Maria Ressa: Bagong mukha ng Pilipinas

NAGPUPUGAY ang Haraya sa Rappler sa okasyon ng kanyang ika-10 anibersaryo.

Sino ang mag-aakalang isa ang Rappler sa magsisilbing sulo sa lumulukob na kadilimang dulot ng umano’y state policy ni Pangulong Duterte ng malawakan at sistematikong pagpatay ng tinatayang 12,000 hanggang 30,000 sibilyan?

Sanhi nito, kinasuhan, inaresto, at ibinilanggo si Maria Ressa.

Kinailangan pa niyang dumulog at humingi ng pahintulot sa ating hukuman makalipad lamang patungong Oslo, Norway upang tanggapin ang iginawad sa kanyang Nobel Peace Prize nitong Disyembre 10, 2021.

Kasama niya si Dmitry Muratov, isang Russian journalist, na nagtamo rin ng naturang gantimpala.

Takot

Walang ibang paliwanag kung bakit todo-todong panggigipit ang ginagawa ng pamahalaan kay Maria Ressa at sa Rappler.

Walang iba kundi takot.

Takot ang pamahalaan sa pagbubunyag ng Rappler ng katotohanan.

Kabuntot ng katotohanan ang kabatiran ng madla at ng buong mundo ng pang-aabuso sa kapangyarihan at paglabag sa karapatang pantao ng pamahalaang Duterte.

Katotohanang buong tapang na ipinababatid sa publiko ng Rappler at iba pang pahayagan.

Panagutin ang makapangyarihan – ito ang isinisigaw ng katotohanang matapat na isinisiwalat ng ating mga journalists, kasama ang magigiting nating human rights defenders mula sa gobyerno at civil society organizations.


Prisoner of conscience

Gayundin ang ginagawa ng pamahalaang Duterte kay Senadora Leila de Lima.

Ipinabilanggo ng pamahalaang Duterte si De Lima sa bisa ng mga huwad at pinagtagni-tagning kasinungalingan.

Tulad ni Maria Ressa, simbolo rin si Senadora de Lima ng konsyensya ng ating bayan at sangkatauhan.

Di nila maatim na manahimik sa gitna ng pamamaslang at pag-abuso sa kapangyarihan ng pamahalaang Duterte.

Isang tunay na prisoner of conscience ang pinagpipitaganan nating si Senadora de Lima.

Nakapiit si Senadora de Lima simula pa noong Pebrero 24, 2017.

Tulad ni Maria Ressa at ng Rappler, nilayong panagutin ni De Lima si Duterte sa ipinag-utos niya umanong pagpatay ng mahigit 1,600 sibilyan sa Davao sa panahon ng kanyang panunungkulan doon bilang mayor.

Bilang chairperson ng Senate Justice and Human Rights Committee, pinamunuan din ni Senadora de Lima ang imbestigasyon ng mga patayang ipinag-utos at isinagawang state policy umano ni Duterte mula nang mahalal siyang pangulo noong Mayo 9, 2016.

Paniniil at panlulupig sa ating demokrasya ang ginagawa ng pamahalaang Duterte kay Maria Ressa, sa Rappler, at kay Senadora Leila de Lima.


Liwanag ng katotohanan, katarungan, kalayaan, at demokrasya ang talumpati ni Maria Ressa nang kanyang tanggapin ang Nobel Peace Prize sa Oslo, Norway sa okasyon ng International Human Rights Day.

Pakinggan:


https://www.youtube.com/watch?v=m1w3rRRBoq8

Panunupil sa karapatan para sa malayang pananalita at pamamahayag, lalo na ng mga journalists, ang sentro ng kanyang pahayag.

Nobel lecture: https://www.nobelprize.org/prizes/peace/2021/ressa/lecture/

Si Maria Ressa ang bagong mukha ng Pilipinas na nagbibigay inspirasyon sa mata ng buong mundo.

Inigpawan niya ang makabaligtad-sikmurang imahe ng mga duguan at bulagtang bangkay sa mga iskinita, bangketa, at lansangan sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Mga larawan ng karahasan ng gobyerno na lumaganap sa buong mundo mula nang manawagan si Pangulong Duterte ng pagpatay ng ating mga kababayan.

Napakatalas ng isip, napakagaling magtalumpati, at napakalalim ng kanyang insights tungkol sa kaganapang pandaigdig.

Subalit ang pinakatampok sa ipinamalas niyang katangian: konsyensya, prinsipyo, katapangan, at paninindigan ng isang journalist.

Simbolo si Maria Ressa ng pagtindig at paglaban ng mga journalists, human rights defenders, at buong sangkatauhan laban sa kalupitan at pandarahas ng makapangyarihan.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]