Masisikmura ba ng DDS na iboto si Imee?

SA kabila ng pambobola ni Senator Imee Marcos sa pamilyang Duterte, magagawa bang sundin ng libu-libong DDS ang panawagan ni Vice President Sara Duterte na suportahan at iboto ang senadora sa darating na eleksyon?

Sa ngayon, napakahirap at napakabigat sa mga DDS na tanggapin ang ginawang endorsement ni Sara kay Imee. Mahal na mahal ng mga DDS si Sara, pero hindi maikakaila na kapatid pa rin ni Imee si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na responsable kung bakit nakakulong ngayon sa The Hague si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.

Bukong-buko ang mga ‘paikot’ ni Imee tulad na lang ng imbestigasyong ipinatawag sa Senado na tanging layunin ay makumbinsi at mapaniwala ang mga DDS sa kanyang pagmamahal at pagmamalasakit kay Digong.

Sabi nga ni Senator Chiz Escudero… “I urge Senator Imee Marcos to refrain from using the Senate as a platform for her personal political objectives!”

At hindi pa ba sapat ang pangyayaring mismong si Imee ang kumumbinsi kay Sara na tumakbo na lang bilang vice president na nagresulta para ang kanyang kapatid na si Bongbong ay maging pangulo ng Pilipinas.

Dahil sa pangyayari, galit na galit si Digong lalu na ang mga DDS dahil sa ‘nabudol’ sila ni Imee at naglaho ang posisyong pangulo na nakalaan sana para kay Sara.

At ngayon, sa panahon ng eleksyon, ang endorsement ni Sara ay tiyak na sasamantalahin ni Imee para lubusang makuha ang boto ng mga DDS dahil sa naghihingalo nitong kandidatura.

Marami naman ang nagsasabing ang hakbang ni Sara ay para sa sariling survival dahil sa susunod na Hunyo, sasalang na ang bise presidente sa impeachment trial sa Senado at kinakailangan makakuha ito ng walong boto para maabsuwelto.

Kaya nga, kahit na labag sa kalooban ni Sara, obligadong ibigay niya ang endorsement kay Imee para makalusot sa kinakaharap na impeachment case at tuluyang makatakbo bilang pangulo sa darating na 2028 presidential elections.

Pero sapat ba ang endorsement ni Sara para manalo si Imee sa halalan?  Paano naman ang mga grupong tulad ng Marcos loyalist, dilawan, kaliwa at iba pang political forces na hindi iboboto si Imee?