“WHAT the world needs now is real action.”
Ito ang mariing iginiit ng United Nations Intergovernmental Panel on Climate Change (UNIPCC) sa inilabas nitong report ngayong buwan tungkol sa tunay na kalagayan ng daigdig na kasalukuyan ngayong dumaranas ng pagtaas ng temperature na hindi pangkaraniwan.
Umabot na sa 1.1 degrees Celsius ngayong 2021 ang itinaas ng temperatura ng daigdig sa loob lamang ng isang siglo at pinangangambahan ng mga siyentipiko na nagsasagawa ng pag-aaral sa klima at ang mga pagtaas nito sa 1.5 degrees Celsius ay maaaring dumating sa 2030 sa halip na 2040.
Noong Agosto 3 ay inilabas ng UN IPCC ang isang malawakang pagsusuri sa nakapanlulumong kalagayan ng ating daigdig na sa ngayon ay dumaranas ng mga malawakang forest fire sa iba’t ibang panig ng mundo, tagtuyot at sobrang pag-ulan sa ibang lugar at pagtaas ng antas ng karagatan.
Lahat ng mga kaganapan na ito ay bunsod na rin nang patuloy na pagtaas ng temperatura sa hangin, lupa at karagatan na ayon sa mga pantas ay hindi na maibabalik sa dati nitong timpla “for centuries to millennia.”
Ang UN IPCC Report ang pinaka komprehensibong pagtataya sa kalagayan ng daigdig mula 2013 at mas maraming ebidensya at mga kaso na magpapatunay na ang lahat ng ito (global warming) ay gawa ng tao at hindi mapasusubalian.
Ayon pa sa ulat, ang climate change ay mas sumisidhi, at tumatama sa ating kapaligiran ng mas mabilis at malakas sa lahat ng rehiyon sa mundo.
Sa pagtataya ng mga eksperto, ang ating bansa na tinamaan ng bagyong Ondoy at Yolanda ay malamang na higit na makararanas ng mas maraming ulan na siyang magdudulot ng malawakang pagbaha at mas malalakas na bagyo.
Nakapanlulumo dahil iniaasa na lang natin sa gobyerno ang kahihinatnan ng ating kinabukasan at kinabukasan ng ating mga anak. Ano na lang ang mangyayari kung magpapatuloy ang pagtaas ng temperatura sa 2030?
Ayon sa UN report, hindi na maibabalik ito maliban kung mas paiigtingin ng mga gobyerno sa buong mundo ang mga pamamaraan para mapababa ang temperatura. Mas mainit, mas delikado lalo pa at dumaranas tayong lahat ng kawalan ng katiyakan gawa ng pandemya na dulot ng COVID-19.
May paraan pa naman daw; at iyon, ayon sa UN, ay kailangan ng malakas, mabilis at pagpapanatili ng pagbawas ng greenhouse gas emissions na ibinubuga ng mga pabrika, sasakyan, at iba pang gawain ng tao na nakakadagdag sa pagdami ng carbon dioxide.
Itinatag ang The IPCC noong 1980 ng libu-libong siyentipiko na kinabibilangan ng 195 na bansa at ang pinakahuling report na ito na galing sa mga masinsinang sinuri na pananaliksik, at mahigit na 230 may-akda (authors) ang magtatakda kung ano ang kahahantungan ng ating planeta mula ngayon hanggang 2030.
Sa ating parte bilang Pilipino, alalahanin nating mayroon tayong deadline at kailangang kumbinsihin ng ating pamahalaan na ilatag ang kanilang plano at aksyon na gagawin hanggang 2030.
Ang pagtatasa (assessment) ay inilabas ng UN tatlong buwan bago magkita-kita ang mga lider ng bawat bansa sa isang pinakamalaking pagtitipon mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 12 sa Glasgow, Scotland para sa 2021 UN Climate Change Conference.
Ang malawakang pandaigdigang ugnayan na ito ay magkakaroon ng mga diskusyon at tutukuyin ang mga bansang malalaki ang carbon footprint at magtatakda sila ng mga ambisyosong target para mapababa ang carbon emission sa 2030 gamit ang nasabing UN report at ang kaakibat na mga pananaliksik.
Ang buod kasi ng report ng UN na ang greenhouse gas emission na gawa ng tao ay nagpabilis sa global warming na hindi pa naitala sa kasaysayan mula 2,000 taon na ang nakararaan. Nakasaad sa report na ang pagtaas sa 1.1 degrees Celsius warming ay nagsimula noong 1850-1900 (kasagsagan ng industriyalisasyon sa West) at patuloy pa rin hanggang ngayon.
Ang warning sa atin na aabot ito hanggang sa 2 degrees Celsius bago matapos ang siglo ay hindi na maibabalik at ang mga nagyayaring wildfire sa Turkey, Italy, Greece, US at Russia, at ang mabilis na pagkalusaw ng mga polar ice sheets at glaciers ay ilan lang sa mapait na katotohanan.
Ayon kasi sa mga climate scientists itinakda ng mga negosyador ang pamantayan sa Copenhagen noong 2009 sa 2 degrees Celsius ngunit mukhang hindi na ito ang isinasaad base sa dagdag na pag-aaral kaya’t dapat nang pilitin na maabot ang pagbaba ng temperatura bago matapos ang 2030 gawa na rin ng mga “extreme weather events” na nangyayari ngayon sa iba’t ibang panig ng mundo.
“It is virtually certain that hot extremes (including heat waves) have become more frequent and more intense across most land regions since the 1950s, while cold extremes (including cold waves) have become less frequent and less severe,” ayon sa mga may-akda ng report na nagdedetalye ng pagtaas ng temperatura sa karagatan, mga heatwave, coastal flooding, tagtuyot at malalakas na pag-ulan.
The report also details how the increasing ocean and surface temperatures will cause myriad physical changes in climate — including drought, heat waves, heavy rainfall and coastal flooding — in different regions of the planet.
Kaya’t ngayon pa lang ay dapat nang ihanda ng bansa ang mga ilalatag nitong sariling pag-aaral at mga plano lalo na sa siyensya ng climate change, kahinaan at socio-economic impact at mga pamamaraan para maibsan o mapagaan ang epekto nito sa ating bansa.
Ang huling tanong ay kung handa na ba tayo?