill.

3. Sikapin na mas dapat mababa ang singil sa residential kaysa sa commercial dahil ang commercial clients ay may kinikita, samantalang ang residential clients ay mostly average income earners lamang o unemployed pa nga.

4. Better regulation ng ERC sa return of Investments (ROI) at capital expenditures (capex) ng distribution utilities (Dus). Bilang franchisee, may kaakibat na obligasyon si Meralco to have an ROI  within the 12 percent ceiling based on a Supreme Court  ruling.

Ang nangyayari, sa tantiya ng mga analysts, umaabot sa higit sa 12 percent ang ROI ni Meralco. Remember, ipinangalandakan  ang higit sa 40 bilyon na dividends na kinita ng kompanya sa nakalipas na mga taon.

5.  Sa usapin ng capex, busisihin kung dapat din bang payagan ng ERC ang Meralco to make profits (even perpetually) on the assets that were financed by consumer deposits? Matagal nang usapin ito, at laging ang depensa ng Meralco in the past ay hindi nila ginagamit ang consumer deposits sa kanilang kapitalisasyon. Naniniwala ba kayo?

6.  On systems loss, dapat maliwanag ang  computation  na 8.5 percent lamang ang charges dapat sa systems loss. Oo, sumuko na tayo sa usaping ito. Nasa EPIRA kasi na kasama sa charges ang systems loss na ipinapasa sa konsyumers. Yung argumentong”bakit konsyumers ang pumapasan sa lugi ni Meralco” ay moot and academic na. Kasi nga mi batas na nagma mandato dito.

Ang masama pa dito sa systems loss, iyong ERC resolution noong 2011 kung saan nire-require lamang ang Dus to submit to ERC ng sworn statement sa  resulta ng kanilang annual systems loss. Walang validation para sa isang napakahalagang charges sa consumers! (Sana marebyu at marepaso na rin ito).

 7.  Stranded costs. Ito yung naka-downtime ang planta pero mi downtime allowance pa rin na nakakarga sa ating mga bills. Hindi ba dapat bayaran lamang sila sa panahong aktuwal na gumagana ang planta at hindi sa panahong ito ay under maintenance?

Hanggang may pakiramdam na nagugulangan ang konsyumers, walang dapat ipagbunyi sa pagbaba minsan  ngunit mas madalas na pagtaas sa singil sa kuryente.

Dahil ang pinakamalungkot na trahedya sa buhay nating konsyumers ay igisa tayo sa sariling mantika.