NAKAKARANAS ka na ba ng ganitong sitwasyon kung saan sanay na sanay ka naman mag-handle ng stress level mo, pero nung tinamaan na ang weakness mo, bibigay ka?
Yung naba-blanko na utak mo at wala ka nang pakialam kung ano sasabihin ng mga tao sa iyo? Yes, ang tawag dyan ay “mental breakdown.”
Ang pakiramdam nito ay hindi ka makatulog, walang ganang kumain, hindi makapag-isip nang maayos, at laging nag-aalala sa mga nangyayari sa pamilya mo. Worse, makakaramdam ka ng hindi maintindihang chest pains or yung pakiwari mo ay sandaling tumitigil ang tibok ng puso mo, or nagpapalpitate ka hindi dahil sa kape. Hindi ko na rin mairerelate lahat ng iba pang symptoms sapagkat ang mga sinasabi ko ngayon ay base sa nararanasan ko ngayon.
Kung ang katulad ko ay nakakaranas nito, samantalang nalayo lamang ako ng dalawang linggo dahil sa tuluy-tuloy na trabaho, papaano na kaya ang ating mga mahal sa buhay na nagtratrabaho sa abroad?
Narito ang mga maaring “coping mechanism” na kung may mga nagsisimula nang symptoms ay maaaring gawin, habang kaya pa:
- Learning to say no; admission na hindi mo na kaya
Umamin na hindi mo na muna kaya sa ngayon. Narealize ko na pwede pala ako magsabing “hindi ko muna kaya sa ngayon ang iyong pinapagawa, pwedeng ipagpaliban ko muna?” or “pasensya ka na, hindi lang kayang mag-function ng utak ko ngayon, can we do this the next day?
Learning to say “no” or “hindi muna kakayanin” means you are now putting a boundary to stop from progressing your breakdown at ipaunawa sa iyong kausap na ikaw ay may pinagdadaanan temporarily. Be honest, at huwag mahihiyang umamin ng iyong “temporary weakness.”
- Humingi ng tulong
Huwag natin akuin ang lahat ng dapat, hindi madali maging problem solver, or maging “takbuhan ng lahat.” Kung may kapamilya kang palagi kang ginagawang “shock absorber”, maari ka rin magsabi sa kanila na hindi mo muna kayang ihandle at huwag ma-guilty. Hindi lang ikaw ang may responsibilidad na ayusin ang sitwasyon ng pamilya mo.
- Kailangan ng “mental break”
Kung overwhelming na ang trabaho at nagsasabay pa ang temporary crisis sa personal life, take a deep breath at magdesisyon kang bumitaw saglit. Parang signage mo sa isang pinto pag kailangang inotify na “break” muna. Ganun rin ang utak natin. Mahirap maapektuhan ang pokus sa trabaho kung magsasabay ang personal na krisis.
- Cry
Iiyak mo lang sa pinagkakatiwalaang tao na maaaring makaunawa sa iyo. Maaaring humingi ng suporta sa pamilya, asawa o partner. Minsan, hindi natin kaya na mag-isa lang ang ating pinagdadaanan at kailangan din natin makarinig ng mga salitang “nandito lang ako” or “let me help you on this.”
- Pray
Short prayers “Lord, I need help” o di kaya “kayo na po bahala Panginoon” gives us a break and a mental note na may Diyos pa rin na maaring tumulong sa atin. Subukan mo lang, pagkasabi mo ng phrase na yan, mararamdaman mo ang presensyang magpapakalma talaga sa iyo.
Sa panahong napakabilis ng lahat, nakakapagod isipin na araw-araw na pakikibaka mo sa buhay ay kailangan maging matatag ka. Ngunit gaya nga ng iba, kahit nga sa mga kathang isip na mga akda, may panahon na manghihina ka rin. Therefore, kailangan magpahinga at magpalakas. Rest ka muna bes, deserve mo yan.
Kung kailangan na rin ng medical intervention, maari kayong kumontak sa National Center for Mental Health (NCMH) Crisis Hotlines – 1553 (nationwide and toll-free landline), 0966-351-4518 (Globe/TM), 0917-899-8727 (Globe/TM), or 0908-639-2672 (Smart/Sun/TNT).
Until our next column.