MAY solusyon nga ba ang problema ng pagbaha dito sa ating bansa?
Tila palala nang palala ang sitwasyon tuwing umuulan, mahina man o malakas.
Nung ibinandera ni Pangulong Ferdinand Marcos, Junior ang mahigit sa 5,500 flood control projects ng kanyang administrasyon, tila ‘di niya alam na mga small-scale flooding initiatives lang pala ang mga ito, gaya ng dredging projects o paghuhukay.
Nakatutulong naman ang dredging, ngunit hindi ito ang sagot sa problema sa pagbaha sa malaking bahagi ng Metro Manila at sa mga lalawigan.
Tandaan natin na bilyon-bilyong piso ang inilalaan na pondo taun-taon para sa flood control project ng Department of Public Works and Highways.
Nagagawa nga ba ng DPWH ang trabaho nito? O ito yung tinatawag na band-aid solution para masabi na may nagawa sila?
Ayon sa DPWH, baka mas malala pa ang naranasan nating pagbaha kung wala ang flood control projects. Tama naman ito.
Pero, hindi ako satisfied sa ganitong reasoning. Napakababaw na dahilan ito.
Mula 2009, nasa P1.2 Trillion na ang nagastos para sa flood control project, pero problema pa rin ang baha.
Panahon na para pag-aralang muli ng mga ahensiyang involved kung tama nga ba ang kanilang ginagawang approach para mabawasan man lang ang problema sa baha.
Maraming matatalino sa mga ahensiyang DPWH, Department of Interior and Local Government, at Department of Environment and Natural Resources. Kasama rito ang mga local government units.
Maaari ring humingi ng inputs mula sa mga pribadong ahensiya. Sa totoo lang, marami nang suggestions mula sa mga architects, engineers, at iba pang experts ngunit may nakikinig kaya sa mga suggestion nila? Binabalewala lang kaya dahil ayaw masapawan ang ideya ng mga taong gobyerno?
Sana naman ay hindi.
Hindi rin katanggap-tanggap ang rason na hindi lang Pilipinas ang binabaha. Maging ang mga progresibong bansa, mga first world country, ay binabaha rin.
Panahon na para maging agresibo an gating gobyerno sa pag resolba sa problema sa basura, drainage system, reforestation, at higit sa lahat ang pag-aralan ang pagtatayo ng mga dam na hindi maapektuhan ang ating mga kapatid na indigenous people.
Kumbaga sa English, sa budget na P977.5 Billion para sa 2025, I expect nothing less from the government agencies concerned.
Maging handa na tayo sa mas malalang sitwasyon dahil, bukod sa panahon na ng tag-ulan, nariyan pa ang malalakas na bagyo, may La Nina pa na magdadala ng mas maraming ulan.