Medical apartheid

NAKAPANGINGILABOT at nakalulungkot talaga ang epekto ng covid pandemic sa kaisipan at asal ng tao at ng mga gobyerno ngayon.

Survival of the fittest ang bottomline ng mga patakarang ipinatutupad o binabalak ipatupad sa iba-ibang bansa kasama na ang Pilipinas ngayong COVID-19 pandemic.

Sa simpleng salita – discrimination.

Sa mas political na pananaw – apartheid – sistemang ipinatutupad noong 1948 hanggang 1994 sa South Africa.

Batas ito na kumbaga sa damit kapag ikaw ay naglalaba, pinaghihiwalay ang puti sa de color ang mga tao. Racial segregation. Saklap.

Malalim, masalimuot at kumplikado.

Pero dahil puma-pattern sa ilang bansa ngayon na ihiwalay sa pamumuhay ng tao ang bakunado sa hindi bakunado, binansagan itong medical apartheid.

Big, horrifying at strategic sounding term ang medical apartheid pero gusto marahil ng mga nagbuo ng salitang ito na bigyan ng diin ang unti-unting institusyunalisasyon o pagsasabatas ng diskriminasyon sa healthcare ng madlang pipol.

Nito lang Sabado, September 25, 2021, sinalubong ng demonstrasyon ang “corona pass” na sinimulang ipatupad sa Netherlands.

Compulsary na ipakita ng isang bakunado ang “corona pass” kung gusto niyang magwalwal sa bars, lumantak sa restaurants, o pumasok sa sinehan at iba pang venues.

Pagdating ng Lunes, September 27, binalandra ng truck drivers ang kanilang mga sasakyan sa gitna ng mga highway sa Italy.

Inaalmahan nila ang implementasyon sa isang buwan ng Green Certificate o Covid Green Pass na may parusang multa sa mga magpapasaway..

Nakadetalye sa “Covid pass” o “green pass” kung ang isang tao ay nabakunahan, covid negative o recovered na. Pwedeng digital o papel ang format.

Ngayon lang nangyari ito mula nung Mussolini era at Italy ang unang bansang gagawa nito sa Europe.

Pero may dadaig ba sa ilang Pinoy na malikot ang imahinasyon?

Alam natin ang stigmatism at discrimination ay nangyayari sa medical frontliners.

Mas lumevel-up lang ang medical apartheid dahil gusto na nitong hatiin ang populasyon sa bakunado at hindi bakunado,

Noong July 6, 2021, sinimulan nang markahan ng Mandaluyong City ang mga bahay at establishments na may bakunado.

Dinidikitan nila ito ng sticker na may nakasulat na “Relax We’re Vaxed”

Mawawarningan ka nga naman kung tutuloy ka sa kapitbahay na hindi markado para makikipagtsismisan pero libre naman ang virus.

Depensa ng isang Jimmy Isidro, hepe ng Public Information Office ng Mandaluyong, hindi diskriminasyon ang campaign dahil walang ibinibigay na premyo sa mga nabakunahan na lalagyan ng sticker ang bahay.

Kelan naman naging discrimination ang incentive sa mga nabakunahan? Panalo sa IQ.

July 23, pinalutang sa ere ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, ang ideyang travel bubble.

Ito yung merong bus para sa bakunado at hiwalay na bus para sa hindi bakunado. Meron pang hiwalay na lane. Sabaw ang utak.

Aprub ito sa provincial bus operators sabay hirit na dagdagan ang 50% passenger load nila at gawing 70% hanggang 80% capacity.

Mas lalong sabaw ang utak at ganid pa.

Tapos noong September 20, inepal ng isang DILG Undersecretary Martin Diño ang vaccination o vax cards na susuuting parang company o school ID pag nasa labas ng bahay.

Ipu-push daw ito ni Diño bilang dagdag na health protocol sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Ang gagaling.

Hindi science ang basehan ng mga ideya.

Kahit bakunado ka na, pwede ka pa ring magka-covid at mamatay.

Hindi kasalanan ng unvaccinated kung inunahan sila ng PSG, mga pulitiko at celebrity sa pagpapabakuna.

Hindi kasalanan ng mga hindi bakunado kung hindi sila priority.

Hindi kasalanan ng unvaccinated kung kapos o walang supply ng bakuna.

Hindi kasalanan ng unvaxed kung pumipili sila ng bakuna dahil galit sila sa China.

Hindi rin kasalanan ng mga bakunado kung natatakot sila dahil mangmang na nga, sabog pa ang sistema ng gobyerno sa pandemic management.

Hindi kasalanan ng unvaccinated kung palpak ang testing at palpak ang contact-tracing ng palpak na si Duterte.

Higit sa lahat, pabor sa mga negosyo at kapitalista ang lahat ng mga suggestion na discriminatory.

May hibo nga ba ng medical apartheid o exaj at alarmista lang?


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]