Math blues

“WHAT is a number line?”

Tanong ng titser namin sa Math. E ‘di siyempre sabay-sabay halos na nagbukas ng bag para kunin ang notebook.

Pero huli na para sa akin, dahil narinig ko ang tawag ni titser, “Gloria!”

Patay! E hindi ko pa nga kabisado, katuturo pa lang niya noong last meeting at hindi ko pa nabubuksan ang notebook ko.

At kahit buksan ko naman ang notebook ko, wala akong mababasa dahil hindi ako nagsulat noon.

Tumayo pa rin ako na parang handang sumagot, habang nasa isip na sana ang naging tanong na lang ni Ma’m: “Ano ang tawag sa mahabang linya na tinutuntungan ng taya sa patintero?”

Madali lang sagutin ‘yun: “Patotot!”

Pero hindi iyon ang tanong ni Ma’am at mahigpit na ang hawak niya sa kanyang meter stick habang nagtititigan kami.


Maya-maya may mabait akong kaklase sa unahang row, dahan-dahan niyang itinayo ang kanyang notebook na kunwari ay nagbabasa pero ang totoo no’n na-sense niyang hindi ko kabisado ang depinisyon ng number line at pinakitaan niya ako ng ‘kodigo.’

‘E ‘di sumagot ako habang taas-baba ang ulo na binabasa ang notebook ni klasmeyt… “a number line is… a picture of a graduated straight line… that serves as abstraction for real numbers, denoted by…”



Hindi pa ako natatapos sa sagot ko, nakita ko papalapit na sa akin si Ma’am, dala ang meter stick. Kitang-kita sa mata niya na alam niyang binabasa ko ang notebook ni klasmeyt na nasa unahan ko.



Habang tinititigan si Ma’am, sinasabi ko sa isip ko: “Huwag ma’am, huwag mong itutuktok sa ulo ko ang meter stick (ganoon kasi ang ginagawa ni titser sa ibang estudyante) magkakapahiyaan tayo.”



Mukhang nababasa ni Ma’am ng sinasabi ko sa isip… pero patuloy pa rin siya sa paglapit sa akin, kaya inihahanda ko na ang sarili, kung paano sasalagin ang kanyang meter stick.



Pero hindi pala ako ang target ng kanyang meter stick, ang tinuktukan niya sa ulo ‘yung kaklase kong nagbukas ng notebook.


Aray! Siyempre courtesy by Goya ‘yan. First year high school kami noon, ilang taon pa bago maganap ang iba pang kuwento kung paano nagiging ‘collateral damage’ ang mga kaklaseng katabi ko o malapit sa akin tuwing ‘nakatutuwaan’ ako ng titser.


Naawa ako kay klasmeyt, at napahiya sa sarili ko. Nakita ko kasi naiiyak siya at lihim na pinupunasan ng panyo ang kanyang mga mata na tila napuwing.

Masakit ang tuktok ng meter stick sa ulo bukod pa sa nakahihiyang matuktukan ni titser.


Hindi ako pinagalitan ni titser, hindi rin niya pinagalitan si klasmeyt. Pero mula noon, hindi na nangangahas si klasmeyt na magbukas ng notebook kapag nagre-recite ako.


Inaamin ko, ‘waterloo’ ko ang Mathematics, pero hindi ko akalain na kay titser ako makakukuha ng line of 7 (as in 77 – palakol!) sa buong panahon ng aking pag-aaral.


Noon ako nagduda sa sarili ko, maitawid ko kaya ang pag-aaral ko sa high school kung pahirap nang pahirap ang Mathematics?!


Pero nakabalanse ako dahil nakakuha ako ng 81, sa 2nd grading at 85 at 85 pa sa 3rd and 4th grading.


Estrikto si titser (‘e wala namang titser sa Math na hindi estrikto) kaya siguro natuto akong pumasok na laging handa sa subject niya.


Hanggang manahimik ang kanyang ‘meter stick’ at nanatili na lamang sa kanyang table. Hindi na ginagamit para ipangtuktok sa kanyang mga estudyante.


Nagpasalamat ako na sa kabila ng karanasang iyon, hindi nasayaran ng meter stick ni titser ang ulo ko.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]